Migrante

OFWs, nakiramay sa nasawing Yolanda volunteer worker


Pakikiramay ang paabot ng Migrante International sa kaanak ni Kristel Mae Padasas, anak ng isang overseas Filipino worker, na nasawi matapos ang misa ng Santo Papa noong nakaraang Sabado sa Tacloban City. Nabagsakan ng sound box ang 27-anyos na volunteer worker na nadestino sa lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda, matapos ang misa ni Pope Francis. Dumanas […]

Kristel Pasadas
Kristel Pasadas
Kristel Pasadas

Pakikiramay ang paabot ng Migrante International sa kaanak ni Kristel Mae Padasas, anak ng isang overseas Filipino worker, na nasawi matapos ang misa ng Santo Papa noong nakaraang Sabado sa Tacloban City.

Nabagsakan ng sound box ang 27-anyos na volunteer worker na nadestino sa lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda, matapos ang misa ni Pope Francis. Dumanas ng masamang panahon ang siyudad dahil sa hagupit ng bagyong Amang (Mekkhala), na nagpaiksi ng pagbisita ng Santo Papa.

Dumating sa Maynila noong Martes ang ina ni Kristel na si Judy Padasas. na 19 na taon nang nagtatrabaho bilang domestic worker sa Hong Kong.

Kuwento ng bawat migranteng Pilipino ang trahedya ng nangyari kay Kristel, sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. “Trahedya ito ng sapilitang pagwawalay sa iyong mahal sa buhay dahil sa pangangailangan at desperasyon, at pagiging malayo sa kanila sa panahon ng kagutuman, krisis, at kalamidad, maging hanggang kamatayan.”

Simpatiya ang dugtong ni Martinez at Migrante International sa pamilya, habang aniya’y patuloy ang laban ng mga OFW sa buong mundo sa labor export policy ng gobyerno na nagwawalay, at ayon rin sa sinabi ng Santo Papa, ay sumisira ng mga pamilya.

Naghatid ng ayuda, at dadaan sa psycho-social counseling ang ina ng biktima, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration.

Dumating ang labi ni Kristel sa Maynila noong Enero 19.