Kababaihan Main Story

Pagkawasak ng agrikultura sa ika-20 taon ng WTO


Ngayong 2015, mahigit 20 taon nang nakapailalim ang bansa sa General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO). Hindi man inaamin ng gobyerno, nagkatotoo ang pinangangambahan noon ng mga tumutol sa nasabing kasunduan: wawasakin nito ang lokal na ekonomiya. “Natalo man tayo sa botohan, tayo ang tama. Nagkatotoo ang ating mga pangamba,” ani Sen. […]

farmer file photo
Halos hindi na maibenta ng lokal na mga magsasaka ang kanilang ani, dahil sa pagdagsa ng imported na mga produkto. PW File Photo

Ngayong 2015, mahigit 20 taon nang nakapailalim ang bansa sa General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization (GATT-WTO). Hindi man inaamin ng gobyerno, nagkatotoo ang pinangangambahan noon ng mga tumutol sa nasabing kasunduan: wawasakin nito ang lokal na ekonomiya.

“Natalo man tayo sa botohan, tayo ang tama. Nagkatotoo ang ating mga pangamba,” ani Sen. Vicente Sotto III, isa sa mga senador na bumoto laban sa GATT-WTO, na niratipika ng Senado noong Disyembre 14, 2004.

Nagtipun-tipon ang mga magsasaka, negosyante, mambabatas, at ekonomista para pag-usapan ang naging epekto ng WTO sa kabuhayan ng mga Pilipino at ekonomiya ng bansa, partikular sa agrikultura. Ginanap ito sa isang porum sa Polytechnic University of the Philippines noong Enero 29 na inorganisa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Lokal na ani, hindi nabibili

Malubha ang sitwasyon, lalo na para sa mga magsasaka.

Anila, maraming lokal na pananim ang hinahayaan na lamang mabulok kaysa anihin, o hindi kaya’y nabubulok sa mga trading post, dahil wala nang mga trader na bumibili. Ang dahilan: ang pagdagsa ng mga mas murang imported na produktong agrikultural.

Sen. Vicente Sotto III: Pinatunayan ng kasaysayan na tama ang pagboto laban sa GATT-WTO. Ilang-Ilang Quijano
Sen. Vicente Sotto III: Pinatunayan ng kasaysayan na tama ang pagboto laban sa GATT-WTO. Ilang-Ilang Quijano

Halimbawa na lamang ang sibuyas. Kuwento ng magsasakang si Elmer Dayson ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, noong 2014 ang pinakamasaganang ani ng sibuyas sa Nueva Ecija, ang probinsyang pangunahing prodyuser nito.

Ngunit dahil sinabayan ng importasyon, sumadsad din sa pinakamababa ang bentahan o farmgate price ng sibuyas: mula P10 hanggang P18 na lamang kada kilo. “Kaya ‘yung ibang sibuyas, hindi na lang inani. Gagastos ka pa, wala namang bumibili,” aniya.

Ganito rin halos ang kuwento ng mga magsasaka ng gulay sa Kordilyera, tinaguriang vegetable capital ng Pilipinas. Noong 2003, kuwento ni Fernando Bagyan ng Apit-Tako, sumadsad sa P1 hanggang P2 kada kilo ang bentahan ng carrots, repolyo, at patatas. “Walang bumibili, dahil ang lahat ng traders nasa pier, nag-aabang ng imported,” aniya.

Tuwing sumasadsad ang presyo sa bentahan, lubhang natatamaan ang 40,000 pamilya sa Kordilyera na umaasa sa pagsasaka ng gulay.

Umaangal maging ang mga lokal na negosyante sa industriya ng poultry. “Noong 1995 (bago pa ang WTO), zero importation ang manok. Ngayon, nasa 174 milyong kilo ng manok ang imported,” ani Atty. Bong Inciong ng United Broilers Raisers Association.

Sa datos ng Ibon Foundation, kasama ang manok (10%) sa mga produktong agrikultural na pinakamaraming inaangkat. Kasama rin ang bigas (19%), bawang (65%), mongo (54%), kape (45%), baka (21%), mani (70%), sibuyas (8%), at baboy (5%).

Umaasa sa imported

Sa ilalim ng GATT-WTO na nagliliberalisa sa ekonomiya, mabilis na ibinaba ng gobyerno ng Pilipinas ang taripa sa mga dayuhang produktong agrikultural—mas mabilis at mas mababa kaysa sa ibang bansa sa Asya gaya ng Cambodia, Vietnam, Malaysia, Thailand, at Indonesia.

Magsasakang si Elmer Dayson: Pinabubulok na lang ang mga sibuyas, kaysa anihin. Ilang-Ilang Quijano
Magsasakang si Elmer Dayson: Pinabubulok na lang ang mga sibuyas, kaysa anihin. Ilang-Ilang Quijano

Dahil dito, dumagsa ang mga imported na produkto at bumagsak ang kontribusyon ng agrikultura sa Gross Domestic Product o GDP. Mula sa 15% ng GDP noong 1994, naging 10% na lamang ito noong 2014: nakakabahala para sa isang agrikultural na bansa.

Halos wala rin mga bagong trabaho sa agrikultura na nalikha sa pagpasok ng malalaking dayuhang agribusiness. Ang 11.3 milyong trabaho sa agrikultura noong 1994, nadagdagan lamang ng 200,000 makaraan ang dalawang dekada.

Bumaba pa ang halaga ng sahod ng mga manggagawang-bukid. Mula P126 noong 1994, nasa P122 na lamang ito noong 2014, ayon sa Ibon.

Sa madaling salita, hindi umunlad ang agrikultura, at mga magsasakang umaasa dito, sa kabila ng mga pangako ng mga nagtulak ng GATT-WTO na mabuti para sa lokal na mga industriya ang “malayang kompetisyon.”

“Ang totoo, hindi interesado ang gobyerno sa pagiging competitive natin,” ani Inciong. Umano’y wala itong ibinibigay na suporta o subsidyo sa lokal na mga magsasaka at industriyang pang-agrikultura.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon, hinahayaan lamang ng gobyerno ang Pilipinas na maging kuhanan ng murang lakas-paggawa at hilaw na materyales, at tambakan ng mga produktong surplus ng malalaking dayuhang bansa.

Alternatibo sa WTO

Sa ngayon, malayong magbago ang mga polisiyang pang-ekonomiya ng gobyerno na nakatuon sa lalo pang pagliliberalisa ng ekonomiya. Ngunit idiniin ni Inciong na kailangan nitong magbago upang maseguro ang pagkain at kabuhayan ng mga Pilipino.

Dahil sa epekto ng climate change, inaasahan na tataas ang presyo ng mga produktong agrikultural sa pandaigdigang merkado sa darating na panahon, ayon sa isang pag-aaral ng US Council of Science and Agro-Technology. “Kung nakaasa pa rin tayo sa imported, kawawa naman ang ating mga anak,” aniya.

Pero posible ang “pagbaklas” sa WTO. Ayon kay Africa, mangyayari ito sa ilalim ng isang gobyerno na hindi sunud-sunuran sa dikta ng malalaking dayuhang kapitalista, at nakatuon sa pagpapalakas ng pambansang ekonomiya. Madali ito dahil mayaman sa natural na rekurso ang Pilipinas, at malaki ang populasyon.

Hindi ibig sabihin nito na magsasara ang Pilipinas sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa. “Habang may pakinabang ang ibang bansa sa pakikipagkalakalan sa atin, gagawin nila ito,” sabi ni Africa. Inihalimbawa niya ang sosyalistang bansang Cuba, na ilang dekadang pinatawan ng economic embargo ng Estados Unidos (noong nakaraang taon lamang ito tinanggal). Umano’y patuloy na nakipagkalakalan ang Cuba sa iba’t ibang bansa.

Si Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, ay isa sa mga nagprotesta laban sa GATT-WTO sa harap ng Senado, 20 taon na ang nakakaraan. Lider-estudyante pa siya noon.

“Marami doon sa sinabi namin noon, naganap na. Huwag natin hayaan na ang mga problema natin sa ekonomiya ay ganoon pa rin, dalawang dekada mula ngayon. Mag-organisa tayo para may panlaban tayo. Posibleng tumindig tayo sa sarili nating mga paa,” aniya.