Kapirasong Kritika

No Woman, No Cory


Nitong nakaraang buwan, nagkaroon ako ng pagkakataong mabasa ang mga dulong bahagi ng librong State and Society in the Philippines [2005] nina Patricio N. Abinales at Donna J. Amoroso. Ang balita ko, ang librong ito – na nalimbag nang may papuri ng mga bantog na akademikong sina Paul D. Hutchcroft at Felipe B. Miranda, ng […]

Nitong nakaraang buwan, nagkaroon ako ng pagkakataong mabasa ang mga dulong bahagi ng librong State and Society in the Philippines [2005] nina Patricio N. Abinales at Donna J. Amoroso. Ang balita ko, ang librong ito – na nalimbag nang may papuri ng mga bantog na akademikong sina Paul D. Hutchcroft at Felipe B. Miranda, ng bantog na mamamahayag na si Sheila S. Coronel, at ng iba pa – ay ginagamit nang teksbuk ng ilang propesor sa Agham Pampulitika sa ilang unibersidad sa bansa. Kung sa mga naunang teksbuk ay hindi mababasa ang (pambansa-demokratikong) Kaliwa, dito ay tampok ito, pero pinagmukhang masama.

Anu’t anuman, sabi nina Abinales at Amoroso, kaunti ang pansin na ibinigay ng mga iskolar sa “pagtampok sa pampulitikang arena nang walang katulad sa nakaraan” ng sektor ng kababaihan “simula sa pagkahalal ng unang babaeng pangulo ng bansa” na si Cory Aquino, syempre pa. Sabi ng dalawa, pinakamainam na mauunawaan si Cory bilang miyembro ng kanyang kinabilangang uri, ang “landed elite,” at kinabilangang pamilya, ang “pampulitikang angkang Aquino-Cojuangco.” Pero “hindi nito dapat pagtakpan ang katotohanan na sa panahon ng kanyang pagpapanumbalik ng mga demokratikong praktika, lumawak nang makabuluhan ang paglahok ng kababaihan sa pampublikong larangan. Ibinukas ni Aquino ang mga pinto ng Estado sa kababaihan, at nanatili silang bukas simula noon.”

Maririnig ang alingawngaw ng ganitong mga pahayag kay Pang. Noynoy Aquino mismo. Sabi sa isang balita, sinabi raw niya, sa isang pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan, na ang nanay niya ay katulad ni Gabriela Silang: Kung paanong ipinagpatuloy ng huli ang laban ni Diego Silang, ipinagpatuloy rin ni Cory ang laban ni Ninoy Aquino. Sabi pa niya sa harap ng tinatayang 5,000 benipisyaryo ng programang Sari-Sari Store Training and Access to Resources o STAR, ang nanay niya ang may gustong magbigay ng “mas maraming oportunidad” sa kababaihan. Itinulak daw ni Cory ang “affirmative action” para sa kababaihan sa gobyerno, kapulisan at militar. “Bilang isang babae at lider ng ating bansa, alam ng aking ina na maraming maiaambag ang kababaihan sa paghubog sa hinaharap ng ating bansa,” ani Noynoy.

Kung babalikan ang kasaysayan, gayunman, si Cory bilang pantapos sa diktadura ni Ferdinand Marcos ang dinala ng kababaihan, hindi ang kabaligtaran. Sabi ni Neferti Xina M. Tadiar na nagsiyasat sa aspetong ito ng pag-aalsang Edsa noong 1986: “[M]atapos patayin si Ninoy, may walang katulad sa nakaraan na bilang ng kababaihan mula sa maraming sektor, makabuluhan mula sa mga panggitnang uri, ang naging aktibo sa pulitika, at militante pa nga. Marami sa mga organisasyong natayo para suportahan ang kandidatura ni Cory ay pinamunuan at kinasapian ng kababaihan. At maraming kalalakihan ang nahatak sa pakikibaka laban kay Marcos ng kanilang mga asawa… Noong pag-aalsa, kumilos ang kababaihan nang malaya sa kanilang mga asawa, minsan laban sa kanila [Fantasy-Production, 2004].”

Sa isang banda, naluklok si Cory sa pagkapangulo at ang maraming babae sa mga posisyon sa gobyerno dahil sa pagkilos-paglaban ng kababaihan, kasama ng sambayanan. Sa kabilang banda, hindi pa inaabot ng naturang pagkilos-paglaban ang pagbabago sa kalagayan ng nakakaraming kababaihan – kababaihang magsasaka, manggagawa, at maging panggitnang-uri. Kung kalagayan nila ang pag-uusapan, mas naging kalaban kaysa kakampi si Cory. Sa mga pahayag nina Abinales, Amoroso at Noynoy, labis-labis ang pagtaya sa umano’y pagsulong ng kababaihan batay sa pagsulong ng mga nasa naghaharing uri, at ibinibigay ang lahat ng papuri para sa gayong pagsulong kay Cory. Ang itinutulak ay ang karangalan ni Cory, hindi ang kapakanan ng nakakaraming kababaihang Pilipino.

Isa sa mga organisasyon ng kababaihan na nabuo sa paglaban sa diktadurang US-Marcos, syempre pa, ang militanteng Gabriela. Tinutulan ng grupo ang pagsasabi ni Noynoy na magkatulad si Cory at ang katukayo nilang bayani. Ayon sa grupo, hindi lumaban si Cory sa dayuhang kapangyarihan sa Pilipinas, na siyang ginawa ni Gabriela Silang. Para iwasan ang matalas na pag-iiba ng organisasyon, idineklara ng Malakanyang na “maraming nagawa” si Cory “para sa bansa” at “kinikilala ng buong daigdig” ang mga nagawa at tagumpay niya. Ito’y walang ibang iba kundi pagtanggi sa pagkilos-paglaban ng kababaihan, kasama ang sambayanan, at pag-angkin sa anumang tagumpay ng naturang pagkilos-paglaban para sa iisang babae – isang pagsusuring napaka-kontra-kababaihan sa Buwan ng Kababaihan.

07 Abril 2015