Main Story

Pagtatanggol sa Wikang Pilipino, dinala sa Korte Suprema


Dinala sa Korte Suprema ng mga tagapagtanggol ng wikang Pilipino ang paglaban nila kontra sa Commission on Higher Education Memorandum No. 20 series of 2013 (CMO No. 20) na naglalayong tanggalin ang wikang Filipino sa kurikulum. Pinangunahan ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) ang nasabing pagtutol sa CMO No. 20 ng kanilang isumite […]

Tanggol Wika sa harapan ng Korte Suprema habang kanilang ipinakikita ang petisyon laban sa pagtatanggal ng wikang Filipino sa kurikulum. <strong>Pher Pasion</strong>
Tanggol Wika sa harapan ng Korte Suprema habang kanilang ipinakikita ang petisyon laban sa pagtatanggal ng wikang Filipino sa kurikulum. Pher Pasion

Dinala sa Korte Suprema ng mga tagapagtanggol ng wikang Pilipino ang paglaban nila kontra sa Commission on Higher Education Memorandum No. 20 series of 2013 (CMO No. 20) na naglalayong tanggalin ang wikang Filipino sa kurikulum.

Pinangunahan ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) ang nasabing pagtutol sa CMO No. 20 ng kanilang isumite sa Korte Suprema ang kanilang petisyon para ibasura ang nasabing memorandum.

Ayon sa mga petisyuner, nilabag ni CMO No. 20 ang mga probisyon sa Konstitusyon kaugnay ng Pambansang Wika, kultura ng bansa, pambansang edukasyon, at polisiya sa paggawa.Nakasaad ang mga ito sa Artikulo XIV, Seksiyon 2, 3, 6, 14, 15, at 18; Artikulo II, Seksiyon 17 at 18; at Artikulo XIII, Seksiyon 3.

Gayundin, nilabag umano ng CMO No. 20 Series of 2013 ang makabayang adhikain ng mga tagapagtatag ng Konstitusyon. Ang diin ng Konstitusyon sa pagiging makabayan at pagkaalam sa kultura bilang sentro ng katangian ng edukasyong Pilipino, at maka-manggagawang probisyon ng Konstitusyon – kabilang ang mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon – na karapatang makilahok sa aktibidad sa paglikha ng mga polisiya.

Giit ng mga Tanggol Wika, hindi sila kailanman nakonsulta sa paglikha ng nasabing memorandum order ng CHED.

“Ginawa natin ang pagsasampa sa Korte Suprema para salubungin ang mga hakbang  na pag-alabin muli ang damdamin ng mga tao para sa paglikha ulit ng kasaysayan, sa paglikha ng bagong curriculum na para talaga sa atin at hindi para sa dayuhan,” ani David Michael San Juan, convener ng Tanggol Wika.

Giit pa ng grupo, nilalabag ng nasabing memorandum ang Republic Act 7104 (Organic Act of the Komisyon ng Wikang Filipino o KWF, Republic Act No. 232 (Education Act of 1982), at Republic Act No. 7356 (Organic Act of the National Commission on Culture and Arts/NCCA).

Nilabag umano ng CHED ang RA 7104 nang akuin nito ang dapat sana’y tungkulin ng KWF na lumikha ng mga polisiya sa wika.

Agosto 2014 nang maglabas ng resolusyon ang KWF na sumusuporta sa panawagan ng Tanggol Wika na isama ang siyam na yunit ng mga sabdyek na Pilipino sa bagong kurikulum. Naglabas din ng kaparehong resolusyon ang National Committee on Language on Translation sa ilalim ng NCCA noong Hunyo 2014, mas maaga sa KWF.

Kaugnay nito, nilalabag din umano ng CMO No. 20 ang RA 7356 sa hindi nito pagsulong sa pagkamakabayan at pangkulturang edukasyong nakasaad sa batas.

Ikinababahala ng mga grupo ng mga guro ang pagtatanggal ng wikang Filipino sa kolehiyo na magibbigay-panganib sa trabaho ng 78,000 guro sa bansa.

Gayunman, sinabi ng Tanggol Wika na higit pa rito ang mawawala sa mga mamamayang Pilipino.

Para sa dayuhan

Sa tingin ni San Juan, hindi na nagsisilbi ang sistema ng edukasyon sa pangmatagalang pangangailangan ng bansa, tulad ng nilalaman ng CMO No. 20. Sa kabila nito, layunin ng naturang memorandum na tugunan ang murang lakas-paggawa at kakayahang mag-Ingles para sa mga kompanya ng dayuhang mga monopolyo-kapitalista.

David Michael San Juan, doktor at convener ng Tanggol Wika, habang inihahain sa Korte Suprema ang kanilang petisyon laban sa Commission on Higher Education Memorandum No. 20 series of 2013 na naglalayong tanggalin ang wikang Filipino sa kurikulum. <strong>Pher Pasion</strong>
David Michael San Juan, doktor at convener ng Tanggol Wika, habang inihahain sa Korte Suprema ang kanilang petisyon laban sa Commission on Higher Education Memorandum No. 20 series of 2013 na naglalayong tanggalin ang wikang Filipino sa kurikulum. Pher Pasion

“Kaya dumating sa punto na ino-offer ang Mandarin, ang French, Spanish, at English sa curriculum pero ang wikang Filipino ay buburahin na. Kaya sinasabi natin na nakaangkla ito sa programang pang-ekonomiya ng gobyerno na mag-produce ng maraming laborers for export,” ani San Juan.

Ganito rin ang tindig ng League of Filipino Students (LFS), organisasyon ng progresibong kabataang mag-aaral.

Para sa LFS, malinaw ang kaugnayan ng programang K-to-12 sa pagtatanggal ng wikang Pilipino. Salamin umano ito ng pagiging sunud-sunuran ng gobyerno ng Pilipinas sa dikta ng mga dayuhan na layong kontrolin ang edukasyon para sa pangangailangang pang-ekonomiya ng imperyalistang mga bansa.

“Hindi parang hiwa-hiwalay silang pino-propose, kundi ginagawa ang mga patakarang ito para systematically ay makapag-produce ng cheap labor at labor for export ang bansa,” ayon kay Banez.

Hinububog umano ang sistema ng edukasyon para magsilbi sa kasalukuyang katangian ng ekonomiya na import dependent at export oriented. Ang ganitong klase ng ekonomiya laging nangangailangan ng murang lakas-paggawa, ayon pa sa LFS.

Sinabi naman ni San Juan na pagpatay sa kritikal na pag-iisip ang ganitong hakbang ng kapitalismo na sinusunod ng gobyerno ng Pilipnas. Kinokontrol umano nito ang kaisipan ng mga mamamayan sa kasaysayan, identidad o pagkakakilanlan, at potensiyal mismo ng mga Pilipino para maging sunud-sunuran interes ng mga dayuhan.

Pagsuporta ng mga mag-aaral sa laban para ipagtanggol ang wikang Filipino. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagsuporta ng mga mag-aaral sa laban para ipagtanggol ang wikang Filipino. Pher Pasion

“Layunin nila’y lumikha ng  kabataan na walang pagmamahal sa sariling bayan, maging sunud-sunuran na madaling siilin. Ito ang mga katangian na kailangan ng dambuhalang mga korporasyon–‘yung mga mamamayan na hindi lalaban sa patuloy na pagbaba ng sahod, unfair labor practices, kontraktuwalisasyon,” ayon kay Charisse Banez ng LFS.

Para sa LFS, ang sistema ng ekonomiya’y hindi hiwalay sa sistema ng edukasyon. Kung para sa iilan ang ekonomiya, gayundin ang edukasyon. Gayundin ang mga patakaran ng gobyerno.

Hamon sa mga mamamayan na ipagtanggol ang wikang Filipino sa kabila ng mga atake kontra rito ng mismong gobyerno at CHED–na dapat sanang nagtatanggol at nagpapaunlad sa wikang Pilipino, ayon sa Tanggol Wika.

“Hangga’t ang gobyerno’y tuta ng dayuhan, hindi talaga ito gagawa ng mga hakbangin para maging makabayan ang edukasyon at magkaroon ng sistema ng edukasyon na maglilingkod sa bansa. Higit na kailangan ang pagbuhos ng kabataan at mga mamamayan sa mga unibersidad, sa mga lansangan. Maliban pa ito sa petisyon na inihain natin sa Korte Suprema,” pagtatapos ni Banez.