Kababaihan Main Story Maralitang Lungsod

Maitim na mundo ng mga residente ng Happyland sa Tondo

Hika, sakit sa balat, at pagsusuka. Ganito ang pang-araw-araw na nararanasan ng maraming residente ng Bgy. 105 Happyland sa Tondo, Manila. Nagsimula nila itong maranasan may isang taon na mula nang magsimulang perwisyuhin sila ng tambakan ng coal na kadikit ng kanilang barangay. Nakapangalan sa Rock Energy ang nasabing bodega na pinag-iimbakan. “Kawawa ang mga […]

Barangay 105 Happy Land sa Tondo, Manila na apektado ng imbakan ng coal. Pher Pasion
Barangay 105 Happy Land sa Tondo, Manila na apektado ng imbakan ng coal. Pher Pasion

Hika, sakit sa balat, at pagsusuka. Ganito ang pang-araw-araw na nararanasan ng maraming residente ng Bgy. 105 Happyland sa Tondo, Manila.

Nagsimula nila itong maranasan may isang taon na mula nang magsimulang perwisyuhin sila ng tambakan ng coal na kadikit ng kanilang barangay. Nakapangalan sa Rock Energy ang nasabing bodega na pinag-iimbakan.

“Kawawa ang mga bata rito. Wala na ngang pera ang mga tao, magkakasakit pa. Ultimong isusubo mo na lang na kanin may carbon (coal) pa,” ayon kay Althea Sugetan, 19, ina sa kaniyang isang taong gulang na anak na hinihika at may sakit sa balat dulot umano ng coal na napupunta sa kanila.

Maitim na epekto

Marami sa mga nanay katulad ni Althea ang nangangamba sa kalusugan ng kanilang anak. Pero hindi lamang ang mga bata ang apektado sa epekto ng coal sa kanilang lugar.

Si Janeth Armas, halimbawa, may sakit sa puso at may hika. Nauna na niyang nalaman ang kanyang kalagayan noong 2012 at sumailalim sa paggamot. Pero ngayon, bumalik ang kaniyang sakit at wala na siyang pambili ng kanyang mga gamot.

“Pati itong anak ko, pabalik-balik ang ubo. May makakati sa balat (ko). Marami rito, may ganitong sakit sa balat,” ayon kay Janeth.

Gayundin ang kalagayan ng ama ni Janeth na si Eduardo Armas, 59. May sakit na rin siya sa balat at hirap din sa paghinga. “Hapung-hapo ako. Hirap huminga. Kahit gusto kong magpahinga hindi ko magawa dahil sa carbon (coal). Kahit umaga, lalo na kapag malakas ang hangin.”

Kadikit ng kabahayan ng mga residente ang mismong tambak ng coal. Kontribusyon
Kadikit ng kabahayan ng mga residente ang mismong tambak ng coal. Kontribusyon

Maliban pa rito, hirap din ang mga residente sa paglilinis dahil maya’t maya ang bagsak ng coal sa kanilang komunidad. Perwisyo din ito maging sa nilabhang mga damit lalo na sa mga puting damit na nagiging itim. Hirap rin silang makapagluto.

“Daig pa ng mga tagarito ang mga mag-uuling dahil sa itim ng carbon (coal). Mga bata rito, parang mga yagit,” ani Eduardo.

Hindi pa tumutugon

May diyalogo sana na gagawin sa pagitan ng mga residente at opisyal ng nagpapatakbo ng imbakan ng coal. Pero nang magtungo ang dalawang tauhan nito na nagpakilala ang isa na si “Engr. Dennis” (hindi nagbigay ng apelyedo) sa barangay, agad na umalis ito dahil ang kapitana lang umano ang nais nilang makausap.

Ayon kay “Engr. Dennis”, nagsimula na nilang hakutin ang mga coal at humingi sila ng dalawang linggo para tuluyang matanggal ang nakaimbak na uling. Tinangkang kapanayamin ng Pinoy Weekly ang naturang opisyal pero hindi siya nagpaunlak at agad na umalis.

Ipinakita ni Henry Berbon, 42, ang kapal ng coal sa kanilang bahay. Ganito umano ito araw-araw lalo na kapag malakas ang hangin. Pher Pasion
Ipinakita ni Henry Berbon, 42, ang kapal ng coal sa kanilang bahay. Ganito umano ito araw-araw lalo na kapag malakas ang hangin. Pher Pasion

“Sa tingin namin may tinatago (sila) kapag ganyan (umiiwas). Siyempre, kung wala kang itinatago hindi ka natatakot. Hindi tama ‘yung ganun. Dapat bigyan nila ng pansin ang tao dahil sila ang nakakaperwisyo,” ani Elenita Reyes, tagapangulo ng Bgy. 105.

Ayon sa pamunuan ng Bgy. 105, ilang beses na nilang ipinatawag ang naturang kompanya dahil sa mga reklamo. Apektado rin maging ang mga opisyal ng barangay.

“Sabi nila, tatanggalin nila, hindi naman nila tinutuloy. Kung minsan nagla-lie low pero inuulit pa rin nila,” ani Reyes. Wala rin umanong kaukulang permiso ang naturang kompanya sa kanila. Iba umano ang nakalagay na negosyo sa kanila – lupa umano imbes na coal.

Naniniwala rin si Reyes na dapat managot ang kompanya sa mga residenteng naapektuhan na ng operasyon ng coal lalo na iyong mga nagkakasakit.

Ayon kay Val Biñas, kagawad ng Bgy. 105, nasa 25,000 residente ang apektado ng naturang coal hindi lamang sa kanilang barangay. Wala umano siyang alam na permit na binigay ang kanilang barangay para sa operasyon ng coal.

“Makikita ninyo walang limang metro ang layo sa mga kabahayan. Mataas pa sa mga bahay ang carbon nila, paanong hindi mapupunta sa amin konting hangin lang. Paano pa yan kung gumuho? Hindi kami kontra sa negosyo nila kung hindi ito nakakaperwisyo at nagiging banta sa mga residente dito” ayon kay Biñas.

Nakikipag-ugnayan na ang barangay sa lokal na pamahalaan ng Maynila para tumugon din sa problema.

Huling palugit

Dahil sa karanasan ng barangay sa hindi pagtupad ng naturang kompanya sa mga naging pakikipag-usap sa barangay, kanila umanong babantayan kung matatanggal na ang nakaimbak na coal.

Hindi man nila matagalan ang dalawang linggo pa na pasakit sa kanila ng epekto ng coal, pero para sa mga residente, ito na ang huling palugit na kanilang ibibigay sa may-ari ng nakaimbak na coal. Nakahanda naman ang pamunuan ng barangay na tulungan ang mga apektadong residente.

“Kung hindi nila ma-pu-pull out siguro aaksiyon na ang mga residente kasama kami (opisyal ng barangay) para mapigilan ang pag--stock nila ng coal,” ayon kay Biñas.

Si Althea Sugetan at ang kaniyang isang taong anak na hinihika at may sakit sa balat duloy umano ng coal. Pher Pasion
Si Althea Sugetan at ang kaniyang isang taong anak na hinihika at may sakit sa balat duloy umano ng coal. Pher Pasion
Isang nagpakilalang "Engr. Dennis" (kanan), Elenita Reyes, kapitan ng Barangay 105 (gitna), at ang hindi nagpakilalang opisyal ng imbakan ng coal (kaliwa). Pher Pasion
Isang nagpakilalang “Engr. Dennis” (kanan), Elenita Reyes, kapitan ng Barangay 105 (gitna), at ang hindi nagpakilalang opisyal ng imbakan ng coal (kaliwa). Pher Pasion
Mag-amang Eduardo Armas, 59, (kaliwa) at Janeth Armas,35, (kanan). Pher Pasion
Mag-amang Eduardo Armas, 59, (kaliwa) at Janeth Armas,35, (kanan). Pher Pasion
Dikit agad ang coal kahit na bagong paligo ang isang bata sa Barangay 105 Tondo, Manila. Pher Pasion
Dikit agad ang coal kahit na bagong paligo ang isang bata sa Barangay 105 Tondo, Manila. Pher Pasion
Mga residente ng Barangay 105 na nagtungo sa barangay hall para irehistro ang kanilang reklamo at pagtutol sa operasyon ng pag-imbak ng coal malapit sa kanilang lugar. Pher Pasion
Mga residente ng Barangay 105 na nagtungo sa barangay hall para irehistro ang kanilang reklamo at pagtutol sa operasyon ng pag-imbak ng coal malapit sa kanilang lugar. Pher Pasion