Main Story Manggagawa

Makasaysayang welga ng mga manggagawa sa La Tondena


Tama na! Sobra na! Welga na! Unang umalingawngaw ang panawagang ito sa unang pinakamalaking welga sa ilalim ng batas militar, halos 40 taon na ang nakararaan – ang La Tondena strike. Ito’y sa kabila ng pagbabawal sa welga ayon sa General Order No.5, na ibinaba ng dating diktador na si Ferdinand Marcos sa ikalawang araw […]

Bahagi ng pahayag ng mga manggagawa ng La Tondena sa kanilang welga.
Kasama ng mga manggagawa ng KMU sina Luis Jalandoni, Coni Ledesma at Randy Echanis na nagdiwang ng ika-40 anibersaryo ng welga sa La Tondena. <b>Kontribusyon</b>
Kasama ng mga manggagawa ng KMU sina Luis Jalandoni, Coni Ledesma at Randy Echanis na nagdiwang ng ika-40 anibersaryo ng welga sa La Tondena. Kontribusyon

Tama na! Sobra na! Welga na! Unang umalingawngaw ang panawagang ito sa unang pinakamalaking welga sa ilalim ng batas militar, halos 40 taon na ang nakararaan – ang La Tondena strike.

Ito’y sa kabila ng pagbabawal sa welga ayon sa General Order No.5, na ibinaba ng dating diktador na si Ferdinand Marcos sa ikalawang araw ng batas militar. Liban sa welga, bawal din ang piket, rali, demonstrasyon at anumang tipo ng sama-samang pagkilos.

Gayunman, 800 manggagawa ng La Tondena Distillery sa Velasquez, Tondo, Manila, na karamiha’y kababaihan, ang naglakas-loob na nagwelga at bumasag sa “katahimikan” ng batas militar noong Oktubre 24-25, 1975, sa kabila ng banta ng pang-aaresto at pagkakakulong sa kanila.

Bitbit nila sa welga ang isyung mainit noon hanggang ngayon—kontraktuwalisasyon. Inilaban ng mga manggagawa na gawing regular ang may 600 kaswal (na tinagurian nang kontraktwal) at 500 pang ang turing ay “extra” gayong lampas na sa anim na buwan. Nais din nilang maibalik ang lahat ng kaswal na tinanggal at gawing regular.

Kagyat na hinarang ng tropa ng Metropolitan Command (Metrocom) ang mga lumabas na manggagawa at, kahit buntis, ay pinagpapalo at pinilit na sinakay sa Metrocom bus papuntang Camp Crame. Hindi nagpapigil ang noo’y mga pari, madre at seminarista na nakikiisa sa welga, kasama sina Fr. Joe Dizon at Sr. Mary John Mananzan, at agarang sumampa sa estribo at nangunyapit sa pinto at mga bintana ng bus para samahan ang mga welgista. Noo’y nanawagan ng suporta ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) at Church-Labor Center sa welga.

Hindi naitago ng diktadurang Marcos ang pangyayaring ito, di tulad ng iba pang naunang protesta ng mga manggagawa sa ibang lugar. Halimbawa, nakapaglunsad ng piket ang mga manggagawa ng Lirag Textile Mills, Malabon, noong 1974, dahil sa mababang sahod at nagmartsa ang mga manggagawa ng Gelmart sa Paranaque.

Noon namang 1973, isang taon matapos ideklara ang batas militar, nag-sitdown strike ang garment workers sa Canlubang, Laguna, gayundin sa Gentex, Libis, Quezon City at sa Pampanga Sugar Mills.

Bahagi ng pahayag ng mga manggagawa ng La Tondena sa kanilang welga.
Bahagi ng pahayag ng mga manggagawa ng La Tondena sa kanilang welga.

Malawak na suporta

Natatangi ang La Tondena hindi lamang sa ipinakitang militansiya ng mga manggagawa kundi maging sa inaning malawak na suporta sa mga kapwa mangaggawa sa iba’t ibang pabrika at pati na sa iba’t ibang sektor ng lipunan, tulad ng mga alagad ng simbahan, sa panahong ang batas na bakal ni Marcos ang umiiral.

Tuloy, kahit kontrolado ni Marcos ang mass media, kumilos naman ang iba’t ibang unyon at organisasyon ng mga mamamayan para ibalita ang welga ng La Tondena. Laksa-laksang polyeto dala ang panawagang ‘tama na, sobra na, welga na” ang kumalat sa publiko. Nilaman ang balita ng mga independyenteng publikasyon tulad ng popular na Signs of the Times at underground publications tulad ng Ang Bayan, Liberation, Balita ng Malayang Pilipinas at umabot pa ito sa foreign press. Lumaganap ang karanasan ng welga ng La Tondena mula Luzon hanggang Mindanao.

Hindi rin nagtagal at nailabas din ang mga welgista sa Crame at naipagtagumpay ng welga na maging regular ang 300 manggagawa.

Tatlong buwan makalipas ang welga ng La Tondena, binago ni Marcos ang batas sa welga at ginawa na lamang bawal ang welga sa mahahalagang (“vital”) industriya. Ngunit napakasaklaw at nakalilito ang depinisyon ng “vital industries”, kung kayat hindi malinaw kung saan puwedeng magwelga nang legal.

Hindi nagpapigil ang mga manggagawa. Pumutok ang mga welga sa iba’t ibang kapuluan sa 14-taong paghahari ng batas militar. Pinalakas at pinalawak pa ng mga manggagawa ang kanilang pagkilos. Noong 1976, lumahok ang mga manggagawa sa 10,000 rali ng mga mamamayan sa Plaza Bustillos laban sa batas militar. Sinindihan pa ng welga ng La Tondena ang pagbubuo ng maraming unyon at mga alyansa ng mga manggagawa.

Malawak na pagkilos

Noong Mayo 1, 1975, nabuo ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Metro Manila, na idineklarang ilegal ni Marcos noong 1977. Pero noong Mayo 1, 1978, naitatag naman ang Kapatirang Anakpawis (KAP) na kinapalooban ng mga lider-unyonista mula sa Metro Manila, Cavite at Laguna. Muli ring dinakip ni Marcos ang mga lider nito.

Gayunman, matapos muling magpalakas, hindi na lamang sa Luzon kundi sa buong bansa, isinilang ang Kilusang Mayo Uno (KMU) noong Mayo 1, 1980, sa gitna ng rumaragasang kilusang manggagawa at, sa loob ng 35 taon hanggang ngayon, ay tumitindig bilang tunay, palaban at militanteng sentro ng kilusang manggagawa.

Sa militanteng pagkilos, napapurol ng kilusang manggagawa ang bisa ng batas militar at ng pagbabawal sa welga. Mahalaga ang mga pagkilos na ito, mula pa sa karanasan ng mga naunang manggagawa tulad ng La Tondena, para mag-ambag ang kilusang manggagawa sa tuluyang pagtatapos ng batas militar sa bansa.

Nang alisin ang batas militar noong 1981, humirit pang pataas ang bilang ng mga welga na umabot ng isanlibo. Mula 1981 hanggang 1985, naitala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na 245 ang taunang average ng welga kumpara sa 48 lamang bawat taon ng 1976-1980. Ngunit ito’y mga bilang na naitala lamang.

Gayunman, naalarma pa rin ang gobyerno ni Marcos at naglabas ng mga batas na nagpapahigpit ng mga kondisyon para makapagwelga ang mga manggagawa, na patuloy na pinapatupad at pinalala pa ng mga sumunod na administrasyon, tulad ng pagbabawal ng barikada sa welga at assumption of jurisdiction. Ang mga paghihigpit na ito ay umaabot pa sa extra-judicial killings tulad ng pagpatay sa mga lider-manggagawa.

Ngunit hanggang sa ngayon hindi nito masupil o makitil ang mapanlabang diwa ng mga manggagawa.

Hindi pa nga tapos ang kasaysayan ng La Tondena. Hindi isinusuko ng mga mangaggawa ang karapatang magwelga gaano man kahirap o kahigpit ang sitwasyon. Batas na ito ng kanilang pakikibaka dahil welga ang angking sandata ng uri laban sa pang-aapi at pagsasamantala.