Pluma at Papel

Ayoko Na!


ayoko nang marinig
ritmo ng melodiya ng mga salita
sa parirala’t mahabang talata
ayoko nang marinig kalantog ng yero
pinukpok hinubog ng mga latero
inihulmang bubong sa lumang sasakyang
pupugak-pugak na sa mabatong daan.

ayoko nang marinig
ritmo ng melodiya ng mga salita
sa parirala’t mahabang talata
ayoko nang marinig kalantog ng yero
pinukpok hinubog ng mga latero
inihulmang bubong sa lumang sasakyang
pupugak-pugak na sa mabatong daan.
ayoko na, ayoko nang marinig
kadensa ng martsa ng mga lirika
sa tinahing piring ng mga taludtod
sa mga saknong na uugud-ugod
pusong binalsamo ay di na titibok
sa himas at hagod ng pantig na bansot
utak mawawakwak sa mensaheng bubot
bamban ng tainga ay baka madurog
sa nakabibinging daing at himutok
ng pusong lumangoy sa dagat ng lungkot
walang inaawit kundi tagulaylay
at nakababaliw na paghihiwalay
walang tinutula kundi panagimpan
ilusyon ng diwang alipin ng buwan.

sa mukha ng papel
nais kong makita’y dahak ng kataga
at madugong bisig sa mga talata
metaporang buhay sa mga adhika
ng masang kahalik maputik na lupa
lirikang maapoy sa utak ng madla
tayutay ng bala sesura ng bomba
sa bawat saknong ng pakikibaka.
nais kong marinig
sa himnong tinipa sa dibdib ng masa
sagitsit ng punglo sa gabing malalim
tagupak ng lintik sa pisngi ng dilim
atungal ng kulog sa burol na baog
bombang pinasabog sa dibdib ng lungsod
lagunlong ng hiyaw ng diwang marangal
laging kaulayaw ng bayang minahal.

oo, ayokong makita
de kuwadrong larawan ng mga pagsinta
o paghahalikang di ko rin madama
ako’y nabulag na sa mga milagrong
iyong ipininta sa telon ng mata
nakahandusay sa silid ng isip.
mga imaheng dulot ay himagsik
mga aliping katalik ng lagim
sa bartolina ng mga bituin.
kailan mababago itong lahat-lahat?
brasong buto’t balat
pisnging nangulubot
likod na nahukot
katawang natuyot
habang nagpipista mga panginoon
sa mesang sagana sa laman at dugo
ng mga utusang tiya’y kumukulo.
silang mga diyos sa palasyong ginto
nguso’y nanghahaba sa sarap ng alak
at litsong nginasab dilag na nginabngab
kailan lilimusan katiting na habag
masang sambayanang siyang pinagmulan
ng yamang kinamkam?
kailan tatapunan ng kaning nagtutong
o natirang mumo
batang pumintog ang tiyan
sa hanging naglunoy sa kanyang katawan?

ayoko na
ayoko nang maulinig
elehiyang malungkot
odang nagdarasal
epikong matamlay
bingaw na kataga
pilay na talata
bulol na taludtod
saknong na kulubot
at mga katagang hindi dumudura
walang pagbabanta sa sakim na mukha
ng diyos ng sama.
sa ngayo’y nais ko
nais kong tunghayan sa lukot na papel
letrang nag-aapoy sa lupang naluoy
tutupok sa moog ng uring bagulbol
nais ko’y talatang matalim
lalaslas sa dibdib ng dusa’t sagimsim.

ayoko na, oo, ayoko na
sa mga katagang di dumaramba
di gumigising sa diwa ng masa
sana’y may dagundong ng along malakas
may alimpuyo ng bagyong marahas
upang galyos ng pambubusabos
hustisyang baluktot ganap na madurog.
bayaang manlisik ang init ng araw
bayaang humiyaw ang sanlaksang titik
ulan mang naipon sa pisngi ng langit
gawing palasong ang taglay ay ngitngit
o mga punlo kayang bubutas-lalagos
sa pusong maitim ng mga balakyot
bibiyak sa bungo ng mga nagtraydor
sa ngayon at bukas ng bansang binitay
ng diyus-diyosa’t mga panginoon.
lagablab ng titik
singasing ng lintik
siyang papatay naman
sa mga limatik!