FEATURED Pambansang Isyu

Neri Colmenares, Makabayan nakahanda na sa eleksiyong 2016


“Lahat ng bagay nagbabago. Panahon na na magkaroon ng militanteng boses ng mahihirap sa Senado. Panahon na magkaroon ng fighter ng bayan sa Senado. Narito ako, gawin ninyo akong boses ninyo sa Senado. Ngayon na ang tamang panahon!,” ayon kay Colmenares.

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, tinaguriang Fighter ng Bayan na tumatabo para senador. PW File Photo/Pher Pasion
Bayan Muna Rep. Neri Colmenares: Kakatawan sa "pulitika ng pagbabago" sa Senado. <b>Pher Pasion</b>
Bayan Muna Rep. Neri Colmenares: Kakatawan sa “pulitika ng pagbabago” sa Senado. Pher Pasion

“Ito ang tinitiyak ko: Hindi ko kayo bibiguin. Isusulong ko ang pulitika ng pagbabago gaano man kahirap ang laban.”

Ito ang ipinahayag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sa kanyang pagtanggap sa hamon para tumakbo sa pagkasenador sa darating na Eleksiyong 2016 sa Ikatlong Pambansang Kumbensiyon ng Makabayan Coalition sa San Andres Sports Complex sa San Andres, Manila nitong Setyembre 30.

“Isa pong malaking karangalan ang magiging kandidato ng Makabayan sa 2016 Elections. Nagpapasalamat po ako sa inyo sa inyong malaking pagtitiwala,” sabi ni Colmenares.

Dagdag nya, hindi niya inambisyon na maging senador at hindi niya inisip na magpayaman sa puwesto. Sinabi niyang bawal sa Makabayan ang magpayaman sa puwesto. Pero hindi umano puwedeng palaging dominado ng mga haciendero, malalaking negosyante at dayuhang makapangyarihan, ang gobyerno.

“Lahat ng bagay, nagbabago. Panahon na na magkaroon ng militanteng boses ng mahihirap sa Senado. Panahon na magkaroon ng fighter ng bayan sa Senado. Narito ako, gawin ninyo akong boses ninyo sa Senado. Ngayon na ang tamang panahon,” ayon kay Colmenares.

Dinaluhan ng libu-libong delegasyon ang kumbensiyon mula sa iba’t ibang sektor na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Kabilang din sa mga dumalo ang mga miyembro ng mga party-list sa ilalim ng Makabayan gaya ng Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, ACT Teachers, Anakpawis, Migrante, Sulong Katribu, at Piston.

Nagpahayag din ng pagsuporta ang nasabing party-lists para sa pagkasenador ni Colmenares.

Mga lider ng Makabayan at mga grupong party-list nito, kasama si Rep. Colmenares. <b>Pher Pasion</b>
Mga lider ng Makabayan at mga grupong party-list nito, kasama si Rep. Colmenares. Pher Pasion

Inendorso

Maliban sa natatanging kandidato ng Makabayan, siya rin ang unang inenderso ni Sens. Grace Poe at Chiz Escudero na dumalo sa nasabing kumbensiyon. Tatakbo sa pagkapresidente si Poe at sa pagkabise-presidente naman si Ecudero.

“Karangalan ko po na maendorso si Congressman Neri Colmenares at karangalan din po namin ni Sen. Chiz ang magkaroon at makuha ang tiwala ng Makabayan na tunay na Pilipino na nagmamahal sa bansa,” ayon kay Poe.

Dagdag pa niya, kung may tunay na makabayang partido, ito ang Makabayan. Ilang isyu na umano ang magkasamang ipinaglaban nila ni Colmenares kabilang ang Freedom of Information Bill. Makabayan din umano ang unang nag-endorso kay Poe noong tumatakbo siya sa pagkasenador.

Hindi rin umano makakalimutan ni Poe na hindi bumitaw ang Makabayan sa paghahanap ng hustisya ng mamamatay si Fernando Poe Jr. para hanapin ang hustisya sa panahong nawawalan na sila ng pag-asa.

Ayon naman kay Escudero, sa mahabang panaho’y nakasama niya ang Makabayan sa napakaramaing isyu. Kabilang na rito ang mga isyu hinggil sa pagtataguyod ng kalayaan at kasarinlan ng bansa, pagtatanggol sa kalikasan at karapatan ng mga inaapi, kabilang ang kababaihan at LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgender).

Nakasama rin umano niya ang mga kinatawan ng Makabayan sa pakikipaglaban sa katiwalian, dayaan sa halalan, paggiit ng dapat at tamang benepisyo para sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, tsuper, at iba pang sektor na tila napabayaan at nakalimutan na ng ating pamahalaan.

“Sa iba’t ibang hamon laban at pagsubok na ito, nakasama ko si Neri at nakita ko ang kanyang paninindigan, tapang, at kagustuhang mabago ang nakikita niyang pagkakamali sa kanyang kapaligiran. Sa mga pakikipaglaban at pakikibakang ito, napatunayan ko na may prinsipyo, dangal, at tunay na kagustuhan na mabago si Neri sa ating bansa at sa nakikita niyang nangyayari sa ating mga kababayan,” ani Escudero.

Dagdag niya, buo ang kanyang tiwala sa Makabayan na maihahatid nila si Colmenares sa Senado.

Pinasalamatan ni Colmenares ang dalawang senador at sinabing nakakataas ng moral ang pagsuporta ng dalawa para sa kanya.

Dagdag-suporta 

Si Colmenares din ang unang inindorso ni Manila Mayor Joseph Estrada bilang senador na dumalo din sa kumbensiyon. Aniya, isang karangalan na sa makasaysayang Lungsod ng Maynila ginanap ang kumbensiyon ng Makabayan. Kinikilala umano ni Estrada ang Makabayan bilang tagapagsulong ng reporma sa pamahalaan at lipunan.

“Naniniwala ako kay Colmenares at kanyang layunin para sa bayan. Ang mga katulad ni Cong. Neri ang kailangan natin sa Senado… Kongresista pa lamang siya marami na siyang nagawa para sa bayan, ano pa kaya kung siya’y maging ating Senador,” ayon kay Estrada.

Binanggit ni Estrada ang ilan sa nagawa ni Colmenares sa Kongreso kabilang ang pagpapababa ng singil sa kuryente at pag-obliga sa Meralco na magbigay ng refund sa consumers nito dahil sa sobrang-singil.

Mahirap man umano ang laban sa eleksiyong dominante ng mga makapangyarihan at mayayaman. Pero buo ang tiwala ng Makabayan na kanilang kakayanin na muling maipanalo ang kanilang mga party-list at maiupo si Neri Colmenares sa Senado.