FEATURED

Pagdugtong sa Awit na ‘Babae’ ng Inang Laya


Kung durugtungan natin ang awit na ‘Babae’, maaari nating ipakita ang patuloy na pakikibaka ng kababaihan at sambayanan sa kasalukuyan at hinaharap — ang pag-aalay ng sining, talento, talino, tapang at buhay ng kababaihan para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Walang awit na natatapos hanggang patuloy itong inaawit at dinurugtungan.

Tuwing Marso 8, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ay pinatutugtog at inaawit ang kantang “Babae” ng grupong Inang Laya. Ang pagkanta sa “Babae” ay isang historikal, kultural at sosyo-politikal na akto. Historikal dahil ipinapaalala nito ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapalaya ng bansa mula sa mga dayuhang mananakop at lokal na naghaharing uri. Kultural dahil ipinamamalas nito ang talim ng awit bilang instrumento sa pagmumulat ng kamalayan ng mamamayan. At sosyo-politikal dahil itinuturo nito na iwaksi ang kaisipan na ang babae’y mahina, sunud-sunuran at perenyal na biktima, at sa halip ay hinihimok ang kababaihan na sumapi sa kilusang magpapalaya ng kababaihan at ng bayan:

“BABAE

Kayo ba ang mga Maria Clara
Mga Hule at mga Sisa
Na di marunong na lumaban?
Kaapiha’y bakit iniluluha?
Mga babae, kayo ba’y sadyang mahina?

Kayo ba ang mga Cinderella
Na lalake ang tanging pag-asa?
Kayo nga ba ang mga Nena
Na hanapbuhay ay pagpapuputa?
Mga babae, kayo ba’y sadyang pang-kama?

Ang ating isip ay buksan
At lipuna’y pag-aralan,
Paano nahubog ating isipan
At tanggaping kayo’y mga libangan
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?

Bakit ba mayroong mga Gabriela
Mga Teresa at Tandang Sora
Na di umasa sa luha’t awa?
Sila’y nagsipaghawak ng sandata
Nakilaban, ang mithiin ay lumaya.

Bakit ba mayroong mga Lisa
Mga Liliosa at mga Lorena
Na di natakot makibaka
At ngayo’y marami nang kasama?
Mga babae, ang mithiin ay lumaya!”

Patanong ang retorika ng kanta. Tinatanong nito kung anong klaseng babae ang mga Pilipina, at kung tama ba o hindi ang ganung pagturing sa babae. Nakalista sa mga saknong ng kanta ang iba’t ibang pangalan ng babae sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.

BIKTIMA AT SINTOMAS NG KARAHASAN
Sa unang saknong, nabanggit ang mga pangalan ng tatlong babaeng tauhan sa mga nobela ni Jose Rizal: sina Maria Clara, Hule at Sisa. Sa katunayan, hango sila sa totoong mga babae noong panahon ng mga Kastila. Ang tatlong tauhang ito ay nagpapakita ng dikta ng lipunan sa babae: na ang babae ay mahina, umiiyak, nagtitiis, biktima, binabaliw at pinapaslang ng lipunang patriyarkal, pyudal at kolonyal nung panahon ng kolonyalismong Kastila.

Mula sa tatlong tauhang ito, binanggit naman sa ikalawang saknong si Cinderella (na tauhang dayuhan at na inaasa ang kalayaan sa isang lalaki, si Prince Charming) at si Nena (na nagrerepresenta sa mga napilitang ikalakak ang kanilang mga katawan bilang sekswal na produkto sa marahas na sistema ng prostitusyon). Hanggang ngayon, pinipilit ng lipunan na ikahon ang babae bilang mga Maria Clara, Hule, Sisa, Cinderella at Nena.

LABAN AT LAYA
Uusad ang awit mula sa mga babaeng biniktima tungo sa mga babaeng lumaban sa kolonisador na Kastila, imperyalistang Amerikano at diktaduryang Marcos. Na humawak sila ng sandata at nakibaka para sa kalayaan ng babae at bansa.

Sa ikaapat na saknong, ipinakita ang paglaban sa mga Kastila nina Gabriela Silang, Teresa Magbanua at Tandang Sora (Melchora Aquino). Ang bahaging ito ay muling-pagsusulat at pagwawasto sa kasaysayan: na ang rebolusyon ay hindi lang nakasalalay sa kalalakihan.

Sa ikalimang saknong, ipinamalas ang mga babaeng lumaban sa diktaduryang Marcos at imperyalistang Amerikano. Naging martir sila ng Batas Militar at bayani sila ng sambayanan: Lisa Balando, Liliosa Hilao at Lorena Barros.

HINDI NATATAPOS NA AWIT
Sa ikalimang saknong rin ay sinasabi na “At ngayo’y marami nang kasama” at na “ang mithiin ay lumaya!”

Maging bago at matapos ang Batas Militar, walang administrasyon na hindi kinakitaan ng pakikibaka ng babae laban sa bulok na sistema. Maraming pangalan na lumaban at patuloy na nakikibaka.

May mga winala o dinesaparecido ng estado tulad nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. May mga bilanggong politikal tulad nina Wilma Austria Tiamzon, Maricon Montajes, Concha Araneta-Bocala, at Sharon Cabusao-Silva. May mga sumuong sa larangan ng matagalang digmang bayan at naging martir ng sambayanan tulad nina Mary Gene “Ka Tingting” Dumaplin, Myra Regina “Mayang” Algarme, Tanya Domingo, Christine “Ka Nel” Puche, at Recca Noelle Monte.

Lahat sila, at marami pang pangalan, ay mga babaeng patuloy na lumalaban. Ito’y pagpapatuloy ng pakikibaka ng kababaihan laban sa pang-aapi, pagsasamantala, karahasan, kawalan ng kabuhayan, mataas na presyo, kawalan ng batayang serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan, at iba pa.

Kung durugtungan natin ang awit na “Babae,” maaari nating ipakita ang kasalukuyang pakikibaka — ang pag-aalay ng sining, talento, talino, tapang at buhay para sa tunay na pagbabagong panlipunan:

“Bakit ba mayroong mga Tanya,
Mga Nel, Tingting, Mayang, at Recca?
Na pumukaw at nakibaka
Kabataang artista, mandirigma.
Mga babae, hukbo sila ng ating bayan!”

Walang awit na natatapos hanggang patuloy itong inaawit at dinurugtungan. Hindi natatapos ang awit ng pakikibaka ng kababaihan at sambayanan. Mula noon hanggang ngayon, malakas ang tinig ng paglaban ng kababaihan sa mga tiwaling sistema, hanggang sa tagumpay at tunay na kalayaan.