PW-hti-fire-cavite-featured

Impiyerno sa engklabo

Kuwento ng ilang saksi sa sunog sa pabrika ng HTI sa Cavite Economic Zone sa Rosario, Cavite.

Mahigit 100 katao ang tinakbo sa mga ospital malapit sa Cavite Economic Zone–mga biktima ng dambuhalang sunog sa pabrika ng House Technology Industries (HTI), isang kompanyang gumagawa ng materyales sa hi-tech na prefabricated houses na ineeksport sa Japan, US at Australia.

Samantala, “daan-daan ang nawawala” at posibleng nakulong sa loob ng nasusunog na bilding, ayon sa mga awtoridad. Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang kumpirmasyon ng pagkamatay ng mga manggagawa.

Sumama ang Pinoy Weekly sa agarang fact-finding mission ng iba’t ibang grupong maka-manggagawa umaga ng Pebrero 2. Bagamat hindi pa rin nakalapit sa nasusunog na pabrika, nagawang kapanayamin ng mga kalahok sa misyon ang ilang saksi sa sunog.

Heto ang ilan sa mga kuwento nila.

Kinaumagahan, may sunog pa rin. <b>Darius Galang</b>

Kinaumagahan, may sunog pa rin. Darius Galang

Hindi sapat

Ayon sa mga salaysay ng mga manggagawa ng HTI (na para sa kanilang kaseguruhan ay ayaw magpakilala o nagtago sa alyas), mayroon naman silang safety signs, protective gear, may fire exits at kahit fire drills.

“May limang beses isang taon pa nga na biglaang fire drill,” sabi ng isang itatago sa alyas Bert. Ngunit lumalabas na hindi ito sapat – patunay ang sunog ngayon. “Sa bilis ng pangyayari, hindi na nakapunta sa fire exit,” dugtong niya.

Tumangging magpakilala sa publiko, pero mga manggagawang nakalabas o nakaalis na nang sumiklab ang sunog ang nakapanayam ng Pinoy Weekly. “Tiyak na hindi makakaligtas ‘yung nasa second at third floor,” saad ng isang nakapanayam.

Masaklap pa, alala ni Bert na karamihan sa nasa research and development na nasa ikatlong palapag ay kababaihan. Ang ibang nakaligtas, tumalon. Bali sa binti ang mga pinsala. Ang iba, gumapang papalabas. Dugtong pa ng isang nagbahagi (tumangging magpakilala), traumatic ang karansan ng kaniyang katrabaho. Kuwento kasi sa kanya, gumapang ito papalabas. Patay na daw ang ilang nagapangan niya.

Mga salaysay na ang mga iyon na nagtitiyak na may mga namatay nga. Ngunit hindi pa rin makapagbigay ang HTI ng malinaw na bilang ng mga namatay.

Tanging mga pagtantiya ng mga manggagawa ang nakalap namin. Batid ni Bert at ng iba pa niyang kasama sa HTI ang laki ng enklabo. “Tantiya ko riyan mga 200.” Hindi man niya sinabi ng direkta, ngunit ito ng taya niyang bilang sa mga namatay. Singit naman ng isa niyang kasama sa HTI, mga 400 hanggang 500 daw.

Mukhang maliit na mga taya, kung ikukumpara sa tantiya ni Bert na mahigit dalawang libong manggagawa ang nagtatrabaho sa loob ng gusali.

Ang isang nakaratay sa ospital, hirap ngunit naibahagi niyang nakatakas siya. Sunog ang ilang bahagi ng katawan niya, lalo na ang kamay niya, patunay na gumapang siya palabas ng nasusunog na gusali. Isipin na lang ang kanyang huling mga alaala: Labinlima silang magkakasama. Hindi pa niya tiyak kung may kasama siyang nakaligtas. Ngunit tiyak niya, may namatay.

Habambuhay umano niyang dadalhin ang kuwentong ito tulad ng natamo niyang mga sunog sa katawan.

Kritikal

Sa isang maiksing press conference, sinalaysay ni Dr. Ismael Mercado ng Divine Grace Hospital na wala silang nakuhang bangkay mula sa sunog. Wala rin silang nailabas na patay. Pero, iyun nga, hindi pa tapos ang sunog.

May dalawa nga lang silang kritikal.

Isa rito si Mary Angel Gabisan, 21, tubong Davao. Nakikitira lang siya sa kanyang kamag-anak, at kakapanganak pa lamang.

Nakilala na lang siya ng kanyang kamag-anak sa kanyang paa – ganoon kagrabe ang sunog sa katawan niya. Nakakalungkot isipin para sa kakapanganak pa lamang apat na buwan pa lang ang nakalipas.

Safety officer siya sa HTI.

Sanhi ng sunog?

Ang isang pabrika ng materyal para sa mga bahay na gawa sa kahoy at iba pang magagaang materyal, talagang bulnerable sa sunog.

Isipin mo na lang kung paano gumawa ng apoy gamit ang pinagkikiskis na kawayan.

Ayon sa ilang saksi: Nagkaroon ng spark ang panel saw. Nasilaban nito ang kusot (sawdust), hinugot ng vacuum, nahagap ng fumes ng mga kemikal at nagkalat na sa hangin. Doon na nagsimula ang sunog, na mabilis na lumaki.

Hindi naman malayo ito sa sunog, dahil kahoy ang karamihan na materyal na ginagamit ng pabrika. Ngunit aamahan pa ito ng styofoam na ginagamit pampalaman sa mga panel at may mabibilis suminding kemikal: alkohol, acetone, botanox, urethane.

Tiyak ang pagsabog na mangyayari sa kalagayang ito.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+195
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/02/impiyerno-sa-engklabo/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.