PW-jennifer-dalquez-featured

OFW

Buhay ni Jennifer, buhay ng migranteng Pilipino

March 16, 2017

Isa na namang Pilipino ang nasa bingit ng bitay sa ibang bansa. Pinabayaan ng gobyerno, umaapela ngayon si Jennifer Dalquez para sa kanyang buhay.

Hindi alam ng maraming Pilipino, pero nakapila na pala sa hatol ng kamatayan sa ibang bansa ang maraming Pinoy. Isa rito sa Jennifer Dalquez, 30, tubong General Santos City. Nakapatay siya ng isang Arabo na tangka siyang halayin noong Disyembre 7, 2014 at naaresto noong Disyembre 12, 2014.

Cover ng PW ngayong linggo.

Cover ng PW ngayong linggo.

Wala tayong alam, dahil pinagbawalan ang pamilya ni Jennifer na makipag-uganayan sa mga grupong posibleng tumulong sa kanila, sa kalagitnan ng pagpoproseso ng kanyang kaso.

At ginagawa ang “pagbabawal” na ito hindi lang sa kaanak ni Jennifer kundi sa maraming iba pang kaanak ng mga migranteng Pinoy na nasa death row.

Pag-asa sa wala

Setyembre 2011 pa noong tumanggap ng trabaho mula sa MMML Recruitment Services si Jennifer bilang domestic helper.

Simpleng maralitang pamilya lang ang pinagmulan ni Jennifer: May tindahang maliit lang ang kanyang pamilya. Manggagawang magsasaka ang kanyang asawa. Kaya para matustuan pangangailangan ng dalawang anak, ang isa’y dalawang taon pa lang noon, naisip niyang mangibang bansa.

Disyembre 2011 na siya nakaalis, sa tagal ng proseso ng papeles niya. Malaking halaga ang kailangan para rito. “Sabi niya (Jennifer), kailangan niya daw ng dalawng lobong piso,” alaala ni Alicia Dalquez, ina ni Jennifer. “Kaya sabi ko, ibenta na ’yung tatlong manok.”

Umalis sa bansa si Jennifer dahil sa kahirapan. “Ayaw niyang maranasan ng kanyang mga anak ang naranasan niyang kahirapan,” ani Nanay Alicia. Hindi siya nakapagtapos ng hayskul. Ngunit matatas siya. Madali niyang natutunan ang salitang Arabo. “Pinag-aral siya nung una niyang amo. Hanggang ngayon, nakakabasa siya ng Quran,” ani Nanay Alicia.

Dalawang beses siyang nakaranas ng tangkang panghahalay—ang ikalawa ang siyang pinakamalala. Una, noong Marso 2012 sa panahon ng kanyang unang amo. Naalala ni Nanay Alicia, nagmakaawa si Jennifer sa kanyang babaeng amo na makauwi ng Pilipinas. Pero hindi niya sinabi na pinagtangkaan siyang halayin ng asawa nito. “Madali naman siyang pinayagang makauwi. Kasi lumuluhod na siya sa amo niyang babae, hinahalikan niya ’yung kamay,” sabi pa ni Nanay Alicia.

Hindi umuwi ng bansa si Jennifer. Nasa paliparan na siya nang makausap ng isang kaibigang Indonesian para sa ibang trabaho bilang kahera sa isang restawran. Taong 2013 naman nang alukin siya na maging assistant ng isang doktor. Tinanggap niya agad ito dahil sa mas malaki ang pasahod.

Tatlong beses isang linggo lang siyang nagtatrabaho, kaya may puwang pa para sa isang trabaho. Nakahanap si Jennifer ng ilang side job bilang tagalinis ng bahay. May balak nang sana’y makauwi na siya nang permanente noong Enero 2015 kaya puspusan ang kanyang pagtatrabaho at pag-iipon.

Ngunit ilang buwan lang makakaranas si Jennifer ng tahimik na trabaho. Noong Disyembre 2004, tinangkaan siyang halayin ng isang nagpalinis ng bahay na may hawak na patalim. Nanlaban siya. Nahawakan ang patalim. Aksidente niyang napatay ang nagtangkang manghalay.

“Ang tingin ko doon, ibinenta siya,” ani Nanay Alicia. “Hindi ako parang tilapia, hindi ako bayaran,” sinabi diumano ni Jennifer. “Inalok siya ng pera para makipagtalik,” kuwento ni Nanay Alicia.

Sa tatlong taon na pagtatrabaho ni Jennifer, madalang na siyang nakapagpadala ng pera. “Nakapagpadala naman siya sa amin pero dalawang buwan lang,” ani Nanay Alicia. Aniya, hinilingan nila si Jennifer na makapagpadala para makapagpagawa ng bahay.

Pinakamalaki na ang P10,000 sa isang buwan na nakapagpadala si Jennifer, na para lang sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya. “Sa gatas pa lang ng anak niya, mauubos na ang pera na iyon,” sabi pa ni Nanay Alicia.

Sa press conference ng mga tagasuporta at kaanak ni Jennifer. <b>Kontribusyon</b>

Sa press conference ng mga tagasuporta at kaanak ni Jennifer. Kontribusyon

Ayudang kapos

Disyembre 12 nang makatanggap ng tawag sina Nanay Alicia tungkol sa nangyari kay Jennifer. Agad silang nakipag-ugnayan sa Overseas Workers’ Welfare Administration o OWWA sa Koronadal City, ngunit wala pa silang impormasyon sa kaso noong panahong iyon. Hanggang Pebrero 2015, wala silang mahagilap, kahit kay Ebrahim Zailon, officer-in-charge ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa General Santos.

Marso 2015 na nang tinawagan ng DFA sila Nanay Alicia tungkol sa kaso. Mayo na nang personal silang matawagan ni Jennifer. Umaksiyon agad ang Migrante International, kahit pa mabisita nila si Jennifer nang personal. Pero hindi sila pinayagan ng kulungan at kailangan pa raw ng permiso mula sa pamilya.

Hunyo 2015 nang nabigyan si Jennifer ng abogado at nakapag-apela para sa kanyang kaso. Oktubre nang personal na nakadalaw sina Nanay Alicia sa United Arab Emirates o UAE. Doon, binigyan sila ng “confidential” na dokumento at inabisuhang huwag makipagugnayan sa midya maging para sa ayuda mula sa Migrante.

Sa panahong iyon, hanggang sa kabuuan ng 2016, naaantala ang kaso ni Jennifer. Nitong Enero, nakatanggap ng distressed call sina Nanay Alicia mula mismo kay Jennifer na ilalabas na ang hatol sa kanyang apela. “Dapat nitong Pebrero 27 ilalabas ang hatol, pero na-move ito sa March 27,” saad ni Arman Hernando, tagapagsalita ng Migrante International.

Patuloy pa rin naman ang paghingi ng ayuda sa pamahalaan ng pamilyang Dalquez. Nitong Lunes, personal silang lumapit kay Sen. Manny Pacquiao, kapwa galing sa General Santos City.

Binalikan ni Hernando ang ilang probisyon ng Migrant Workers Act. May mga probisyon talaga na nagsasaad ng proteksyion sa mga manggagawa. Ngunit may mga probisyon din tungkol sa deregulasyon ng pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa ibang bansa, at dumudulo sa kawalan ng obligasyon ng gobyerno ang agarang tulong sa kanila.

“Ang naging translation niyan ay delayed dumating ang tulong ng gobyerno. Sa mga kasong hawak ng Migrante, nakita natin na nasa appeals stage na saka pa lang nakakkuha ng counsel ang gobyerno natin. Sa panahon ng pag-aaresto, ni abogado o ni translator, wala,” ani Hernando.

Pakikiramay. Kaisa ng magulang ni Jennifer (kanan) ang magulang ni Mary Jane Veloso na nasa death row din sa Indonesia. <b>Kontribusyon</b>

Pakikiramay. Kaisa ng magulang ni Jennifer (kanan) ang magulang ni Mary Jane Veloso na nasa death row din sa Indonesia. Kontribusyon

Pare-pareho lang

Dapat mabatid na matagal nang problema ng mga OFW ang ayuda mula sa gobyerno.

Ilang taon, ilang dekada na rin na namayagpag ang Labor Export Policy, na dahilan kung bakit patuloy ang pangingibang bansa ng mga Pilipino. Dalawampu’t dalawang taon mula nang bitayin si Flor Contemplacion noong Marso 17, 1995. “Makasaysayan kasi ang kaso ni Flor, kasi diyan na-expose ang kawalan ng serbisyo ng gobyerno sa OFWs,” ani Hernando.

Noong panahon rin na iyon, nagkaroon ng deklarasyon ang administrasyon ni Pang. Fidel Ramos na wala nang susunod na Flor Contemplacion. Sa panahong iyon ipinanganak ang Migrant Workers Act, para raw maprotektahan ang nangyari kay Flor.

Ngunit 22 taon makalipas, batid ng Migrante na paparami ang kasong tulad ng kay Flor. Pinakamarami ang anim na binitay sa panahon ni dating pangulong Benigno Aquino III.

At makalipas rin ang 22 taon, maririnig muli kay Pangulong Duterte ang katulad na pangako na ito, na aniya’y “huling henerasyon na ng OFWs sa kanyang termino.” Pero nangyari pa rin ang pagbitay kay Jakatia Pawa.

Mayroon pang 71 kaso ang nakabinbin at nahaharap sa death row, sa bilang ni Hernando at ayon na rin sa DFA.

Mahalaga na malaman ang nangyari kay Jakatia Pawa, isang Tausug, na nahatulan ng bitay sa Kuwait nito lang Enero. “Ang worry, ay may epekto ito sa iba pang pamilya ng mga nasa death row. Nag-cause ito ng panic dahil ganon lang pala kadali na bitayin ang mga kababayan natin ngayon, hindi tulad noon na may notice,” sabi pa ni Hernando.

Bago paniniwalaan si Duterte sa kanyang mga pangako, kailangan muna niyang harapin ang kaso ni Jennifer Dalquez, gayundin ang iba pang kaso ng mga Pinoy na nasa death row. Tulad ng nagdaang mga administrasyon, di pa rin napangangalagaan ng kasalukuyang rehimen ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa labas ng bansa.

Tulad ni Jennifer Dalquez, hiling ng marami pang Pilipinong nagdadala ng yaman sa bansa sa pamamagitan ng kanilang remitans ang agarang ayuda na dapat inilalaan ng pamahalaan sa kanila. Pero sa kahuli-hulihan, ang gusto nila at ng kaanak nila, ay hindi na kailangang mangibang bansa para lang makapaghanapbuhay.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+195
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/03/buhay-ni-jennifer-buhay-ng-migranteng-pilipino/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.