Maralitang Lungsod

Makatwirang okupasyon

March 24, 2017

Hindi totoong may may-ari na ang mga bahay na inokupa ng mga maralita sa Bulacan. Matagal na itong
nakatiwangwang at nabubulok. Makatwiran ang okupasyon.

“Hi. Sell ko po ung Pabahay na nakuha ko sa NHA for 55K Villa Elise Barangay Masusu Pandi Bulacan. Negotiable pa po, may sariling kuryente at tubig na rin 2 months pa lang namin nagamit ang bahay.”

Ito ang anunsiyo sa isang website na bentahan ng mga bahay at lupa — nagbebenta ng kanyang yunit ang isang benepisyaryo ng pabahay na para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Bakit kaya ito nagawang ibenta ng isang benepisyaryo sa murang halaga kumpara sa malamang na binayarang amortisasyon?

Ang dahilan: maliit na yunit, mahinang pagkakagawa at lugar na malayo sa trabaho, na matagal nang inirereklamo ng mga miyembro ng PNP, AFP at gayundin ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Ito ang dahilan kung bakit aabot lang sa 8,397 sa kabuuang 60,738 pahabay para sa kanilang mga sundalo’t pulis ang natitirhan ngayon. Naiwang nakatiwangwang ang 52,341 pabahay sa iba’t ibang bahagi ng Bulacan at iba’t ibang lugar sa bansa.

Ngayon, sa pag-okupa ng mahigit 5,000 pamilyang maralita—desperado, walang matirhan, pinalayas sa kanilang tahanan sa Maynila o sa iba ring relokasyon— sa nakatiwangwang na mga bahay na ito sa Bulacan, nagkukumahog ang National Housing Authority (NHA) at gobyernong Duterte na palayasin ang mga maralita. Sinasabi nila, may pinaglalaanan na raw ang naturang mga bahay.

Kinalampag ng mga maralita ng Kadamay ang gate ng National Housing Authority sa Quezon City para igiit ang libre at pangmasang pabahay na karapatan ng lahat sa ilalim ng Saligang Batas. <b>JL Burgos</b>

Kinalampag ng mga maralita ng Kadamay ang gate ng National Housing Authority sa Quezon City para igiit ang libre at pangmasang pabahay na karapatan ng lahat sa ilalim ng Saligang Batas. JL Burgos

Nakatiwangwang lang

Dapat nga, may paglaanan, pero dahil nga sa kalagayan nito, kakaunti lang ang kumakagat.

Nitong Nobyembre 2016, nakipagpulong ang noo’y tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Bise Presidente na si Leni Robredo sa mga opisyal ng AFP, PNP, BFP at BJMP hinggil sa mga pabahay. Sa naturang pulong, ayon kay Robredo, sinabi mismo ni Commander Elpidio Trinidad Jr., tagapangulo ng AFP Housing Board, na inaayawan ng mga sundalo ang naturang housing projects dahil sa liit ng mga bahay. Sinabi rin ni Police Senior Supt. Wilfredo Cayat na may “mismatch” sa lokasyon ng mga pabahay at pangangailangan ng mga pulis.

“Sa maagang bahagi ng disenyo ng programa, may mga concern na sa AFP, PNP at NHA hinggil sa laki ng mga yunit,” sabi sa press release ni Robredo. “Marami sa mga yunit na di-okupado ay sirasira na sa tagal ng panahon na di nagamit dahil hindi sangayon ang mga sundalo at pulis sa disenyo pero kinuha pa rin nila bilang investment o para sa kanilang pagretiro.”

Nagsimula ang naturang programang pabahay sa ilalim ni dating Pang. Benigno Aquino III, limang taon na ang nakararaan. Naglabas si Aquino ng Administrative Order No. 9, s. 2011 na may badyet na P20.78-Bilyon. Ang programang ito’y para diumano sa mga sundalo at pulis na “lowsalaried” at sa kaanak nila sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

“Nakita ko sa pag-ikot ko na ang daming ginawa ang NHA na housing para sa AFP at PNP, ang dami dito na parang white elephant. Walang nago-occupy, ang daming units,” sabi ni Robredo sa website na Rappler noong Agosto 2016.

Sa lengguwaheng Ingles, ang katagang “white elephant” ay nangangahulugan ng isang pag-aaring hindi na kailangan pero mahirap dispatsahin.

Matapos ang pag-okupa ng mahigit 5,000 pamilya sa iba’t ibang pabahay sa Pandi, San Jose del Monte, Bocaue, at iba pang lugar sa Bulacan, ang sinasabi naman ng gobyerno ngayon ay may paglalaanan na raw na mga may-ari ang inokupang mga bahay.

Mula sa FB post ng JC Uyecio Construction and Development Co., na nag-anunsiyo na nag-turnover sila ng pabahay na Villa Elise noon pang Mayo 2015.

Mula sa FB post ng JC Uyecio Construction and Development Co., na nag-anunsiyo na nag-turnover sila ng pabahay na Villa Elise noon pang Mayo 2015.

Kumita

Sino ang kinontrata ng NHA at administrasyong Aquino sa nakatiwangwang na mga pabahay na ito?

Napag-alaman ng Pinoy Weekly ang pangalan ng ilan sa mga kompanyang gumawa ng (at kumita sa) housing projects sa Bulacan. Nariyan ang JC Uyecio Construction and Development Co., na gumawa ng mga pabahay sa Villa Elise at Pandi Heights II; ang Atlantica Realty and Development Corp. na siyang gumawa naman ng pabahay sa Pandi Village II; at  Lak-K Builders Company na gumawa naman sa Pandi Residences III, at marami pang iba.

Maliban sa halaga ng kontrata na nakuha ng naturang mga developer sa gobyerno, marami ring insentibo tulad ng tax breaks na nakuha ang mga kompanyang kasosyo ng gobyerno sa mga proyektong socialized housing ng huli. 

Nakakakuha ang mga kompanya ng 30 porsiyentong bawas sa buwis mula sa kita, sang-ayon sa Urban Development and Housing Act (UDHA) o Republic Act 7279.

Maliban dito, ayon sa Ibon Foundation, nakakakuha rin ang naturang mga kompanya ng exemptions sa sumusunod na mga buwis: capital gains tax sa mga lupaing ginamit sa proyekto; value-added tax para sa kontraktor ng proyekto; transfer tax para sa raw at nakumpletong proyekto; at donor’s tax para sa mga lupaing sertipikado ng lokal na pamahalaan na binigay na para sa mga proyektong pabahay ng gobyerno.

Nagkakahalagang P200 lang kada buwan ang amortisasyon sa unang limang taon sa bahay, pero tumataas ito hanggang P1,330 kada buwan sa ika-25 taon.

“Sa kabila ng sinasabi ng gobyerno at pribadong sektor, itong mga ‘socialized’ housing units na ito ay hindi abot-kamay para sa maraming informal settlers,” sabi pa ng Ibon Foundaiton.

Pagbisita ni Bise Pres. Leni Robredo sa nakatiwangwang at sira-sirang pabahay sa mga pulis at militar noong Agosto 2016, nang siya'y tagapangulo pa ng HUDCC. Nakipagdiyalogo si Robredo sa mga pinuno ng Kadamay noong nakaraang taon, pero hindi pa rin umusad sa ilalim niya ang kanilang hiling na pabahay. Ang mga pabahay na ito ay proyekto sa ilalim ng nakaraang administrasyong Aquino. <b>Mula sa FB Page ni VP Leni Robredo</b>

Pagbisita ni Bise Pres. Leni Robredo sa nakatiwangwang at sira-sirang pabahay sa mga pulis at militar noong Agosto 2016, nang siya’y tagapangulo pa ng HUDCC. Nakipagdiyalogo si Robredo sa mga pinuno ng Kadamay noong nakaraang taon, pero hindi pa rin umusad sa ilalim niya ang kanilang hiling na pabahay. Ang mga pabahay na ito ay proyekto sa ilalim ng nakaraang administrasyong Aquino. Mula sa FB Page ni VP Leni Robredo

‘Mapanganib’ sa gobyerno

Kung talagang mayroon nang nagmamay-ari, bakit halos sira-sira na, at walang yutilidad (kuryente’t tubig) ang naturang mga pabahay?

Inabutan ng mga maralita na ganito ang kondisyon ng mga bahay. “Sa kalidad, napakalabo. Suntukin mo, maririnig mo eh. Pukpukin mo ng pako na may martilyo, tagusan. Inidoro nga, pag-upo mo tataob ka,” sabi ni Lea Maralit, presidente ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Mapulang Lupa sa Pandi, Bulacan.

Sinasabi diumano ng NHA at gobyernong Duterte na dapat sumunod sa proseso ng pag-aaplay ng pabahay ang mga miyembro ng Kadamay. Pero bukod sa dumaan sa serye ng mga negosasyon, aplikasyon, diyalogo (hanggang sa Malakanyang) ang mga maralita, hindi rin umano sila makapaniwalang sang-ayon din sa batas ang ginagawa ng gobyerno na pinababayaang nakatiwangwang ang mga bahay.

“Nasaan sa batas na iyung mga pabahay ng gobyerno ay dapat hayaang mabulok at nakatiwangwang? Saan sa batas nakasulat na kapag ika’y mahirap at tumitindig para sa iyong karapatan, dapat kang dahasin?” ani Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Iginigiit ng mga maralitang nag-okupa sa mga pabahay ng NHA sa Bulacan (at sa Montalban, Rizal) na makatwiran ang paggiit nila sa karapatan sa pabahay.

Sa kabila nito, binatikos ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang gobyerno at NHA na sinasabing “ilegal” ang okupasyon habang nagbubulagbulagan sa maanomalyang pagkabulok ng mga bahay.

“Malinaw na dapat mabilis na kumilos ang NHA at gobyerno at itama ang di-tamang paggamit ng pondo ng gobyerno sa Bulacan,” sabi ng NUPL. “Pinalalala lang ang sitwasyon ng bulag na pagkahumaling ng gobyerno sa mga burukratikong procedures higit sa karapatan ng mga mamamayan… Inililihis din nito ang atensiyon sa totoong isyu — ang kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa pagbigay ng mga serbisyong panlipunan sa mga mamamayan.”

Samantala, may mga napag-alaman ang Pinoy Weekly ng mga kaso ng mga maralita sa Maynila na biglang inaalok ngayon ng “pabahay sa Bulacan”. Isa si Charlene (di-tunay na ngalan), 47, tubong-Isabela, sa mga naalukan ng pabahay sa Bulacan matapos ang pagokupa ng Kadamay sa mga pabahay sa parehong probinsiya.

“May nag-alok sa aking mag-aplay. Wala raw bayad at kinakailangan lang na magpalista at kumpletuhin ang papeles tulad ng police clearance, kopya ng TIN ID, birth certificate ng mga bata at marriage contract,” aniya.

Nagkukumahog ba ang NHA na punan ng “benepisyaryo” ang mga pabahay para lang di mapagbigyan ang mga maralitang nag-okupa sa mga pabahay sa Bulacan? Posible, lalo pa’t sinasabi ng NHA at gobyernong Duterte na “hindi magandang ehemplo” at “mapanganib” ang mga maralitang nag-okupa sa iba pang maralita na maaari ring mang-okupa sa mahigit 50,000 nakatiwangwang na pampublikong pabahay sa buong bansa.

Mapanganib para sa gobyerno, pero makatwiran para sa mga mamamayan.


May ulat sina Marjo Malubay, Abie Alino, Sid Natividad, Darius Galang, KR Guda at Iya Espiritu