FEATURED Pambansang Isyu

Batas militar para sa monopolyong negosyo


Sakto ang martial law ng rehimeng Duterte: ginagamit ito ng militar para walisin ang mga ‘pasaway’ sa planong imprastraktura ng gobyerno na pakikinabangan ng iilang malalaking negosyo.

Dalawang libong kilometrong riles na sasaklaw sa kahabaan ng Mindanao. Modernisadong Davao Sasa Port. Lumawak at pinaunlad na Francisco Bangoy (sa Davao City) International Airport. Pinaunlad na paliparan ng Laguindingan. Pinalawak at pinaunlad na mga kalsada sa kanayunan ng Mindanao.

Ilan lang ito sa mga “bigtime” na proyektong imprastraktura na pinaplano ng administrasyong Duterte na nagsisimula na ngayong taon. Kasama ito sa Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022, ang programang pangkaunlaran diumano ng administrasyong Duterte. Ayon sa economic managers ng Pangulo, itinutulak sa PDP ang pagsasakatuparan ng pangako ni Duterte na maglikha ng trabaho para sa laksa-laksang manggagawang Pilipino.

Pero kung susuriin ito, ayon sa Ibon Foundation, independiyenteng ahensiya ng pananaliksik, makikitang hindi bago ang PDP sa nakaraang mga planong pangkaunlaran ng nakaraang mga administrasyon — nakatuntong sa paggastos ng gobyerno sa imprastraktura, pagkuha sa malalaking negosyo bilang kasosyo sa imprastrakturang ito (PublicPrivate Partnerships o PPP), at pagtiyak na ang mga planong imprastrakturang ito ay nakatuon sa pagpapaunlad ng daloy ng negosyo ng mga dayuhang monopolyo kapitalista o foreign investors sa bansa.

Unang bahagi naman ang PDP ng tinaguriang AmBisyon Natin 2040, ang enggrandeng planong pangkaunlaran diumano ng gobyerno na aabot hanggang taong 2040.

“Ang masama, ang ambisyosong planong ito ay hindi maghuhudyat ng ‘ginintuang panahon para sa imprastraktura’ (‘golden age of infrastructure’) kundi isang ginintuang panahon para sa oligarkiya at dayuhang interes habang papasanin ng publiko ang mas malaking utang at buwis,” sabi pa ng Ibon.

AmBisyon nila

Nitong Hunyo 1, mahigit isang linggo matapos ideklara ang Batas Militar sa Mindanao, naglabas si Pangulong Duterte ng Executive Order 27. Sa ilalim ng EO 27, iniutos ni Duterte sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na idirekta ang kanilang mga programa, badyet at estratehiya sang-ayon sa PDP at sa Public Investment Plan (PIP) para sa 2017 hanggang 2022.

Ayon sa Ibon, hindi naman maitatanggi na nangangailangan talaga ang bansa ng imprastraktura. “Pilipinas ang may pinakapalpak na pangkalahatang imprastraktura at pinakapangit na imprastraktura sa transport (mga kalsada, riles, piyer, at paliparan) sa lahat ng mayor na mga bansa sa Timog Silangang Asya, ayon sa 20152016 Global Competitiveness Report ng World Economic Forum,” dagdag pa ng Ibon. Pinakaramdam ang krisis sa transport na ito sa Metro Manila, kung saan araw-araw na nakararanas ang milyunmilyong mamamayan ng matinding trapik at palyadong sistema ng transportasyon.

Ito umano ang nais maiwasan sa Mindanao, ayon sa economic managers ni Duterte, lalo pa’t malapit sa puso ng Pangulo ang Mindanao. Katunayan, nakatuon ang PDP sa pagpapaunlad ng imprastraktura ng transportasyon sa iba’t ibang probinsiyang malayo sa “Imperial Manila”. Pero malinaw sa PDP at AmBisyon Natin na “investment sa imprastrakturang may mataas na kalidad (ang pokus) para gawing kompetitibo (sa dayuhang mga mamumuhunan) ang gastos sa daloy ng tao, produkto at serbisyo.”

Malinaw na hindi kaiba ang PDP at AmBisyon ng administrasyong Duterte sa plano ng nakaraang administrasyong Aquino para sa “kaunlaran”. Katunayan, karamihan sa mga proyektong pang-imprastraktura — kabilang ang Mindanao Railways Project, modernisasyon ng Davao Sasa Port, paglawak ng Francisco Bangoy International Airport at Laguindingan Airport, at ang Mindanao Logistics Infrastructure Network at Rural Road Development Program sa Mindanao — ay naiplano noon pang panahon ni Pangulong Aquino.

Larawan mula sa <b>Presidential Communications.</b>
Larawan mula sa Presidential Communications.

Batas militar para sa negosyo

Inamin ng mga opisyal ng administrasyong Duterte na pangunahing problema pa rin sa Mindanao ang “peace and order” sa ilang bahagi nito. “Pero umaasa kami na matutugunan na ito ng gobyerno, stakeholders at iba pang partido. Kung mangyayari ito, umaasa tayo sa investments sa Mindanao na dumami sa susunod na mga taon,” sabi ni Finance Usec. Antonette Tionko sa harap ng Davao Chamber of Commerce and Industry noong Nobyembre 2016.

Nang ideklara ni Duterte ang Batas Militar sa buong Mindanao noong gabi ng Mayo 23, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na tutugunan na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “iba pang problema ng Mindanao” para “mawakasan na ang lahat nang ito”. Sa kasalukuyan, ginagamit na ng AFP ang Batas Militar para makialam sa mga labor unrest sa Mindanao, katulad ng pagbuwag ng militar sa piketlayn ng mga nagwewelgang manggagawa sa Shin Sun Tropical Fruits Corporation sa Compostela Valley kamakailan.

Para sa Communist Party of the Philippines (CPP), na siyang nangunguna sa paglunsad ng armadong pakikibaka ng New People’s Army (NPA) laban sa Estado at nakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa gobyernong Duterte sa pamamagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), maaaring ginagamit din ng kasalukuyang rehimen ang Batas Militar para itulak ang pagpapabilis ng implementasyon ng mga proyektong imprastraktura sa Mindanao.

“Plano niyang gamitin ang dominanteng mayoryang kontrol sa kongreso para makakuha ng suporta sa kanyang deklarasyon para sa batas militar at bigyan siya ng awtoridad na palawigin ito higit ng 60 araw. Katulad ng kapangyarihang authoritarian ni (nasawing diktador Ferdinand) Marcos, maaaring itulak (ni Duterte) ang implementasyon ng malalaking imprastrakturang proyekto nang walang pagsisiyasat ng publiko,” pahayag ng CPP noong Mayo 24.

Sa ngayon, nakatala na ang mga grupong pangkarapatang pantao ng samu’t saring paglabag sa karapatang pantao, mula sa mga tsekpoint hanggang sa pagbomba at pamamaslang sa mga liderLumad at lider-magsasaka sa iba’t ibang probinsiya ng Mindanao. Hindi ito kagulat-gulat, dahil AFP at Philippine National Police ang pangunahing tagapagpatupad ng Batas Militar sa Mindanao—dalawang ahensiya na may masamang rekord ng paggalang sa karapatang pantao. Ang AFP, may mahabang rekord ng pang-aabuso sa pagpapatupad nito ng giyera kontra-insurhensiya. Ang PNP naman, pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Tokhang, na bumiktima na sa mahigit 7,000 katao.

Lumalabas na bukod sa AFP na pangunahing tagapagpatupad ng Batas Militar sa Mindanao, namamayagpag din ang malalaking negosyante at dayuhang monopolyo kapitalista sa deklarasyon ng Batas Militar ni Duterte. Sa kabilang banda, mga mamamayan ang dehado rito—silang inaabuso, hinuhuthutan ng pondo, at pinagkakaitan ng serbisyo.