Kapirasong Kritika

Ideya ni Intengan

October 12, 2017

Isa ang Heswitang ito sa mga nagpunla ng kultura ng marahas na antikomunismo sa bansa na dumulo, halimbawa, sa pagtarget sa mga tulad kay Jonas Burgos.

Oktubre 10, pumanaw si Fr. Romeo “Archie” Intengan. Isa siyang paring Heswita na lumaban sa diktadurang US-Marcos. Pero naging “spiritual adviser” ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo at ng National Security Adviser nito na si Norberto Gonzales. Na para bang hindi halang ang kaluluwa ang mga ito, kung mayroon man.

Ipinatupad ng dalawa, nang may suporta at pagpapayo ni Intengan, ang Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensya na nagpatindi ng ekstrahudisyal na pagpatay, pagdukot at pagtortyur sa mga aktibista, at ng militarisasyon sa kanayunan. Kahit noong gustong patalsikin ng maraming seksyon ng lipunan si Gloria sa pwesto, lumutang si Intengan na tagapagtanggol nito.

“Sosyal-demokrata” ang tawag ni Intengan sa sarili. Ang sabi ng mga sosyal-demokrata, may mga maka-Kanan sa kanila at mayroon ding maka-Kaliwa. Nasa bahaging sagad na maka-Kanan si Intengan – anti-Komunista, tila nagbasbas ng agua bendita sa mga baril na nagpadanak ng dugo ng mga pinagbibintangang Komunista.

Lumabas ang mga parangal, karamihan tungkol sa paglaban niya sa diktadurang US-Marcos at sa pamumuno niya sa mga Heswita sa bansa. Iilan lang ang kagalang-galang na nagpahiwatig ng hindi pagsang-ayon sa tindig niya pabor kay Gloria at kontra sa Kaliwa.

Siguro, dahil ito sa kultura natin na masamang magsalita laban sa patay. Siguro, dahil ang diin ng pagkondena ay sa mga nagpatupad, kina Gloria at Gonzales, hindi sa nagbuo ng doktrina. “Ibigay mo ang teorya, ako ang magbibigay ng aksyon,” sabi raw ni Gonzales kay Intengan noon.

Nagawa pang lumapit ni Baliaga sa ina ni Jonas na si Edith noong promulgasyon ng kaso. <b>Abie Alino</b>

Nagawa pang lumapit ni Baliaga sa ina ni Jonas na si Edith noong promulgasyon ng kaso. Abie Alino

Dalawang araw pagkatapos, Oktubre 12, pinawalang-sala ng korte si Major Harry A. Baliaga, opisyal-militar, sa kasong pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos. Anak si Jonas ng kampeon ng malayang pamamahayag na si Joe Burgos at aktibistang si Edita Burgos. Dinukot siya noong Abril 28, 2007 – 10 taon na ang nakakaraan, sa panahon ng Oplan Bantay Laya.

Ayon sa grupong Karapatan, nauna nang pinawalang-sala ng Department of Justice noong 2013 ang mas matataas na opisyal na sangkot sa kaso – Hermogenes Esperon, Eduardo Año, Alexander Yano, Romeo Tolentino, Avelino Razon, Melquiades Feliciano.

Dahil sa lakas ng protesta at pagkondena, napwersa si Noynoy Aquino na ipaaresto at ikulong si dating Hen. Jovito Palparan, mukha ng Oplan Bantay Laya. Pero ipinatupad niya ang mga katulad na hakbangin, lalo na laban sa mga Lumad sa Mindanao. Itinaas niya ang katungkulan ng mga susing opisyal na nagpatupad ng Bantay Laya, mga sangkot sa pagdukot kay Jonas Burgos.

Napawalang-sala si Baliaga sa panahong pangulo si Rodrigo Duterte. Hindi kataka-taka: si Duterte ay malapit alyado ni Arroyo, nagpapatupad ng oplan na katulad ng Bantay Laya at nambobomba pa ng mga komunidad sa kanayunan. May madugong gera siya kontra sa mga Moro sa Mindanao at sa mga maralita sa balangkas ng paglaban sa droga.

Mali na isisi ang lahat ng pagpaslang, pagdukot, pagtortyur at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng Bantay Laya at mga kasunod na oplan kay Intengan. Iba ang teorya sa praktika; iba ang nag-isip sa aktwal na gumawa.

Pero ang pag-iibang iyan ang hindi kinilala ni Intengan, kung ibabatay sa ginawa nina Gloria at Gonzales. Sapat nang ang isang tao ay may kamalayang Komunista, sa kanilang paratang, para puntiryahin. Kahit hindi armado, kahit wala sa lugar ng labanan sa New People’s Army, kahit walang ginagawang krimen.

Hindi na mahalagang human-rights worker si Eden Marcellana ng Timog Katagalugan. O taong-simbahan at obispo si Alberto Ramento ng Gitnang Luzon. O guro si Jose Maria Cui ng Silangang Kabisayaan. O lider-estudyante si Rei Mon Guran ng Bicol. At marami pang iba. Hindi na mahalagang mga anak rin sila, kapatid, nanay, o tatay.

Hindi buong pananagutan ito ni Intengan, pero may pananagutan siya. Para sa kanya, noong panahon ni Marcos, ang kalaban ay si Marcos at ang mga Komunista. Nang matanggal si Marcos, iisang kalaban na lang ang natira. Tagapangaral siya ng suklam sa mga Komunista.

Sa kabilang banda, ipinapakita ng pagpapawalang-sala kay Baliaga na kahit ang maliliit na tagapagpatupad ng mga paglabag sa karapatang pantao ay nakakaligtas sa pagpapanagot. Iyung gumagawa nga, ligtas sa parusa, iyung nagbuo ng doktrina pa kaya?

Itong ganitong reyalidad sa ating bansa – may nag-iisip ng baluktot na katwiran sa pagpatay, may pumapatay, at maraming aktwal na namamatay, pero walang napaparusahan – ang nagtutulak sa maraming maghangad ng isa pang sistema ng katarungan, isa pang tipo ng gobyerno sa bansa.

Kung paparusahan ng isa pang sistema ng katarungang ito ang mga lumalabag sa karapatang pantao na pawang hindi pinapanagot ng naghaharing gobyerno, hindi ito “kangaroo court,” gaya ng akusasyon dito ng mga kritiko. Sa isip ng marami, ito ang tagapaggawad ng katarungan na totoo.

Ang mga tulad ni Intengan, markado.

12 Oktubre 2017

 

Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.