Sinusulit ang tag-init

Dagsa ang mga pamilya sa tabing-dagat ng Opol, Misamis Oriental, lalo na ngayong tag-init. Ilang linggo pa bago magsimula ang tag-ulan. (Terence Krishna Lopez)

Dagsa ang mga pamilya sa tabing-dagat ng Opol, Misamis Oriental, lalo na ngayong tag-init. Ilang linggo pa bago magsimula ang tag-ulan. (Terence Krishna Lopez)

Habang nagkakandarapa ang mga Dabawenyo na makita ang parada sa selebrasyon ng ika-75 Araw ng Dabaw, isang matandang bulag ang nanlilimos ng kaunting atensiyon at barya. (Ace R. Morandante/Davao Today)

Patuloy ang pagmahal ng presyo ng langis. Kaya para makatipid, kailangan ng isang buong angkan na magmahalan — at sumakay sa iisang traysikel pauwi mula sa isang resort sa Irosin, Sorsogon. ‘Yun nga lang, kailangan ng dagdag-ingat dahil delikado sa haywey. (KR Guda)

Isang bata na sumisilip sa imahen ng Hesus na Nazareno, sa pagdiriwang ng pisto nito noong Enero 9 sa Quiapo, Manila. Bagamat halos bulag na panatisismo ang masasabing nagtutulak sa marami na “magpanata” sa poon ng Nazareno, marami ring mapupulot na magagandang mensahe ang kabataan sa kuwento ng Nazarenong nagsakripisyo ng sariling buhay para sa kapakanan ng karamihan. (Macky Macaspac)

Simbolo ng pangingibabaw? Madalas na ginagawang dekorasyon o disenyo sa mga dyip ang watawat ng Estados Unidos. (Kuha ni Joey Henson sa rutang Binangonan, Rizal.)

Gumawa ng lakarang tulay mula sa puno ng niyog ang mga residente ng isang barangay sa Malinao, Albay dahil matagal nang nasira ng bagyo ang sementadong tulay at kalsada patungo sa kanilang bayan. (KR Guda)

Sama-samang nililinisan ng waterlily ng mga miyembro ng komunidad ang ilog ng San Simon sa Pampanga para mas makadaloy ang tubig at maiwasan ang matinding pagbaha sa lugar. Walang tulong sa gobyerno, kung kaya sila-sila na lamang ang gumagawa ng paraan para mapigilan ang baha kung dumating man ang susunod na bagyo. (Boy Bagwis)
Nanatiling nakatayo ang isang bata habang nakayuko sa pananampalataya ang mga kalalakihang nakatatanda, sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr, na siyang pagtatapos ng Ramadan sa relihiyong Islam, sa Davao City. (Karlos Manlupig)
Hindi konsiyerto, kundi fogging operations, ang isinasagawa dito sa isang barangay sa Davao City. Lumalaganap ang sakit na dengue sa mga maralita sa iba’t ibang lungsod, kabilang ang Kamaynilaan at Davao. Binabatikos ng mga militanteng grupo ang pamahalaan sa di paglaan ng sapat na pondo kontra sa mga sakit na tulad ng dengue. (Karlos Manlupig)
Daan-daan ang turistang bumibisita araw-araw sa Underground River sa Puerto Princesa City sa Palawan. Isa sa mga nagdadala sa kanila sa naturang lugar ay si Toto, isang boat man at tour guide sa Underground River. Sa tagal niya sa trabahong ito, naging eksperto na rin si Toto sa siyensiya ng mga kuweba, ilog, at iba pa. Kasabay nito, nahasa na rin siya sa pagpapatawa. Pagkatapos ng araw, pagod na pagod si Toto. Sa kabila nito, kumikita lamang siya ng P250 araw-araw. (KR Guda sa Puerto Princesa, Palawan)