Pinoy Weekly

BANTAY-LITIS

Laganap na sa midya ang pagbabaybay sa nagaganap na Impeachment Trial ni Chief Justice Renato Corona. Kung kaya, laman ng group blog na ito ng Pinoy Weekly hindi lamang ang mga kaganapan ng mga pagdinig, kundi ang pagsusuma, sa simpleng paraan, sa mga kaganapan ng masalimuot na prosesong legal at pulitikal na ito. Pero, mas mahalaga, lalamanin din nito ang mga obserbasyon at progresibong analisis sa makasaysayang kaganapang ito.

________________________________________________________________________________________________________

28 Mayo 2012, Lunes

CORONAVELA
Pinoy Weekly Editoryal

Si Chief Justice Renato Corona, sa pagtestigo sa impeachment court noong Mayo 25, Biyernes. (Ey Acasio/Senate Pool)

Si Chief Justice Renato Corona, sa pagtestigo sa impeachment court noong Mayo 25, Biyernes. (Ey Acasio/Senate Pool)

Bukas, boboto ang mga senador ng kanilang hatol sa kasong impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona. Kailangang maging mapagmatyag at mapanuri ang sambayanan, taliwas sa kwento ng dominanteng midya na simpleng labanan ito ng Mabuti bersus Masama. Hindi mabuti ang layunin ng administrasyong Aquino sa pagtutulak ng impeachment at hindi rin puro masama ang ginawa ni Corona sa paglaban dito.

Noong una, malawak ang suporta sa pag-impeach kay Corona. Tampok na dahilan ang papel niya sa tangkang pagtakas sa bansa – at sa pananagutan sa mga krimen – ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo noong Nobyembre. Nabalikan pa ng tanaw ang pagbasura ng Korte Suprema sa Truth Commission na itinayo umano para imbestigahan ang mga krimen ni Arroyo. Gayundin ang maanomalyang pagkakatalaga niya sa puwesto. Malinaw sa lahat: Kasapakat siya ni Arroyo, malaking hadlang sa pagpapanagot dito.

Pero sa takbo ng impeachment, napaliit ang asunto sa kanya kaugnay ng tangkang pagtakas ni Arroyo. Napokus ang lahat sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, partikular sa hindi niya pagdedeklara ng kanyang dollar account deposit. Dito, nakapagbuo ng depensa si Corona: Mas maliit ang kanyang deposito kumpara sa akusasyon ng gobyerno. May batayang legal ang kanyang ginawa. May galit sa kanya ang Ombudsman kaya tumestigo laban sa kanya.

Iklik ito para mabasa nang buo

_______________________________________________________________________________________________________

7 Marso 2012, Miyerkules

Drama-rama (sa hapon): Impeachment Trial kay CJ Corona, noong Peb. 27. (Senate Pool)

Drama-rama (sa hapon): Impeachment Trial kay CJ Corona, noong Peb. 27. (Senate Pool)

Inaamin namin, at dahil halata naman: Isang buwan naming hindi na-update ang blog na ito ng aming coverage sa impeachment trial ni CJ Corona. Pagkatapos ang halos dalawang linggong walang humpay na pagsusubaybay, pagpunta sa Senado, pagtunghay sa telebisyon, pakikinig sa mga pagsusuri, pakiwari o paningin, ng mga eksperto, personalidad at ordinaryong mamamayan, hinggil sa impeachment trial na ito, para bagang bigla na lamang naming binitiwan ang isyu. Samantala, mahigit isang buwan nang nasa ulo pa rin ng mga balita ng mainstream media ang impeachment trial na ito. Ano ba ang nangyari?

Sabihin na nating nagkaroon kami ng pagbabagong-isip (o pagbabagong-puso kaya? Change of heart sa Ingles). Nagkaroon kami ng reyalisasyon na mahirap na paglaanan pa ng panahon ang isang paligsahan ng mga pulitiko (at kinakatawan nilang mga interes) na malayo sa bituka, kumbaga, ng ordinaryong mga mamamayan.

Sa nakaraang buwang ito, hinila kami ng batayang mga isyu ng mga mamamayan palayo sa pagkober ng impeachment trial. Hinila kami ng walang habas na taas-presyo ng langis at mga bilihin, ng pagpapatuloy ng mga paglabag sa karapatang pantao at represyon, ng umiigting na presensiyang militar ng US sa bansa, ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa, ng lumalalang kawalan ng trabaho at mababang sahod ng mga manggagawa. At marami pang iba. Kung may uunahin kaming pagkaabalahan at pagkunutan-ng-noo, paglalaanan ng espasyo, oras at coverage, ito na ang mga isyung malapit-lapit sa bituka ng masa.

Samantala, marami ang naganap sa paglilitis. Ang pagsalang ng mga ehekutibo ng mga bangko. Ang TRO ng Korte Suprema sa dollar accounts ni Corona. Ang maamong-tupang pagsunod dito ng Senado. Ang pagtestigo ni Justice Secretary Leila de Lima. Ang imbitasyon kay Associate Justice Lourdes Sereno na tumestigo laban kay Corona. Ang panenermon ni Enrile. Ang biglang pagbasura ng prosekusyon sa limang artikulo sa impeachment. Ang pagtatapos ng presentasyon ng prosekusyon ng ebidensiya. Ang pagbuga ng apoy ni Miriam. Ang “hear-no-evil” na drama ni Private Prosecutor Vitaliano Aguirre. Ang pag-cite ng Senado kay Aguirre ng contempt. Ang hidwaan sa loob ng prosekusyon. Ang pagtanggap ng Senado sa mga rekord ng bank accounts  ni Corona bilang ebidensiya.

Sikuhan? Rep. Neri Colmenares at Rep. Neil Tupas. (Senate Pool)

Sikuhan? Rep. Neri Colmenares at Rep. Neil Tupas. (Senate Pool)

Sa lahat ng kaganapang ito, tumining sa atin ang biglaang pagbasura sa natitirang articles of impeachment, at biglang pag-rest ng prosekusyon ng kanilang kaso laban kay Corona.

Nakasalang pa sana ang presentasyon ni Prosecutor Rep. Neri Colmenares ng ebidensiya para sa Artikulo 7 (betrayal of public trust), na nagdidiin ng pagiging di-patas ni Corona sa pagdedesisyon nito, pabor kay dating pangulong Gloria Arroyo. Pero inunahan na siya ni Rep. Neil Tupas, na tinapos na ang presentasyon ng prosekusyon ng ebidensiya noong Peb. 28.

Para kay Colmenares, at sa mga kasamahan niyang progresibong mga mambabatas (na pumirma sa impeachment complaint), tila sadyang sinabotahe ng prosekusyon ang pagkakataong iugnay si Corona kay Arroyo. Tila mas interesado talaga sina Tupas (at ang Liberal Party ni Pang. Noynoy Aquino) na idiin si Corona — pero hindi si Arroyo. Samantala, nasa hospital arrest pa rin ang dating pangulo, kahit matagal nang sinabi ng mga doktor niya na wala nang sakit si Arroyo. Patuloy pa ring natutulog sa DOJ at sa administrasyong Aquino ang iba pang mas mabibigat na kaso laban kay Arroyo, tulad siyempre ng malawakang mga paglabag sa karapatang pantao.

Kung isasaalang-alang ang lahat ng mga kaganapang ito, lalo lamang lumalakas ang teorya ng marami na Hacienda Luisita ang dahilan ng pagdiin ng administrasyon kay Corona.

Bagong meme sa Internet: Ang makasaysayang "hear no evil" ni private prosecutor Vitaliano Aguirre. Banned na ngayon si Aguirre sa Senado. (Senate Pool)

Bagong meme sa Internet: Ang makasaysayang “hear no evil” ni private prosecutor Vitaliano Aguirre. Banned na ngayon si Aguirre sa Senado. (Senate Pool)

Sa pagsubaybay sa mga puwersa at motibo sa likod ng impeachment trial ni Corona, makikita ang isang isyung tila mas makabuluhang ikober: ang malapit-sa-bitukang isyu ng (kawalan ng) tunay na reporma sa lupa sa bansa. Ang isyung nagpapahirap sa mayorya ng mga mamamayang Pilipino.

Kung kaya, sa kabila ng lahat, makabuluhan pa ring ikober ang impeachment trial na ito. Sa kabila ng mga drama, ng samu’t saring pakulo ng mga senador at iba pang kalahok dito, ng pasikat ng mga karakter (Bakit kaya tuwang tuwa ang midya kay Miriam? Hindi pa ba sila nakakita ng isang bibong bata na kapag binigyang-atensiyon ng matanda ay lalong nagpapasikat?) — mahalaga pa ring uriratin ang kabuluhan ng impeachment trial sa ordinaryong mga mamamayan.

May dahilan kung bakit abala ang tinaguriang “naghaharing uri sa lipunang Pilipino” sa kaganapang ito: Dahil paligsahan ito, hindi lamang ng kahusayan sa pananalita at pag-aabogado, kundi ng interes ng mga makakapangyarihang kalahok dito.

Pinoy Weekly Staff

_______________________________________________________________________________________________________

6 Pebrero 2012, Lunes

Nag-iisang progresibo sa prosekusyon: Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. (Pher Pasion)

Nag-iisang progresibo sa prosekusyon: Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. (Pher Pasion)

Pumabor sa prosekusyon ang araw na ito ng impeachment trial ni Chief Justice Corona.

Nagawang makapanayam ng Pinoy Weekly si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. Aniya, dalawa ang naging tampok sa araw na ito: Isa rito ang tangkang ipawalang saysay ang testimonya ni Commissioner Kim Henares ng depensa subalit pinanatili ng Senado ang kanyang mga testimonya para sa kaso.

Sinabi ni Henares kulang o undervalued ang mga nilagay ni Corona sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at mayroon siyang undeclared properties. Hindi nakumbinsi ni Cuevas ang Senado sa kanyang mga argumento at naging maganda rin ang agarang pagsagot ng prosekusyon. Ayon kay Colmenares, damaging ito kay Corona.

Ikalawa, ang pagpabor ng Senado sa pag-subpoena sa bank accounts ni Corona matapos ang mahigit isang oras na nagpahinga ang sesyon. Ani Colmenares, positibong hakbang ito bagamat nagbigay ng restriction ang Senado para rito. Ano man ang restrictions na ito, sa proceedings na natin mailalabas ang mga ito, ani Colmenares.

Bagamat positibo ito, mukhang naghahabol ang depensa sapagkat sa tanong ni Escudero kung saan nanggaling ang ebidensiya, hindi maganda ang naging sagot ng prosekusyon na hindi nila ito alam kung kanino nanggaling. Maaari dahil para protektahan ang source nila.

Chika-chika lang. Kaliwa, Rep. Neil Tupas, at Sen. Lito Lapid. (Pher Pasion)

Chika-chika lang. Kaliwa, Rep. Neil Tupas, at Sen. Lito Lapid. (Pher Pasion)

Isang punto na nagtalo ang dalawang panig tungkol sa private prosecution. Ani Cuevas, ang pagdadagdag ng private prosecution ay magdudulot lamang ng panibagong gastos ng pera ng bayan. Subalit sumagot ang prosekusyon na maging ang depensa ay lumalabag sa usapin na nagbibigay sila ng “libreng” serbisyo na kaduda-duda na libre ang mga ito dahil kilalang mga mahuhusay ang mga abogado ni Corona at tiyak na mahal ang serbisyo ng mga ito.

Sa sinabing ito ng prosekusyon na sinang-ayunan naman ni Enrile na hindi natin alam kung libre nga marami ang natawa sa media room. Dahil sa isang banda, normal na pagdudahan ang ganoong sinabi ng depensa na libre ang kanilang serbisyo. Ang kikitain pa rin ang materyal na kuwento sa loob ng impeachment trial. Hindi natin sinasabing mukha silang pera, pero tiyak pera rin ang nagpapagulong sa isang banda na hindi natin maaaring maitanggi. Ang pagtawa marahil ng mga tao ay nangangahulugan sa isang banda na “huwag na tayong maglokohan dito.

Kung totoo man na hindi nga libre ang serbisyo ng mga ito para kay Corona, iniisip ko kung magkano ang ginagastos ni Corona para sa kanyang depensa. At kung totoo man, maaaring hindi lang si Corona ang nagbabayad sa lahat ng kanyang mga abogado.

Pher Pasion

_______________________________________________________________________________________________________

2 Pebrero 2012, Huwebes

Magkano nga ba ang pag-aari ng mga Corona? Pagtestigo ni Carlo Alcantara, registrar of deeds sa Quezon City. (Alex Nuevaespana/Senate Pool)

Magkano nga ba ang pag-aari ng mga Corona? Pagtestigo ni Carlo Alcantara, registrar of deeds sa Quezon City. (Alex Nuevaespana/Senate Pool)

Ilang eksena: Isinagawa ang cross-examination ni Ramon Esguerra, pribadong tagausig, sa register of deeds ng Quezon City. Isinalang ang mga pag-aari ng mga Corona sa naturang lungsod: isang condominium sa Burgundy, bahay sa La Vista at Xavierville sa Katipunan Avenue, at bahay sa Ayala Heights sa Diliman. Isinalang din ang register of deeds sa Marikina, pero nabenta na umano ng pamilya ng Punong Mahistrado ang mga ari-arian nila rito.

Sa udyok ni Sen. Ralph Recto, dinepensahan nina Serafin Cuevas (kaya nga defense team sila) ang akusado: Hindi na raw pag-aari ni CJ Corona ang mga property sa Quezon City, kundi pag-aari na ng isang Carla C. Constantino. Nasa wastong edad na umano si Ginang Constantino. Nagkataon din bang anak siya ni CJ Corona at Ginang Corona (Corona nga naman ang middle name niya ngayong may asawa na siya)? Dapat bang paniwalaang binenta ng mag-asawang Corona sa kanilang anak ang mga pag-aari sa Quezon City?

Samantala, tumagal din ang usapan ng mga senator-judge hinggil sa pagkakaiba ng pagpapahalaga (property valuation) sa parehong mga ari-arian. Ano ba ang pagkakaiba ng zonal value, selling price at fair market value? Si Sen. Juan Ponce Enrile, na beterano sa mga usapin ng pag-aari (isa siya sa pinakayayamang tao sa Pilipinas), nagpaliwanag nang bahagya: May kinalaman sa pagbubuwis ang magkakaibang halaga. (Sayang at hindi natin narinig ang iba pang senator-judge na tiyak na marami ang kaalaman hinggil sa pasikut-sikot ng mga usapin sa properties at pagbubuwis dito. Una nating naisip si Sen. Manuel Villar.)

Kopyahan? Sens. Franklin Drilon at Jinggoy Estrada. (Ver Noveno/Senate Pool)

Kopyahan? Sens. Franklin Drilon at Jinggoy Estrada. (Ver Noveno/Senate Pool)

Ang highlight ng araw: 25 lamang, at hindi 45 ang tinutukoy ng prosekusyon na pag-aari ni CJ Corona. Kabilang dito ang condominium sa Burgundy na hindi nadeklara ng Punong Mahistrado. Hirit ni Cuevas, nakakasuklam daw ang gawain ng prosekusyon na pagpapakita ng ebidensiya (tulad ng talaan ng pag-aari ni Corona na mula sa Land Registration Authority) sa midya at sa publiko. Pero kasuklam-suklam ba talaga ito — ang pagpapakita sa madla ng ebidensiya laban kay Corona? Kung kinasusuklaman naman ni Cuevas ang gawaing PR ng prosekusyon, baka nais din niyang tingnan ang media blitz ng depensa, sa pangunguna ni Karen Jimeno. Tiyak namang mahusay na abogado si Jimeno, pero malamang na mas matimbang ang pagiging “good copy” (ika nga ng mga nasa industriya ng PR) niya kaya siya naging tagapagsalita ng koponan ng uugud-ugod nang si Cuevas.

Samantala, magandang paglimian ang sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sa isang porum kamakailan: Dapat na aktibong kalahok ang mga mamamayan sa proseso ng pagdinig ng impeachment ni Corona. Isa sa mga artikulo ang “betrayal of public trust” — isang “catch-all phrase“, sabi nga ni Joaquin Bernas, na sasaklaw sa lahat ng kontra-mamamayang gawain ni Corona, kahit iyung maituturing, technically, na “legal.” Sabi ni Colmenares, dapat aktibong kalahok ang publiko: Ibig sabihin, dapat nasusundan nila ang mga pagdinig. Dapat naiintindihan nila ang ipiniprisintang mga ebidensiya. Higit sa lahat, dapat hindi pinahihirapan ang pagpiprisinta ng mga ebidensiyang ito. Usapin umano ito ng “trust” o tiwala: May bahid pa lamang ng an0malya ang pangalan ng isang opisyal, maaaring mawala na sa kanya ang tiwala ng publiko.

KR Guda

________________________________________________________________________________________________________

1 Pebrero 2012, Miyerkules

Makasaysayan? Nagtanong din si Sen. Lito Lapid. (Ver Noveno/Senate Pool)

Makasaysayan? Nagtanong din si Sen. Lito Lapid. (Ver Noveno/Senate Pool)

Kung kahapon, halos “magkalat” ang prosekusyon, sa ika-10 araw ng impeachment trial ay maayos na naiprisinta nila ang kanilang dalawang testigo.

Una ang Company Registration and Monitoring Deparment ng Securities and Exchange Commission (SEC) na si Dir. Benito Cataran. Sa testimonya ni Cataran, pinatunayan niyang ang Basa-Guidote Enterprises Inc. na pagmamay-ari ng pamilya ng asawa ni CJ Corona ay matagal nang na-revoke ang Certificate of Registration (Abril 23, 2003 pa).

Lumalabas din sa direct examination ng prosekusyon na hindi nagsumite ng general information sheet (status) at financial statement ang kompanya, mula pa noong 1991. Ito ang naging dahilan ng revocation ng certificate nito. Ngunit kinuwestiyon ni Enrile ang kapangyarihan ng SEC na mag-dissolve ng isang korporasyon: Hindi raw ibig sabihin na na-revoke, ay wala na ang korporasyon. Tanging stock holders lamang ang maaaring magpatay ng isang korporasyon o ang gobyerno sa pamamagitan ng quo warranto proceedings ng estado. Pinasusumite rin ang dokumento nagsasaad ng kapangyarihan ng SEC na mag-dissolve.

Lumalabas na matapos i-revoke ang certificate of registration ng kompanya, wala nang alam ang SEC kung nagpatuloy ang operation nito. Ayon sa ilang senador, maaari pa ring may operasyon ang nasabing kompanya kahit na-revoke na ang SEC registration nito, at may kakayanang magpautang sa sinuman. Kadalasan daw na nangyayari ang ganitong sitwasyon sa ilang mga kompanya.

Kinuwestiyon ng prosekusyon ang idineklarang liabilities ni Corona sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong 2003 na umaabot sa P11 Milyon. Nagmula kasi ito sa utang sa Basa-Guidote Enterprises na matagal ng na-revoke ang certificate. Iginiit ng depensa sa kanilang cross examination na hindi naimbestigahan nang mabuti ng SEC ang Basa Guidote Enterprises.

Ang ikalawang testigo ay si Nerissa Josef, assistant vice president ng Ayala Land Corp. Ipinakita niya ang mga dokumento ng pagbili ng isang yunit ng condominium sa The Columns sa Ayala ng mag-asawang Corona noong 2003. Binayaran ng mag-asawa ang yunit sa halagang P3.5-M sa pamamagitan ng installment sa loob ng isang taon. Di deklarado sa kanyang SALN noong 2004n hanggang 2009 ang naturang condominium unit, ayon sa prosekusyon, ay wala sa SALN ni CJ Corona. Naideklara lamang ito noong 2010 na may halagang P1.2-M lang.

Sa unang pagkakataon, tumayo at nagtanong si Sen. Lito Lapid na nagbigay kulay at sigla sa nababagot na mga audience sa gallery.

Sa kabuuan, may mga nailinaw na bagay mula sa pinagtatalunang SALN. Una, deklarado sa SALN bilang liabilities ni CJ Corona ang P11-M. Usapin na lamang kung totoo bang pinautang o hindi ng kompanyang pag-aari ng pamilya ng kanyang asawa si Corona. Ngunit mananatiling bitin ito, dahil hindi na pinayagan ng impeachment court ang prosekusyon na magprisinta ng ebidensiya hinggil sa Paragraph 2.4 ng Article 2. Sa bahagi naman ng condominium unit sa Makati, marami pang kailangang busisiin. Hindi pa kasi oras ng depensa na magprisinta ng kanilang kontra-ebidensiya, bagamat may ilang nasilip ang depensa sa mga dokumentong dala ng ikalawang testigo.

Patunay din na masalimuot ang usapin hinggil sa mga batas na umiiral o pinaiiral sa Pilipinas, tulad ng corporate law, batas sa buwis at iba pa. Mahirap ito maunawaan ng mga simpleng tao na abala sa trabaho upang makaraos sa pang-araw-araw na buhay. Samantala, iyun namang nakakapag-aral sa pasikut-sikot ng naturang mga batas ay nagagamit ang kaalaman para makalusot sa malaking bayarin o sa pananagutan ang mga makapangyarihan at maimpluwensiya.

Macky Macaspac

________________________________________________________________________________________________________

31 Enero 2012, Martes

BORED? (Kaliwa) Sen. Joker Arroyo, at (kanan) Sen. Pia Cayetano. (Ver Noveno/Journal/Senate Pool)

BORED? (Kaliwa) Sen. Joker Arroyo, at (kanan) Sen. Pia Cayetano. (Ver Noveno/Journal/Senate Pool)

Walang nakuhang diskuwento si Corona nang bilhin niya ang penthouse sa The Bellagio sa Taguig. Ito ang gustong ipaniwala sa madla ni Noli Hernandez, ang senior vice-president for marketing and sales ng Megaworld. Patutunayan sana ng prosekusyon, sa pamamagitan ni Hernandez, na 40% o P10 Milyon ang diskuwentong nakuha ni Corona. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, dahil iginiit ng testigo na walang nakuhang diskuwento ang punong mahistrado.

Inilinaw ni Hernandez na siya ang nagpasya na ibaba mula P24-M tungong P14-M  ang halaga ng penthouse dahil sa ilang mga kadahilanan. Pangunahin dito ang pagkasira ng yunit dahil sa bagyo at ang krisis pampaninasiya noong 2008. Idinagdag niya na ibebenta nila ang naturang yunit kahit kanino sa parehong presyo.

TULOG? Noli Hernandez, senior vice president for marketing and sales ng Megaworld. (Alex Nuevaespana/PRIB/Senate Pool)

TULOG? Noli Hernandez, senior vice president for marketing and sales ng Megaworld. (Alex Nuevaespana/PRIB/Senate Pool)

Gayunman, hindi nakuntento ang ilang senador sa sagot ni Hernandez. Napakalaking “diskuwento” kasi ang P10-M. Dahil dito, hiniling nina Sens. Francis Pangilinan at  Sergio Osmena III na magdala ng dokumento si Hernandez na magpapakita ng “pagkasira” ng naturang yunit, gayundin ang listahan ng presyo ng lahat ng yunit sa The Bellagio.

Samantala, nalagay na naman sa alanganin ang prosekusyon nang pagsabihan ni Sen. Juan Ponce Enrile si Joseph Joemer Perez, pribadong abogado ng prosekusyon, na huwag makipagtalo ang huli sa kanilang sariling testigo. “Please do not argue with him. Do not cross-examine him unless you qualify him as a hostile witness. Do what is normal in direct examination,” sabi ni Enrile.

Itinanong naman nina Sen. Pia Cayetano at Sen. Ferdinand Marcos Jr. kung ano ang kaugnayan ng pagbibigay ng diskwento sa Article 2 na siyang nakasalang sa kasalukuyan. Gusto nilang maliwanagan kung ano ang kinalaman nito sa kaso. Sa huli, tila lumabas pa na ang testigo ng prosekusyon ay pumabor pa sa depensa.

Masamang araw ng pagdinig ito para sa prosekusyon. May nailalantad na malinaw na kahinaan (kapalpakan?) ang prosekusyon sa pagpiprisinta ng ebidensiya, bagamat malinaw namang may anomalya (o kuwestiyunable) sa mga transaksiyon ng Chief Justice.

Soliman A. Santos

________________________________________________________________________________________________________

30 Enero 2012, Lunes

Isinalang ngayong araw si Consante Caluya Jr., registrar of deeds sa Makati City. (PRIB/Senate Pool)

Isinalang ngayong araw si Anicete Bisnar ng Ayala Land. (PRIB/Senate Pool)

Pagsasaayos at pagpapabilis ng proseso ang naging usapan sa panimula ng sesyon. Kaya naman sa iisang araw, sunud-sunod na isinalang sina Giovanni Ng, finance drector ng Megaworld Corp, Atty. Constante Caluya Jr., Register of Deeds ng Makati, at Aniseto Bisnar Jr., bise presidente ng Ayala Land. Hawak nila ang mga dokumento na magtuturo sa diumano’y mga nabiling ari-arian ni CJ Corona. Apat na pag-aari na nakalagak sa Taguig at sa Makati ang hiningian ng mga pruweba na si Corona ang bumili, at idadagdag sa mga patunay ng mga bagay na hindi naisaad sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Matagal na naisalang sa witness stand si Ng, na kinuwestiyon hinggil sa mga nakapirma sa kabuuan ng transaksiyon sa Bellagio Condominium. Maaaring si CJ Corona at si Cristina ang pumirma sa mga pagbabayad, ngunit sinita ng depensa ang isang dokumentong nagtuturo na ang nakapirma ay attorney-in-fact lamang ni Charina (anak ni CJ Corona) sa pagbili ng ari-arian.

Dagdag pa, kinailangan din ni Ng na sagutin ang mga tanong kung bakit naibigay ang naturang pag-aari na may 40% diskuwento, sa kabila na nasa completion stage na ang real estate nang isinagawa ang mga pagbabayad ng mga Corona. Sa mga papeles, P6 Milyon lamang ang halaga ng pag-aari sa McKinley na nabayaran noong 2009.

Aniya, maaaring mabigyan ng diskuwento ang buyer sa mga patapos nang yugto ng development, kung mabilis na mababayaran ito. Pero mula 15% hanggang 20% lamang ang maaaring maibigay na diskuwento.

Ang tanong natin: Kung mahihirap ba o ordinaryong mga mamamayan ba ang bibili, kunwari, ng bahay at lupa kahit sa Montalban, mabibigyan rin ba sila ng ganito kalaking diskuwento, sa paghahambing ng ratio ng kanilang kinikita sa kanilang mga kabuhayan?

Samantala, mabilis namang pinaalis si Caluya matapos ang ilang minutong pagpiprisinta ng mga dokumento ukol sa mga pag-aaring nabili ng mga Corona sa Columns, Ayala. Si Bisnar naman, nagtagal na naisalang tungkol sa P9-M na lugar sa Spanish Bay Tower na nabili umano ng mga Corona sa Taguig.

May mga palusot ang depensa hinggil dito. May mga ari-arian kaya ang isang mataas na opisyal ng gobyerno na puwedeng HINDI ilagay sa SALN? Ito yata ang gustong sabihin ng depensa.

Darius R. Galang

_______________________________________________________________________________________________________

26 Enero 2012, Huwebes

Napuyat kagabi o nababagot lang? Mga miyembro ng House Prosecution Team. (Joseph Vidal-PRIB/Senate Pool)

Napuyat kagabi o nababagot lang? Mga miyembro ng House Prosecution Team. (Joseph Vidal-PRIB/Senate Pool)

Sa pagpapatuloy ng testimonya ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares, naipakita ng prosekusyon na bumili ng milyun-milyong pisong halaga ng ari-arian ang dalawang anak ni Chief Justice Renato Corona na sina Carla at Charina.

Lumalabas na nasa P8,476 lamang ang taxable income ni Carla Corona-Castillo noong 2009, ngunit noong 2010, binili niya mula sa kanyang ina ang isang lote sa La Vista Subdivision sa halagang P18 Milyon. Ayon kay Henares, pinag-aaralan pa ng BIR kung talagang ibinenta ito ni Ginang Corona o binigay sa kanyang anak bilang donasyon.

Dahil sa isiniwalat ni Henares, may duda sa kakayanan ni Carla na bilhin ang nasabing ari-arian. May duda rin kung talaga bang “ibinenta” ni Ginang Corona sa kanyang anak ang lote, o pinalabas lamang na ibinenta para maibawas sa idedeklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Corona habang nananatili sa kamay ng pamilya ang lote at malaking halaga ng pera. Naunang idineklara ni Corona sa kanyang SALN na nagbenta silang mag-asawa ng dalawang ari-arian sa Quezon City–isa na rito ang lote sa La Vista–para makabili ng condominium unit sa Taguig.

Isiniwalat din ni Henares na nakabili si Charina Corona ng P6.1-M na condominium unit sa McKinley Hill noong 2008, kahit wala siyang nai-file na Income Tax Return (ITR) o pruweba ng income na posibleng pagmulan ng perang pambili ng ari-arian.

Ang pagsusubi ng kayamanan sa kamay ng mga kaanak ang isa sa pinakapalasak na paraan ng matataas na opisyal ng gobyerno para itago ang kayamanang di-maipaliwanag. O sa esensiya, ng ill-gotten wealth, na siyang tinutumbok ng pinagdedebatihang Article 2.4 ng Articles of Impeachment. Kay haba-habang panahon ang ginugol–at malamang na igugugol pa–ng impeachment trial sa teknikalidad ng pagkakaiba ng simpleng hindi at/o maling pagdeklara ng SALN, at pagsusubi ng nakaw na yaman. Si Sen. Alan Peter Cayetano lang ang nagpunto na implied o mahihinuha na ang huli sa una.

Serafin Cuevas ng Defense Team, habang nagtatanong kay Kim Henares ng BIR. (Joseph Vidal-PRIB/Senate Pool)

Serafin Cuevas ng Defense Team, habang nagtatanong kay Kim Henares ng BIR. (Joseph Vidal-PRIB/Senate Pool)

Para sa mga nakasanayan nang may itinatago o pinagtatakpan, malaking bagay ang mga teknikalidad gaya nito–gagamitin at gagamitin nila ito para sa kanilang bentahe. Umano’y para sa interes ng pagiging patas at sa pagrespeto sa rule of law. Malinaw na hindi para sa interes ng taumbayan at sa pagrespeto sa esensiya ng mga usapin.

Kaya naman okey lang kay Sen. Miriam Defensor-Santiago na magmataas sa mga teknikalidad, at matapos nito’y iwanan na lamang ang proceedings dahil na-high blood na siya at nakuha na ng midya ang gusto nito mula sa kanya (sapagkat laging ispektakulo ang kanyang mga pagwawala), may substansiyal mang mangyari sa paglilitis o wala.

Sinubukan ng depensa at ni Sen. Joker Arroyo na ipuntong espesyal na utos ni Pangulong Aquino ang paghalukay sa ITR at SALN ni Corona, na hindi ito karaniwang ginagawa sa mga opisyal ng gobyerno, kundi yun lamang mga opisyal na nais “durugin” (ayon nga kay Atty. Serafin Cueves) ng administrasyon. Tama ang inihirit ni Cayetano–na oo, hindi ito ginagawa sa lahat pero hindi ibig sabihi’y hindi ito DAPAT ginagawa sa lahat ng opisyal ng gobyerno. (Simulan natin kay Aquino, na ayon sa mga ulat hinggil sa kanyang SALN ay tumaas din ng milyun-milyong piso ang net worth). Oo, “malas” nga si Corona na may pansariling interes ang pangulo sa kanyang pagkakaalis sa puwesto. Pero hindi ibig sabihin nitong hindi niya nakukuha ang nararapat lamang sa kanya.

Ilang-Ilang D. Quijano

_______________________________________________________________________________________________________

25 Enero 2012, Miyerkules

BIR Commissioner Kim Henares (kanan) at private prosecutor Arturo Lim, sa ikaanim na pagdinig ng impeachment trial ni CJ Corona. (AFP Photo/Ted Aljibe/Pool)

BIR Commissioner Kim Henares (kanan) at private prosecutor Arturo Lim, sa ikaanim na pagdinig ng impeachment trial ni CJ Corona. (AFP Photo/Ted Aljibe/Pool)

Inanunsiyo ni Senador at presiding officer Juan Ponce Enrile na nagsagawa ng caucus ang mga senator-judge, at napagdesisyunan nilang papayagan nilang ipasok bilang ebidensiya ng proseksusyon ang mga ebidensiya sa Article II, paragraphs 2.2 at 2.3, pero hindi muna ang ebidensiya para sa paragraph 2.4. Nakasaad sa 2.4 ang alegasyon ng prosekusyon na nagkamal si CJ Corona ng ill-gotten wealth o nakaw na yaman. Nakadepende pa sa takbo ng presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon kung tatanggapin nila sa susunod na panahon ang mga ebidensiya sa 2.4.

Ipinatawag ng prosekusyon, partikular ang private prosecutor na si Arturo Lim, si Kim Jacinto-Henares, komisyoner ng Bureau of Internal Revenue (BIR), bilang testigo. Nandoon si Henares hindi bilang ekspertong saksi kundi bilang testigo sa katotohanan ng mga dokumentong ipiprisinta, kabilang ang Income Tax Returns nina CJ Corona at ang asawa niyang si Cristina Roco-Corona.

Sa pagpiprisinta ng prosekusyon ng ITR ng mag-asawang Corona mula 2002 hanggang 2010, layunin umano nilang ipakitang di-mabibigyang katarungan ng kanilang suweldo (bilang Associate Justice at CJ ni Corona, at bilang presidente ng John Hay Management Corp. ni Roco-Corona) ang pamimili ng mamahaling mga pag-aari.

Naipakita sa publiko, sa pagdinig na ito, hindi lamang ang puntong iyun ng prosekusyon. Naipakita rin kahit ang suweldo ng matataas na opisyal ng gobyerno: ni CJ Corona bilang mahistrado ng Korte Suprema, at ni Ginang Corona bilang presidente ng isang government operated and controlled corporation. Si CJ Corona, patuloy na tumaas ang suweldo mula P488,000 noong 2008, hanggang P657,000 noong 2010. Si Ginang Corona naman, sumuweldo ng P623,000 noong 2007, mahigit isang milyong piso noong 2008, P1,106,000 noong 2009 at P409,000 noong 2010, bago matanggal siya sa puwesto noong Hulyo 2010 nang maupo sa puwesto si Pangulong Aquino.

Maaaring hindi na balita ang ganito kalaking income sa mga senador at kongresista. Kung sa bagay, kung hahatiin sa 12 buwan ang suweldo ni Corona noong 2008, lalabas na mahigit P40,000 “lamang” kada buwan ang suweldo niya. Pero para sa ordinaryong mga kawani ng gobyerno, malamang na nakakapagtaka ang progresibong paglaki ng suweldo niya, lalupa’t palaging sinasabi ng mga nakakataas na opisyal ng gobyerno na walang sapat na pondo ito para itaas ang suweldo ng mga kawani nito.

Hindi pa siyempre kasama sa mga suweldong ito ng mga Corona ang kuwestiyonableng income na nakuha ng mga ito ng samu’t saring properties. Mukhang sukol ang mga Corona sa puntong ito, at pinatatagal lamang ng depensa niya ang tuluyang paglantad sa kuwestiyunableng yaman ng mag-asawa.

Pero, mapaniniwala ba tayong isang unique na kaso ang kina Corona? Na wala nang ibang nakatataas na opisyal ng gobyerno ang tulad niyang may kuwestiyunableng yaman? Mapaniniwala ba tayong exception si Corona at hindi norm sa gobyerno?

KR Guda
______________________________________________________________________________________________________

24 Enero 2012, Martes

"Moment" ni Sen. Miriam Defensor Santiago. (AFP Photo/Ted Aljibe/Pool)

“Moment” ni Sen. Miriam Defensor Santiago. (AFP Photo/Ted Aljibe/Pool)

Dapat bang husgahan si CJ Corona batay sa “walang dudang ebidensiya” o sa “kabigatan (preponderance) ng ebidensiya” lamang?

Dito, at sa naunsiyaming pagprisinta ng testimonya ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares, uminog ang maikling araw ng pagdinig ng impeachment court.

Sinabi ng depensa na hindi dapat iprisinta si Henares bilang testigo dahil wala naman sa articles of impeachment ang testimonya niya. Siyempre, tinutunggali ito ng prosekusyon, na nagsabing pilit na pinipigil ng depensa na maiprisinta ang mga testigo at ebidensiya kaya tumatagal ang paglilitis.

Pinagdebatihan din kung ang “pamantayan ng katibayan” ang dapat gamitin pagdating sa mga ebidensiya. Gusto ng depensa na “beyond reasonable doubt” ang maging batayan ng pagpapasiya habang gusto naman ng prosekusyon na “substantial evidence” lamang. Pero pumagitna si Sen. Miriam Defensor-Santiago, na nagsabing ang maaaring mas kailangan ay “preponderance of evidence,” o pagkakaroon ng ebidensiyang may bigat.

Kahapon pa itinatambol sa midya ang pagbabalik ni Santiago sa Senado, matapos ang pagliliban sa unang mga pagdinig dahil sa karamdaman. At sa pagkakataong ito, mistulang nagpasikat siya ng pagtataray. Ang naging biktima, si Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., na kinastigo ni Santiago dahil di sinasabi ng huli kung ilan ang magiging testigo at ebidensiya ng prosekusyon.

Tila nasugatan ang pride na nagsalita si Tupas: bigyan sana sila ng “pleksibilidad” sa pagtatanong. Paano ba naman, aniya, halos 30 na ang “objection” ng depensa, habang halos 20 beses naman silang nagbago ng kanilang katanungan. Si Enrile naman ang nasaktan: Gaano kaliberal ba dapat? tanong niya. Pagkatapos nito’y may kaunting drama ang presiding officer hinggil sa pagiging bukas umano niya sa sinumang gustong pumalit sa puwesto niya ngayon. Saka humiling si Sen. Tito Sotto na i-adjourn ang pagdinig.

Siyempre, mahirap seryosohin ang huling sinabi ni Enrile, lalupa’t puro papuri ang natatanggap niya sa midya hinggil sa kanyang “mahusay” umanong paghawak sa mga pagdinig. Kumbaga, “moment” niya ito, at sinumang pulitiko na may karanasan ni Enrile (kaunti lang sila) ay di aatras – at imamamaksimisa pa para sa karera nila – ang “moment” na ito. Tulad na lamang ni Santiago.

Ang mga paghahanap ng “moment” ng mga pulitikong senador (na hukom) ang, para sa atin, siyang napakalaking patunay na pulitikal na intramurals sa pagitan ng mga makapangyarihan ang mga pagdinig na ito.

 KR Guda at Soliman A. Santos

_______________________________________________________________________________________________________

19 Enero 2012, Huwebes

TAGADEPENSA NG KORONA. Ang mga tagapagsalita ng Defense Team ni CJ Corona sa press briefing.  (Macky Macaspac)

DEPENSA NG KORONA. Ang mga tagapagsalita ng Defense Team ni CJ Corona sa press briefing. (Macky Macaspac)

1.Pasado ala-una ng hapon, ilang minuto bago magsimula ang impeachment hearing, binulabog ang Senado dahil sa isang bomb threat. Pero wala namang bomba: Naiwan ng isang broadcast company ang maleta na naglalaman ng mga cable at iba pang gamit pang-brodkast.

2. Sa paglilitis, iniharap ang tatlong opisyal ng deeds of registry ng Taguig City, Marikina at Quezon City.  Dito binusisi ang mga dokumentong (titulo) may kaugnayan sa diumano’y ari-arian ng pamilya Corona. Batay sa press briefing ng mga tagapagsalita ng prosekusyon, may discrepancy sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni CJ Corona. Iba umano ang nakalagay na halaga ng mga ari-arian sa tunay na halaga ng mga ito (fair market value at zonal value). Ipinunto ng prosekusyon na na-undervalue ang deklaradong ari-arian ni Corona. Tumalon din umano ang kanyang kayamanan mula sa mahigit P7 Milyon noong 1992 hanggang 2002, tungo sa mahigit P22-M sa panahon na naging Punong Mahistrado ng Korte Suprema si Corona.

Siyempre, iginiit ng depensa na hindi undervalued ang mga ari-arian. Hindi rin pag-aari ni CJ ang ilan dito, kung pag-aari raw ng kanyang anak. Katwiran ng depensa, hindi naman ordinaryong mga tao ang mga Corona, may kakayanang bumili ng ari-arian maging ang mga anak nila. Patuloy ang kanilang objection (continuing objection) na ilabas ang mga tituol ng mga ari-arian, dahil hindi naman umano kasama sa complaint kung may “ill-gotten wealth” si Corona.

“Hindi ordinaryong mga tao ang mga Corona”: Ito marahil ang opinyong hinggil sa sarili nila na laganap sa mga mayayaman at makapangyarihan (iyung tinaguriang mga miyembro ng “naghaharing uri”). Palagay nila’y may mga pribilehiyo at angking karapatan sa yaman sila dahil “hindi sila mga ordinaryong tao.”

BANTAY-SARADO ng mga pulis ang bomba...na halata namang isang maletang naiwan ng isang media crew. (Pher Pasion)

BANTAY-SARADO ng mga pulis ang bomba…na halata namang isang maletang naiwan ng isang media crew. (Pher Pasion)

3. Nakasalang ang kredibilidad ng mga testigo ng prosekusyon; makailang ulit sinabi ng depensa kung may personal knowledge ang mga testigo sa mga transaksiyon ng ari-arian ni Corona. Dahil sa burukrasya, dumadaan ang mga dokumento sa iba’t ibang tao (proseso/department) bago tuluyang mapunta ito sa taga-ingat ng mga dokumento o custodian tulad ng mga head ng Registry of  Deeds ng tatlong lungsod. Kaya’t anuman ang sabihin ng mga testigo, nakabatay lamang ito sa kung ano ang nakasaad sa dokumento.  Maari pa itong busisiin hanggang sa pinakababa at aktuwal na transaksiyon ng iba’t ibang panig, na ang kahulugan ay mas mahabang panahon at rekurso.

4. Sa pinagtatalunang SALN, sinabi kahapon ng testigo na clerk of court ng Korte Suprema na may 1989 ruling ang korte na nagbabawal magsapubliko ng SALN ng mga mahistrado, sa panahon ni Chief  Justice Marcelo Fernan. Kung babalikan natin ang kasaysayan, panahon ito ng pagka-presidente ni Corazon  Aquino, ina ni Pang. Noynoy Aquino.

5. Kung kahapon ay nagmistulang mga prosecutor ang ilang senador, ngayong araw ay relatibong tahimik sila. Hindi na rin gaanong marami ang mga taong nanoood sa gallery.

Macky Macaspac

*  *  *

ISA SA TAUMBAYAN. Ang aktor na si Pen Medina. (Macky Macaspac)

ISA SA ‘TAUMBAYAN.’ Ang aktor na si Pen Medina. (Macky Macaspac)

SA PRESENTASYON ng mga saksi, ginagawa lahat ng depensa ang paraan para huwag maipasok ang mga dokumento na ipiniprisinta ng prosekusyon. Laging binara ang bawat tanong base sa validity ng mga ito. Naidepensa naman ng prosecution ang esensiya ng mga ito sa kaso at nangako na magpiprisenta sila ng mga saksi para mapatunayan ang relevance nito sa kaso laban kay Corona. Kaya nagdesisyon ang korte na tanggapin lamang ang mga ebidensiya pero kapag pumalpak ang proeskusyon na patunayan ang relevance nito batay sa witness na ipinangako nila magiging immaterial ang mga dokumento na may pangalan ng anak ni CJ Corona.

Mas naging teknikal at pulos legal terms at proceedings ang naging laban. Naobserba natin na dahil sa legal at technical ang nagiging labanan, mukhang iyung mga senador lang na may alam talaga sa batas ang mas nagsasalita sa proceedings tulad nina Sens. Alan Cayetano, Chiz Escudero, Koko Pimentel, Joker Arroyo, at Franklin Drilon. Nagiging komedya ang dating ng proceedings dahil parang bata kung minsan magtalo ang prosecution at defense, kaya natatawa ang odyens. Kaya minsan pati mga senador kapag masasalita nag-a-ice breaker, tulad ni Drilon.

Tingin natin, may language barrier pa rin ang impeachment court at mayorya ng mga mamamayan. :alo na sa araw na ito na bubog ng legal at technical terms. Si Sen. Escudero lang yata ang nakapagsalita sa lengguwahe na naiindihan ng mga Pilipino pero saglit lang ito.

IKATLONG SAKSI: Atty. Randy A. Rutaquio, Taguig City Registrar of Deeds, humarap sa impeachment court. Ipinatawag sa Senado si Rutaquiao para mapakita niya ang mga titulo sa lupa ng mga Corona sa Taguig City. (Voltaire Domingo - NPPA / Senate Pool)

IKATLONG SAKSI: Atty. Randy A. Rutaquio, Taguig City Registrar of Deeds, humarap sa impeachment court. Ipinatawag sa Senado si Rutaquiao para mapakita niya ang mga titulo sa lupa ng mga Corona sa Taguig City. (Voltaire Domingo – NPPA / Senate Pool)

Napansin ko lang kanina na kapag nakabreak ang session, may mga senador na lumalapit sa depensa. Sa prosecutor di ko ito napansin. Di ko lang alam sa mga naunang araw. Mukhang may pinag-uusapan sila o pinagbibiruan kaya nagtatawanan. Siguro, gusto nilang ipahayag na “sport” lang siguro ang laban at walang personalan. “Sport” lang kaya ang tingin nila sa impeachment court? Ang dating tuloy, pagkatapos ng araw, pagkatapos ng “battle of the brains” at maiinit na mga diskusyon, “friends” pa rin sila, magkukumpare sa iisang naghaharing uri.

Hindi natin alam kung may nagbabawal na batas dito, pero parang nakakasira ng kredibilidad. Palagay ko, bilang mga hukom, dapat dumistansiya sila sa depensa o prosekusyon.

Samantala,  binusisi ng prosekusyon ang nasa legal na mga dokumento. Tinangka ng depensa na tanungin ang taga-Taguig kung personal siyang present sa pagproseso ng mga dokumento. Sumagot siya ng “hindi.” Siyempre. Pero mukhang desidido si Atty. Serafin Cuevas at ang depensa na puluputin sa objections at technicalities ang kaso.

 Pher Pasion

 _______________________________________________________________________________________________________

18 Enero 2012, Miyerkules

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, isa sa mga tagausig, at Paranaque Rep. Roilo Golez. (Macky Macaspac)

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, isa sa mga tagausig, at Paranaque Rep. Roilo Golez. (Macky Macaspac)

Iprinisinta ng prosecution panel ang clerk of court ng Korte Suprema, na siya ring custodian ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni CJ Corona. Pinilit pa ng impeachment court si Atty. Enriqueta Esguerra Vidal, ang clerk of court upang ibigay sa korte ang dokumento. Sa SALN, nandoon naman ang mga ari-arian na nauna nang inilabas ng prosekusyon, kaya lang hindi ito itemized. Mga lugar lang ang nakalagay.

Bago iharap ang testigo, isinumite ng prosecution ang manifestation/compliance nila hinggil sa pagkakasunud-sunod ng articles of impeachment batay sa gusto nilang matalakay. Pinaboran naman ito ng korte. Ang pagkakasunod-sunod: Article II, Article I at Article VII. Pagkatapos nitong tatlong article, magpapasa ulit sila ng manifestation para naman sa apat na natitirang article.

Siyempre, mukhang tatagal ang impeachment trial, dahil mukhang kailangang busisiin ang SALN.

Sumumpa ang unang testigo ng prosekusyon, si Atty. Enriqueta Esguerra-Vidal, na Supreme Court Clerk of Court, sa pangatlong araw ng impeachment trial ni CJ Corona. (Voltair Dominggo-NPPA/Senate Pool)

Sumumpa ang unang testigo ng prosekusyon, si Atty. Enriqueta Esguerra-Vidal, na Supreme Court Clerk of Court, sa pangatlong araw ng impeachment trial ni CJ Corona. (Voltaire Domingo-NPPA/Senate Pool)

Hinggil sa testigo (Atty. Vidal), nagpapakita lang ito na naiipit ang mga maliliit na kawani ng gobyerno sa bangayan ng mga nasa kapangyarihan sa burukrasya ng gobyerno. Sinabi mismo ni Vidal na may dilemma siya dahil under authority siya (empleyado) ng SC, pero kailangan niyang sundin ang summon ng Senado at dalhin at ibigay rito ang SALN ng kanyang boss. Sa tingin natin, hindi siya inihanda ng prosecution (bagamat ang impeachment court ang nagpatawag sa kanya) o kung sino man na hindi siya mapapahamak sa gagawin niya. Mukhang di rin garantiya na walang mangyayari sa kanya sa kabila ng utos ni Sen. Juan Ponce Enrile sa counsel ni Corona na huwag parusahan ni Corona ang testigo dahil sa compliance niya sa Senado.

Walang pagkakaiba ang testigo ngayon, sa mga whistleblower o testigo ng anumang anomalya/o may kaugnayan na maprotektahan ng estado: Itinataya nila ang kanilang pangalan, seguridad at trabaho – kahit na ang pangalan, seguridad at trabaho ng mga mahal-nila-sa-buhay – pero walang gaanong proteksiyon silang natatanggap mula sa gobyerno.

Macky Macaspac

_______________________________________________________________________________________________________

17 Enero 2012, Martes

Attention! Mga miyembro ng House prosecution team at private prosecutors. (Pher Pasion)

ATTENTION! Mga miyembro ng defense team. (Pher Pasion)

Sa ikalawang araw ng Impeachment Trial naunang naisalang ang mosyon ng prosekusyon para ipatawag ang mga Corona para tumestigo hinggil sa umano’y ill-gotten wealth nila. Hindi pinayagan ni Senate Pres. at Presiding Senator-Judge na si Juan Ponce Enrile. Pumayag naman bigla ang prosecution. Pero naghabol si Senator-Judge Alan Cayetano sa desisyon at nagbato ng kanyang mga argumento. Mukhang nakumbinsi naman ang Senado pati si Enrile kay Cayetano kaya nahikayat si Enrile na pagbotohan ito nila. Nanalo ang pabor sa desisyon ni Enrile, 14-6, kaya pumabor ito sa defense.

Pansin natin dito, maganda ang mga punto ni Sen. Cayetano. Mahalaga sa palagay niya na ipatawag ang pamilya Corona na humarap sa korte dahil sa kanila nakapanglan ang diumano’y ill-gotten wealth ni CJ Corona. Pero mayorya ang bumoto sa orihinal na desisyon ni Enrile. Maaaring sa isang banda, isang akto ng self-preservation ang ginawa ng mga senador na pabor sa depensa: Baka may ganoon din praktis ang iba sa kanila (paggamit sa pangalan sa mga kaanak para ikubli ang properties) at baka magamit sa kanila ang ganitong taktika kung sila naman ang isasalang. Kumbaga, kung pulitiko ako at magnanakaw ako sa gobyerno, ipapangalan ko na lang sa kamag-anak ko para safe ako.

Kung sinsero ang mga senador na himayin talaga ang kayamanan ni Corona, boboto sila para imbestigahan ito sa lahat ng posibleng paraan.

No kami! Mga senador na bumoto kontra sa di-pagtestigo ng mga Corona. (Joseph Vidal-Senate PRIB)

NO WAY! Mga senador na bumoto kontra sa di-pagtestigo ng mga Corona. (Joseph Vidal-Senate PRIB)

THE YEAHS HAVE IT! Boto ng mga senador-hukom na pabor sa di-pagtestigo ng mga Corona para sa prosekusyon sa impeachment court. (Joseph Vidal - Senate PRIB)

THE YEAHS HAVE IT! Boto ng mga senador-hukom na pabor sa di-pagtestigo ng mga Corona para sa prosekusyon sa impeachment court. (Joseph Vidal – Senate PRIB)

Isa pa sa tagpong ito: Maya-maya na tumitingin ang mga prosecutor sa mga papel para maging batayan ng kanilang mga sinasabi. Hindi kaya nila kabisado mismong rules of impeachment at rules of court? Kung hindi nila kabisado, ang maaaring mangyari kapag may mga magaganap na mahirap sa kanila: Mas pipiliin nila na matapos na agad kaysa makipagdebatehan pa sa mga argumento na pawang mabibigat na termino at legal terms itong mga ito. Ibig sabihin, hindi lahat ng mga senador ay bihasa sa ganito.

At laluna ang ordinaryong mga tagapanood. Gumagamit ang impeachment proceedings ng lengguwaheng hindi naiintindihan ng mayorya ng mga mamamayan. Ang mga batas natin at maging ang Korte Suprema ay gumagamit ng lengguwahe na hindi naiintindihan ng mayorya ng mga mamamayan. Kaya tiyak na marami sa mga mamamayan ay mahihirapang sumabay sa proceedings, o kaya mawalan na ng gana para sundan ito. Kahit sa hanay ng midya: hindi Ingles ang kalaban kundi legal terms kaya hirap ang marami sa pagsusubaybay.

Natapos ang araw na ito sa kaguluhan. Nagkagulo noong nais palitan ng prosecutors ang kanilang kalendaryo. Iginiit nila na magsimula ang trial sa Article 2 dahil hindi raw sila handa na litisin ang Article 1. Ayon sa batas daw, wala naman nagbabawal kung saang article magsisimula. Ang depensa naman ng defense team, hindi sila handa para sa Article 2 dahil inaasahan nila na isasalang ang Article 1. Aayusin daw ng prosecution ang kanilang kalendaryo kaya isinuspindi ang proceedings sa araw na ito.

Pher Pasion

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes