Bagong rekisitos para sa OFWs sa UAE, nagbunga ng korupsiyon?
Tinawag ng Migrante International na “kotong” ang affidavit of support (AOS), isang bagong rekisitos na ipinataw ng Philippine Consulate para sa mga Pilipinong patungo sa United Arab Emirates. Nagbunga rin umano ito ng korupsiyon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration. Tinatayang P18-Milyon kada taon ang makokolekta ng gobyerno sa singil sa AOS, ayon sa Migrante. Nagkakahalaga […]
Tinawag ng Migrante International na “kotong” ang affidavit of support (AOS), isang bagong rekisitos na ipinataw ng Philippine Consulate para sa mga Pilipinong patungo sa United Arab Emirates. Nagbunga rin umano ito ng korupsiyon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration.
Tinatayang P18-Milyon kada taon ang makokolekta ng gobyerno sa singil sa AOS, ayon sa Migrante. Nagkakahalaga ang AOS ng halos P1,200 o 100 UAE dirhams bawat isa.
Hindi rekisitos ng UAE ang AOS, kundi isang hakbang ng gobyerno ng Pilipinas para maiwasan ang human trafficking, ayon sa mga opisyal ng konsulado.
Ngunit ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, “Tungkulin nila (gobyerno) na sugpuin ang ilegal na pagpasok ng mga migranteng Pilipino sa Dubai, at hindi ipasa sa OFWs ang pasanin para dito.”
“Mukhang panibagong porma na naman ito ng kotong sa ating OFWs, lalo na at papalapit ang Kapaskuhan at maraming kamag-anak ang inaasahang dadagsa para bumisita,” dagdag ni Martinez.
Idinagdag naman ng Migrante-UAE na nagbunga ng korupsiyon sa mga opisyal ng imigrasyon na naka-estasyon sa exit points sa Pilipinas.
“Nakatanggap kami ng mga reklamo mula sa kamag-anak ng OFWs na pinagbabayad umano ng P15,000 (Dhs 1,363) hanggang P30,000 (Dhs 2,727) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa kabila ng presentasyon ng kanilang AOS,” ayon kay Nhel Morona, pangkalahatang kalihim ng Migrante-UAE.
Dagdag ni Morona, “Para kami sa proteksiyon ng OFWs, hindi para sa koleksiyon at arbitraryong mga singil.”
Kasalukuyang umiikot ang isang petisyon sa hanay ng mga OFW at kanilang pamilya para sa pagbabasura ng AOS. Ipiprisenta ng Migrante ang petisyon kay Pang. Benigno Aquino III, Department of Justice, Kongreso, at Bureau of Immigration and Deportation.
Ipinataw ang rekisitos na ito sa gitna naman ng pagkaltas sa badyet para sa direktang serbisyo sa mga OFW. Sa P1.8-Trilyong badyet ng gobyernong Aquino para sa 2012, 0.17 porsiyento o P3.14-Bilyon lamang ang inilaan para sa mga OFW, o P261 lamang kada OFW. (Basahin ang kaugnay na istorya)