CBCP, nanawagan ng pambansang panalangin, pagkilos vs korupsiyon


Hinihimok ng mga obispo ang mga Katoliko sa bansa na manalangin para sa pagsisi at pagpapanibago sa bawat araw ng Linggo patungong Nob. 23, ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari.

Isang Pambansang Araw ng Panalangin at Pagsisisi ang isinagawa ng mga Katoliko sa buong bansa, Okt. 7, bilang tugon sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa pananagutan laban sa talamak na korupsiyon at humingi ng awa sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad.

Ayon kay CBCP outgoing president at Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, ang pambansang aksiyon, na isinabay sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario nitong Okt. 7, ay para sa malawakang “pangungumpisal at pagsisisi.” 

Aniya, ang panawagan ay hango sa panalangin ni Propeta Baruc sa Lumang Tipan at idinaraos sa konteksto ng mga sakunang patuloy na nagpapahirap sa bansa.

Sa isang opisyal na panalangin na may pamagat na “Isang Pambansang Sigaw para sa Awa at Pagpapanibago,” inilarawan ng CBCP ang kalagayan ng bansa bilang “tulad ng isang tupang naligaw na nahulog sa bangin, [tayo ay] desperadong kumakapit sa isang marupok na sanga at sumisigaw para sa pagsagip.”

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, naglunsad ng mga misa, prusisyon at pag-aaral ang mga diyosesis.

Sa Baguio City, tinatayang 17,000 estudyante at mananampalataya ang nagmartsa mula Baguio Convention Center patungong Baguio Cathedral, bitbit ang mga plakard na may mga islogang tulad ng “Tigilan ang pagnanakaw sa pera ng bayan.”

Sa kaniyang homiliya, iginiit ni Baguio Bishop Rafael Cruz na hindi sapat ang pagsisisi. “Dapat panagutan nila,” aniya patungkol sa mga opisyal na sangkot sa katiwalian.

Sa Arkidiyosesis ng Maynila, nauna nang nanawagan si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang pagdarasal ng “Oratio Imperata for Integrity, Truth, and Justice” sa lahat ng parokyang sinasakupan. Inilarawan niya ang korupsiyon bilang isang “malalim na krisis moral at espirituwal.”

Samantala, sa Cebu na kamakailan ay niyanig ng malakas na lindol, nanawagan si Cebu Archbishop Alberto Uy para sa isang “rebolusyon ng konsiyensiya.”

“Kung luluhod ang Pilipinas sa harap ng Diyos, babangon tayo bilang isang bansa,” sabi ni Uy sa kaniyang homiliya sa okasyon ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario.

Maging sa Balagtas, Bulacan, halos 2,000 kasapi ng mga organisasyon ng mga layko at relihiyoso ang nagdaos ng unity walk at prayer rally upang kondenahin ang mga anomalya sa mga flood control project sa kanilang lugar.

Ayon kay David, ang mga pagkilos ay isang hakbang sa “paglalakbay ng sinodalidad—sama-samang paglalakad bilang bayan ng Diyos, pakikinig sa Espiritu at sa isa’t isa, nang may kababaang-loob at pag-asa.”

Kadikit ng kanilang deklarasyon, hinihimok ng CBCP ang mga parokya, mga paaralan, mga basic ecclesial community at mga pamilya sa bansa na manalangin para sa pagsisi at pagpapanibago sa bawat araw ng Linggo patungong Nob. 23, ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari.