CBCP public affairs, kumalas na sa NTF-Elcac


Kinumpirma ito ni ECPA executive secretary Father Jerome Secillano sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo nitong Oktubre 23.

File photo

Tuluyan nang kumalas ang Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa executive committee ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) mula noong Setyembre.

Kinumpirma ito ni ECPA executive secretary Father Jerome Secillano sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo nitong Oktubre 23. Naunang iniulat ng Philstar.com ang pagkalas ng ECPA sa task force ayon sa isang impormateng piniling hindi magpakilala nitong Oktubre 19.

“Mas maganda na rin na ma-preserve natin ang aming independence,” ani Secillano. Dagdag pa niya, makikipag-ugnayan pa rin ang ECPA sa NTF-Elcac ngunit hindi bilang kasapi ng executive committee nito.

Matatandaang inanunsiyo ng NTF-Elcac noong Setyembre 1 na kasapi na nito ang kumperensiya ng mga obispo na namamahala ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas.

Agad na nilinaw ni CBCP president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na hindi mismo CBCP ang kasapi kundi ang public affairs commission nito. Sinabi rin ng CBCP na hindi humingi ng pahintulot ang ECPA na maging isa sa dalawang private sector representative sa executive committee ng NTF-Elcac.

Malugod namang tinanggap ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang desisyon ng CBCP sa usapin.

“Habang ipinahahayag namin ang aming pagkalugod sa aksiyon ng pamunuan ng CBCP, pinasasalamatan din namin ang mga kapwa namin laiko na nagpahayag ng pagkabahala sa mga malalobong opisyal ng NTF-Elcac na nagpapanggap na mga tupa,” wika ni SCMP spokesperson Kej Andres.

Samantala, tutol ang marami sa pakikipag-ugnayan ng Simbahang Katoliko sa NTF-Elcac ayon sa isang online sarbey na isinagawa ng Caritas Philippines, ang humanitarian organization ng simbahan.

Nasa 90% ng mga respondent ng sarbey ang hindi pabor sa pagiging kasapi ng ECPA sa NTF-Elcac dahil sa paglabag sa mga karapatang pantao.

Ayon sa mga lumahok sa sarbey, dapat tuparin ng simbahan ang tungkulin nito sa mga mahihirap, nagugutom, pinagsasamantalahan at bulnerableng mamamayan. Ipinahayag din nila ang pangambang magagamit ng task force ang simbahan para gawing lehitimo ang mga atake sa mga karapatang pantao.

Sinabi rin sa sarbey na mas magiging epektibo ang simbahan sa pakikipagdiyalogo sa gobyerno labas sa NTF-Elcac sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga mahihirap na komunidad at human rights group.