Aksiyon ni Obispo Pueblos, CBCP hinihintay sa kasong gahasa sa Butuan


Iginiit ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang kagyat na aksiyon ng Catholic Bishop Conference of Philippines (CBCP) at ni Obispo Juan de Dios Pueblos sa kasong isinampa ng isang menor-de-edad  laban sa Katolikong pari na si Raul Cabonce. Sinabi ng Gabriela na dapat itigil ni Pueblos ang pagbibigay proteksiyon sa nasabing pari, matapos lumabas sa […]

Ang biktimang pinangalanang Leah. (Macky Macaspac)
Ang biktimang pinangalanang Leah. (Macky Macaspac)

Iginiit ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang kagyat na aksiyon ng Catholic Bishop Conference of Philippines (CBCP) at ni Obispo Juan de Dios Pueblos sa kasong isinampa ng isang menor-de-edad  laban sa Katolikong pari na si Raul Cabonce.

Sinabi ng Gabriela na dapat itigil ni Pueblos ang pagbibigay proteksiyon sa nasabing pari, matapos lumabas sa midya na nasa kustodiya ng obispo ang inaakusahang pari.

Naunang sinabi ng biktimang si “Leah” na ginawa siyang iskolar ni Cabonce kapalit ng pagseserbisyo bilang katulong sa parokya ng pari. Minolestiya at ginahasa umano siya ng pari noong Pebrero at Marso ngayong taon sa loob ng parokya ng St. Anne Parish sa Tubay, Butuan City.

Si “Leah,” na  nasa  pangangalaga ngayon ng Gabriela, ay pormal na nagsampa ng kasong rape, acts of lasciviousness at child abuse laban kay Cabonce kamakailan.

“Ang pagkupkop ni Obispo Pueblos kay Fr. Cabonce sa mismong Palasyo ng obispo sa Butuan City at pagtalaga sa kanya sa ibang parokya ay para na ring pagkunsinti sa ginawang pang-aabuso kay ‘Leah.’ Malinaw na paglabag kapwa sa batas ng Estado at batas ng Simbahan ang ginawa ni Obispo Pueblos,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng  Gabriela.

Sa pahayag naman sa midya ni retiradong Lingayen-Dagupan Arsobispo Oscar Cruz, sinabi niyang magdudulot ng eskandalo at kahihiyan sa Simbahan ang naturang akusasyon.  Kasabay ng paghikayat kay Pueblos na aksiyunan kaagad ang reklamo laban sa nasabing pari.

He should be tried before the criminal court. If guilty, he should serve life sentence. He should also be tried before the Church Tribunal. If proven guilty, he should be dismissed from clerical Church state,” pahayag ni Cruz sa midya.

Para naman sa Gabriela, dapat umanong litisin agad ng Simbahang  Katoliko ang nasabing pari.

“Dalawang bagay ang kailangang gawin ni Obispo Pueblos: ang isuko si Fr. Cabonce sa mga kinauukulan para harapin ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya, at kagyat na simulan ang paglilitis kay Fr. Cabonce sa ilalim ng Church Tribunal,” ani Linaban.

Sinabi pa ng  Gabriela na ang hustisya ay dapat walang  kinikilingang edad, katayuan sa buhay o relihiyon.

“Lampas pa sa epekto sa imahe ng Simbahan ang idudulot ng kaso ni Leah, ang panggagahasa lalo na sa menor-de-edad, ay isang seryosong paglabag na hindi kailanman dapat pagtakpan at pagkaitan ng hustisya ng Simbahan man o ng Estado,”  ani Linaban.