Silverio Compound (tula)
Kami ang wala. / Nang matutuhan naming tumayo sa sariling paa / upang ipagtanggol ang kung ano / ang mga munting meron sa amin sa silong ng langit

“Hindi squatter o illegal occupants ang mga taga-Silverio Compound sa Paranaque dahil sa Resolution Ordinance #03-07 (806) ng Sangguniang Panglungsod, nagdeposito o may deposito nang P10.41-M para tuluyan nang mabili o mapasakanila ang kinatitirikan ng bahay nila.” – pahayag ng mga residente
Kami ang wala.
Nang matutuhan naming tumayo sa sariling paa
upang ipagtanggol ang kung ano
ang mga munting meron sa amin sa silong ng langit,
ang huling hibla bago ang wala,
pinaratangan kami ng marami, nang marami.
Kanino panig ang midya?
Kanino panig ang batas?
Kanino panig ang nagpapatupad ng batas?
Kanino panig ang mga gumagawa ng batas?
Kanino panig ang nagpapasya kung ano ang mali o tama sa batas?
Kanino panig ang pag-unlad?
Kami ang wala.
At nang ipagtanggol namin
ang huling hibla ng hininga na meron sa amin,
hinablot, nawala ang aming mga pangalan.
Mabuhay ang midya.
Mabuhay ang batas.
Mabuhay ang nagpapatupad ng batas.
Mabuhay ang mga gumagawa ng batas.
Mabuhay ang nagpapasya kung ano ang mali o tama sa batas.
Kami ang wala.
Na ang tanging natatanaw ng puso ngayon,
nakikipagtitigan,
ay ang lisik ng mata ng bagyo at ipoipo.