Nagsasariling ekonomiya, ipinanawagan sa gitna ng US credit downgrade
Sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at credit downgrade ng Estados Unidos, inihayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na magandang pagkakataon ito para pag-isipan at baligtarin ang mga pang-ekonomiyang patakaran ng Pilipinas na nakaasa sa pamumuhunan at ayuda mula sa US. “Panahon na para maglunsad ang gobyerno ng nagsasariling programa sa pag-unlad ng ekonomiya, kaysa iasa ang […]
Sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at credit downgrade ng Estados Unidos, inihayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na magandang pagkakataon ito para pag-isipan at baligtarin ang mga pang-ekonomiyang patakaran ng Pilipinas na nakaasa sa pamumuhunan at ayuda mula sa US.
“Panahon na para maglunsad ang gobyerno ng nagsasariling programa sa pag-unlad ng ekonomiya, kaysa iasa ang lahat sa bangkaroteng ekonomiya ng US. Kailangang umabante ang ating ekonomiya mula sa pagiging export-oriented, import dependent, foreign-investment at foreign-debt driven,” ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Naka-depende umano ang paglago ng ekonomiya o economic growth sa panlabas sa halip na panloob na mga salik. Kung gayon, tiyak na mabibigo ito.
Tinukoy ng grupo na ang ugat ng kasalukuyang debt crisis ng US ay ang trilyong-dolyar na ginastos ng gobyerno para i-bailout ang mga bangko noong krisis pampinansiya ng 2008, at ang gastos nito sa mga giyera sa ibang bansa.
Sinasabing natatagong dahilan ng krisis ang krisis ng labis na produksiyon, kung saan hindi kinakaya ng pamilihan ang mga nililikhang produkto. Dahil sa mababang sahod at kawalang-trabaho, bumagal ang konsumpsiyon, at bumagsak ang kita. Ayon sa Bayan, pinilit ng mga monopolyo kapitalista na palakihin ang kita sa pamamagitan ng ispekulasyong pampinansiya, na nagdulot ng pampinansiya at pang-ekonomiyang krisis ng 2008.
“Dapat gumawa ng bagong plano sa pag-unlad ng ekonomiya ang Pilipinas, na naka-pokus sa pambansang industriyalisasyon, reporma sa lupa, at pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan,” ani Reyes.
Inamin na ng gobyernong Aquino na magiging matumal ang paglago ng ekonomiya dahil sa US debt crisis.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, bumaba ng 13 porsiyento ang foreign direct investments o direktang dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas noong 2010 (kumpara sa 2009), at nagpatuloy ang ganitong trend sa unang kuwarto ng 2011. Naging matumal din ang paglago ng mga eksport sa parehong panahon.