Ang nagahasa sa desisyon ng Korte Suprema


Para maitaguyod ang konstitusyunalidad ng Visiting Forces Agreement, may mga argumentong binalewala ang Korte Suprema. Ano ang kailangan para maibalik, hindi lamang ang kustodiya ni Smith, kundi maging ang soberanya ng bansa?

Si Lance Cpl. Daniel Smith nang hatulan ng panggagahasa noong Dis. 2006 ng Makati Regional Trial Court (KR Guda)
Si Lance Cpl. Daniel Smith nang hatulan ng panggagahasa noong Dis. 2006 ng Makati Regional Trial Court (KR Guda)

SA iisang punto, nagkakaisa ang pahiyang mga opisyal ng gobyerno, makabayang mga grupo’t dalubhasa sa batas, at maging ang mayabang na abogado ni Lance Cpl. Daniel Smith.

Ito’y na walang magagawa ang Pilipinas kung sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema ay magdesisyon ang Estados Unidos na angkinin ang kustodiya ng sundalong Kano na nahatulang nanggahasa kay “Nicole,” mahigit dalawang taon na ang nakakaraan.

Noong Pebrero 11, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na labag sa Visiting Forces Agreement o VFA ang kasunduan nina US Ambassador Kristie Kenney at Sek. Alberto Romulo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ilipat si Smith sa kustodiya ng US.

Napatunayang ilegal ang pag-ayuda ng gobyerno sa mistulang pagpapatakas ng isang rapist. Maghahatinggabi noong Disyembre 29, 2006—habang nakabakasyon ang karamihan—nang inilipat si Smith mula sa Makati City Jail patungong embahada ng US sa bisa ng nasabing kasunduan.

Ngunit sa parehong desisyon, sinabi ng korte, sa ikalawang pagkakataon, na sang-ayon ang VFA sa 1987 Saligang Batas. Bagaman naghigpit sa pagtrato kay Smith, binigyan naman nito ng panibagong luwag ang pagpasok sa bansa ng libu-libo pang mga kagaya niya.

US, lusot sa pananagutan

Siyam na hurado ng Korte Suprema ang nagtaguyod ng konstitusyunalidad ng VFA. Pero apat ang may sumasalungat na opinyon. Kabilang dito ang dalawa sa kinikilalang “bigating” mga dalubhasa sa batas na sina Chief Justice Reynato Puno at Associate Justice Antonio Carpio.

Batayan ng dissenting opinion nina Puno at Carpio ang desisyon ng Korte Suprema ng US noong nakaraaong taon sa kasong Medellin vs. Texas. Ayon sa desisyong ito, hindi awtomatikong naipapatupad sa domestikong batas ng US ang isang internasyunal na tratado. Hindi sapat na ito’y niratipika ng Senado; dapat din ay self-executory ito o may kaukulang batas na ipinasa ang Kongreso ng US hinggil dito.

Inililinaw ang limitasyon ng kapangyarihan ng ehekutibo sa pagpasok sa internasyunal na mga kasunduan, tinatayang may mahigit 700 tratadong pinirmahan ng US ang apektado ng desisyon.

Malaki ang implikasyon nito sa VFA, na ayon kay Puno ay kasunduang ehekutibo (executive agreement) lamang at hindi tratado.

Sa kasong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) vs. Zamora, kumontra si Puno sa desisyon ng Korte Suprema noong taong 2000 na itaguyod ang konstitusyunalidad ng VFA. Naniniwala siyang labag ito sa Art. XVIII, Sec. 25 ng Saligang Batas—sinasabi rito na bawal ang dayuhang mga base, tropa, at pasilidad maliban kung papayagan ito sa isang tratadong kinikilala kapwa ng Pilipinas at ng dayuhang Estado.

Inulit ni Puno sa kanyang dissenting opinion sa bagong desisyon ng korte na napakarupok ng batayan ng pagkilala ng gobyernong US sa VFA bilang tratado: pahayag lamang ni dating US Ambassador Thomas Hubbard.

Idinidiin pa umano ng desisyon sa Medellin vs. Texas ang hindi pantay na pagturing ng US at Pilipinas sa VFA.

“Pansinin na ipinatupad na ng gobyerno ng Pilipinas ang probisyon ng VFA at inilipat ang kustodiya ni Lance Corporal Daniel Smith sa mga awtoridad ng US. Kinokonsidera ng gobyerno ng Pilipinas na lubos na naipatutupad ang VFA sa ating hurisdiksyon; pero ang US, hindi tinitingnan ang VFA na naipatutupad sa kanilang domestikong hurisdiksyon. Ipinagbabawal ang ganitong dichotomy o pagkakaiba sa ating Konstitusyon, dahil iiwanan ng ganitong pagkakaiba na lasog-lasog ang ating soberanya,” ani Puno sa wikang Inggles.

Ayon naman kay Carpio, “katangahan” (foolish) para sa Pilipinas na ipatupad ang isang tratado na hindi kinikilala ng US na bahagi ng kanilang domestikong batas. “[Pinapayagan] nito ang US na mailusot ang sarili mula sa anumang pananagutan kapag nilabag nito ang kanyang obligasyon sa ilalim ng tratado,” aniya sa kanyang dissenting opinion.

Negosasyon: may patutunguhan ba?

Kaya naman binatikos ng iba’t ibang grupong makabayan ang umano’y “pagtataksil” ng Korte Suprema.

Para makalusot sa kabila ng desisyong Medellin vs. Texas, sinabi nitong self-executory ang VFA kahit ito ay batay lamang sa kanilang interpretasyon at wala sa teksto ng kasunduan. Kinatwiran din ng korte na bahagi ang VFA ng 1952 RP-US Mutual Defense Treaty—at nakaligtaang apektado maging ang nasabing tratado sa bagong desisyon ng korte ng US.

Ayon kay Atty. Neri Colmenares, pangkalahatang kalihim ng National Union of People’s Lawyers at legal counsel ng Bayan, sa pamamagitan ng pagtaguyod ng konstitusyinaliad ng VFA ay binigyan pa ng Korte Suprema ng bagong masusulingan si Smith.

“Ibig sabihin, kahit pumayag pa ang gobyernong US na ilipat ng kustodiya si Smith, maaaring umapela ang sundalong Kano sa kanilang Korte Suprema. Pwede kasi niyang sabihin na hindi siya maaaring ilipat dahil hindi naman naipapatupad ang VFA sa kanila,” aniya sa isang panayam.

Ngayon pa lamang, wala nang linaw ang patutunguhan maging ang iniutos ng Korte Suprema na pakikipagnegosasyon sa US na maibalik si Smith sa kustodiya ng bansa.

Inamin ng DFA na “hindi pa handang makipag-usap ang US.” Samantala, bagaman “humihingi pa ng payong legal” mula sa kanilang gobyerno, idiniin ni Kenney ang naunang posisyon nito—na kanila ang kustodiya ni Smith hangga’t nakaapela ang kaso sa korte.

Kahiya-hiya ang sitwasyon para sa Pilipinas, ayon sa Bayan. Kailangan pang makipagnegosasyon para mabawi ang isang kriminal na nahatulan ng sarili nating korte, dahil isinuko siya noon ng gobyerno sa dayuhang teritoryo.

Gayunpaman, ayon kay Colmenares, “Kung gaano sila katapang na kunin si Smith sa Makati City Jail, dapat ganoon din sila katapang na kunin siya ngayon mula sa US Embassy.”

‘Pakikidigmang Kano’ sa Bikol

Ngunit pagkalabas ng desisyon ng Korte Suprema, hindi matatapang na pahayag kundi maamong pagsiguro na hindi apektado ang relasyon ng Pilipinas at US ang binitawan ni Executive Secretary Eduardo Ermita. Tila indikasyon ng “di-apektadong” relasyong ito ang pagsisimula ng Balikatan Exercises sa Pebrero 25 sa rehiyon ng Bikol, sa kabila ng malawak na pagtutol dito ng mga mamamayan.

Mula sa mga kuta ng mga “teroristang grupo” sa Mindanao, tutungo ang mga tropang Kano sa Bikol na kilalang kinikilusan ng mga rebeldeng komunista. Dahilan ito para pagsuspetsahan ang US na direktang nakikialam sa kontra-insurhensiya, isang usaping internal ng bansa.

Lulan ng mga barkong pandigma at F-16 na fighter plane, may 6,000 sundalong Kano at 2,500 sundalo ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang lalahok sa umano’y “war games” at “humanitarian missions” sa mga probinsya Albay, Sorsogon, Masbate, at Camarines Sur.

“Sino ang maniniwalang hindi ito nangangahulugan ng paglahok ng US sa operasyong militar?” ayon kay Prof. Jocelyn Bisuna, tagapagsalita ng alyansang Ban Balikatan (Bicolano Alliance for Nationalism Against Balikatan), na kabilang sa mga namuno sa kilos-protesta ng halos 20,000 Bikolano kontra sa Balikatan kamakailan.

Maraming mga ulat na nagpapatibay sa paniniwala ng grupong higit pa sa ehersisyong militar ang pakay ng mga sundalong Kano.

Kalagitnaan ng Enero noong mag-ikot umano ang isang opisyal ng US Navy sa mga ospital ng Albay, nagtatanong hinggil sa mga eksperto at pasilidad ng orthopedic. Orthopedic ang karaniwang sangay ng medisina na gumagamot sa mga sugat sa pakikidigma.

Noong Enero 29, isang unmanned aerial vehicle (UAV) ng US naman ang bumagsak sa pagitan ng mga bayan ng Esperanza sa Pio V. Corpuz sa Masbate. Ginagamit ang mga UAV sa pagsasarbey ng mga erya, kadalasa’y para sa pakikidigma.

Nagsasagawa rin ng sensus ang mga tropang Kano sa mga bayan sa Masbate. Ayon kay Col. Rodolfo Santiago ng 9th Infantry Division, para ito sa pagtukoy ng potensiyal na mga benepisyaryo ng mga humanitarian mission.

Duda naman ang alyansa. “Katangahan para sa ating isipin na pumunta rito ang US Special Forces para lamang maglarong doktor at dentista. May malinaw silang pakay para masiguro ang estratehikong interes pampulitika at pangmilitar ng US,” sabi ni Bisuna.

Kilusan para sa soberanya

Sa walong taon makaraan ang unang Balikatan Exercises sa ilalim ng VFA, marami na ring naisadokumentong ebidensiya na hindi na lamang “bumibisita” ang mga tropang Kano sa piling mga lugar. Kung hindi, halos permanente na silang nakabase sa malalawak na teritoryo sa bansa.

Tahasan itong paglabag sa ating soberanya, ayon kay Colmenares, at maaaring maging batayan ng pagbabasura sa VFA kung magdesisyon ang Bayan na umapelang muli sa Korte Suprema.

Pero inamin niya na sa komposisyon ng Korte Suprema ngayon, malabong mabaligtad ang nauna nitong desisyon—maliban na lamang kung magkaroon ng malakas na presyur mula sa mga mamamayan.

“Ang laban sa imperyalistang US at VFA ay pangunahin isang pulitikal na laban. Nawala naman ang baseng militar ng US noong 1991 hindi lamang dahil sa desisyon ng korte o aksiyon ng Senado. Bunga na ito ng galit ng sambayanan na kumilos para proteksiyunan ang ating soberanya,” sabi ni Colmenares.

Suspensiyon o abrogasyon ng VFA na ang panawagan ngayon ng ilang mga senador, maging mula sa administrasyon, gaya nina Joker Arroyo, Miriam Defensor-Santiago, at Rodolfo Biazon.

Marami pa ang naggigiit na dapat nang tuluyang ibasura ang kasunduan na umano’y patunay lamang ng kahiya-hiyang neo-kolonyal na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Hangga’t hindi ito nangyayari, darami ang mga nakakapasok sa bansa na mga kagaya ni Smith.

Ayon nga sa grupong Gabriela, isa sa mga naghahabol ng hustisya para kay “Nicole,” isa itong malaking insulto hindi lamang sa kababaihan kundi sa ating soberanya na paulit-ulit na ginagahasa.