Bisita sa Vitas


Kung paglilimian, maaaring isipin na guguho anumang oras ang Katuparan kasama ng pangarap ng mga residente nito sa disenteng panirahan.

KATUPARAN. Isang salitang nakapagpapagaan ng pakiramdaman.

Ito rin ang taguri sa isang proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa lungsod ng Maynila. Ngunit tila taliwas sa ngalan nito ang kalagayang pinagtitiisan ng mga residente dito.

Binubuo ng 27 na istruktura ang Katuparan Housing Project sa Vitas, na bahagi ng Barangay 101 ng Tondo. Bawat isa sa mga ito ay may apat na palapag. Upang makaakyat sa mas mataas na bahagi, maingat na humahakbang ang mga residente sa hagdanang nginangatngat ng kalawang. Samantala, may ilang metro-kuwadrado ang laki ng mga yunit kung saan nagsisiksikan ang dalawa o higit pang mga pamilya.

At tila sinalanta ng unos ang kapaligiran ng humigi’t kumulang na 2.4 ektarya ng lupaing kinatatayuan nito. May tambak ng basura sa bawat sulok at sa makikitid na mga eskinita, lubak-lubak ang daan, paroo’t parito ang humahangos na mga residente.

Sa likod din ng Katuparan nakatayo ang Manila Slaughterhouse habang sa di kalayua’y may maruming ilog na lumalagos palabas ng look ng Manila. Sa gabi, nagsasanib ang alingasaw ng kinatay na hayop at sangsang ng rumaragasang tubig. Kuwento ng marami, madalas ay naalimpungatan sila dahil sa pagdalaw ng hanging dala-dala ang mga amoy na ito.

Kung paglilimian, maaaring isipin na guguho anumang oras ang Katuparan kasama ng pangarap ng mga residente nito sa disenteng panirahan.

Buhay sa Vitas

Dekada ’90 pa tinayo ang Katuparan Housing Project. Ang dating pangulo na si Corazon Aquino ang lumagda sa kasunduan upang unti-unting maisatuparan ang proyektong ito.

Samantala, ayon sa pagsisiyat ng Alyansa ng mga Residente ng Katuparan (ARK) at Gabriela, ang naunang mga residente ng Katuparan ay mga pamilyang pinalayas umano ng pamahalaang Ramos mula sa kanilang tirahan sa San Andres, Malate, Paco, Delpan, lupang sakop ng Philippine Ports Authority at iba pang lugar sa Maynila. Sa paglipas ng panahon, nadagdagan ang populasyon nito ng mga residenteng napalayas rin sa kanilang mga kabahayan.

Sa lansangan naman sila karaniwang matatagpuan: pumapadyak sa pedikab, nagtutulak ng kariton, nag-aalok ng samu’t saring paninda, nakalambitin sa tinatayong mga gusali. Samantala, malaking bilang sa kanila ay nangangalahig ng basura sa tambakan ng kalapit na mga lugar gaya ng Aroma.

Mayroon ring mga manggagawa sa pabrika, estebador sa piyer, matansero sa katayan. May mangilan-ngilan namang nagtratrabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Maynila.

Lahat sila, karampot lamang at di nakasasapat ang kita mula sa maghapong pagbabanat ng buto.

Hindi madali ang manirahan sa lugar gaya ng Vitas. Malayo ang kalagayan dito sa pinapangarap na tirahan ng marami. Karamihan sa mga yunit nito ay walang suplay ng tubig kaya naman kailangan nilang mag-igib araw-araw. Karaniwang naka-submeter ang mga yunit dahil sa kawalan ng kakahayan ng mga residenteng magkaroon ng sariling linya ng kuryente.

Kailangan din ng mahigpit na pagtitipid sa pagkain upang mapagkasya ang P150-P200 na karaniwang arawang kita ng mga residente. Kaya naman bigas ng National Food Authority (na mabababa ang kalidad), tuyo (ang pinakamurang pang-ulam) at supot ng uling (sa halip na napakamahal na liquefied petroleum gas) ang araw-araw na binibili ng mga residente upang may maihain sa hapag mula sa kanilang pinagpawisan ngunit napakaliit na kita.

Kapag may nagkasakit sa pamilya, lalakad pa sila ng mahigit isang kilometro o kaya’y magbabayad P20 para sa padyak upang marating ang health center. May bayad ding P50 ang bawat pagpapatingin sa nag-iisang manggagamot na pinipilahan ng ilang daang pasyente.

Marami ring kabataan ang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral gaya ng magkakaibigang Edmar, Jojo at Mark. Lubhang mabigat sa pamilya ni Mark ang matrikula sa Technological Institute of the Philippines kaya naman ilang semestre na siyang hindi nakakapag-enroll. Maraming kabataan sa Katuparan ang katulad ang kinahinatnan. Sa katunayan, iilan lamang na kabataang Pilipino na nakapagtapos sa mataas na paaralan ang nakakapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay at sa patuloy na pagtaas ng matrikula sa pribado at maging sa pampublikong kolehiyo’t pamantasan.

Pagpapalayas

Walang kapanatagan ng loob ang mga residente nito. Kabi-kabila ang banta ng pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang tirahan. Ayon sa NHA, dahil hindi nila mabayaran ang kanilang buwanang renta – na umaabot mula sa P500-P1,200 – sa takdang panahon, nararapat na sila’y magmulta. Liban pa dito, palaki nang palaki ang interes na pinapapasan nito sa mga residente. Sa kaso ng marami, mas malaki pa ang interes kaysa prinsipal na bayarin ng kanilang yunit.

Kung hindi sila makakabayad, kailangan na nilang magbalot ng kagamitan at natitirang dangal bago sila tuluyang palayasin ng NHA.

Ayon sa ARK, mahirap para sa mga residente ang magbayad ng buwanang renta dahil wala silang regular na trabaho. “Kulang pa nga ang aming kinikita sa pang-araw-araw na pangangailangan,” ani Fe Crisostomo, byuda’t patuloy pa ring tumutulong sa mga anak at apo. Baon na umano siya sa interes ng kanyang yunit na akala niya’y mapapasakanila sa loob lamang ng ilang taon.

Kaya naman sa kasalukuya’y may petisyong hinanda ang ARK kasama ang Gabriela na hinihiling na tanggalin ang interes at multa sa buwanang bayarin ng mga residente. Naisumite na nila ito sa sa Senate Committee on Housing. Ani Senador Biazon, ang tagapamuno ng nasabing komite, kailangang muling magharap ang NHA at mga residente upang maresolba ang usapin. Dalawang ulit nang nakipagdayalogo ang ARK sa NHA kasabay ang piket ng mga residente.

Sa nasabing petisyon, hiling nilang pigilan ang pagpapalayas sa kanila na napipinto umanong isagawa ng NHA ngayong Marso sa mariing atas ng tagapangulo ng Housing and Urban Development Coordinating Council na si bise-presidente Noli de Castro. Gayundin, hiling nila alisin na ang patung-patong na multa’t interes sa kanilang buwanang bayarin.

RA 9507: para ba sa maralita?

Samantala, nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang Republic Act 9507 o Socialized Low-cost Housing Restructuring Law noong Oktubre ng nakaraang taon. Sa ilalim ng batas na ito, tutulungan umano ng pamahalaan ang mga maralitang nahihirapan sa pagbabayad ng utang sa pabahay lalu na’t panahon ngayon ng krisis.

Ngunit ayon sa ARK at Gabriela, ang puno’t dulo ng suliraning ito ay ang taas ng bayarin sa mga pabahay ng pamahalaan at ang kawalan sa regular na trabaho ng napakaraming maralitang Pilipino. Sa pagsisiyasat ng mga grupong ito, 19, 612 lamang ang nag-apply mula sa 182,349 na inalok ng nasabing loan structuring program. At karamihan sa kanila ay regular na mga empleyado ng pamahalaan at ng pribadong mga entidad. Malinaw lamang umano na hindi akma ang nasabing batas sa kaso ng mga maralitang karampot at di regular ang kita.

Ayon pa sa kanila, umaabot ng kalahati mula sa potential work force ng bansa ang walang trabaho. Hindi umano maasahang mareresolba ang ganitong usapin hangga’t hindi bumababa ang bayarin at mananatiling pasan ng mga residente ang patung-patong na utang, multa at interes habang wala silang regular na trabaho.

Negosyong pabahay?

Sa kabila ng di sapat na kita, marami pa ring residente ang nagsisikap na bayaran ang kanilang buwanang amortisasyon. Kaya naman marami sa kanila ay nagtatanong kung saan napupunta ang kanilang binbayad sa NHA gayong hindi naisasaayos ang mga istrukturang naglalagay sa kanila sa bingit ng malalagim na mga panganib. Ayon kay Johari Remdon, tagapangulo ng ARK, “binitiwan na ng gubyerno ang tungkulin nitong isaayos ang Katuparan ngunit patuloy itong pinagkakakitaan sa pamamagitan ng paninigil sa mga residente.”

Para sa taong 2009, linaanan ng P3.2 bilyon para sa mga resettlement project at P500 milyon para sa local housing ang NHA mula sa pambansang badyet. Ngunit wala umanong mapupuntang pondo para sa pagsasaayos ng Katuparan dahil ang nasabing mga halaga ay para sa pagtatayo ng mga bagong pabahay.

Ayon naman sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), malinaw na negosyo ang turing ng pamahalaan sa mga proyektong pabahay nito. Ayon sa grupo, “ang paglalaan ng pabahay para sa mga maralita ay nangangahulugan ng pagkamal ng kita mula sa kanila.” Layon din umano ng pamahalaang alisin sa hinaharap ang pondo nito sa pabahay.

Sa kabila umano ng matinding pangangailangan ng maralita sa maayos na pabahay at iba pang serbisyo, inuuna ng pamahalaan ang pagbabayad utang panlabas at pagpopondo sa militar.

Marapat lamang, ayon sa Kadamay, na ipaglaban ng mga maralita ang kanilang karapatan sa disenteng tirahan at serbisyong pangkomunidad na patuloy na ipinagkakait ng pamahalaan. Kailangan umano nilang magkaisa at sama-samang kumilos upang makahalagpos mula sa kanilang kahirapan.