FEATURED Maralitang Lungsod

Paano ang walang tahanan ngayong pandemya?


Community Pantry para sa mga nakatira sa lansangan at ang kanilang mga kuwento.

Noong Abril 24, mula sa halimbawa ng Maginhawa Community Pantry, naglunsad kaming mag-asawa ng aming bersiyon ng community pantry na may tutok sa pagtulong sa mga nakatira sa lansangan (homeless). Nagluto kami ng halos 20 kilong macaroni at sauce, isinilid sa mga plastik na supot, sinabayan ng mga saging sa paper bag at inihatid sa mga homeless sa bandang Paco-Malate gamit ang bike.

Ang awtor, naghahanda ng mga maipapamahagi sa mga homeless.

Asawa ko ang nagluto, habang ako at ang isang kong pamangkin ang naghatid ng pagkain sa kanila. Alam namin na hindi nito masusolusyonan ang kanilang problema. Pero kahit papaano, maiibsan namin ang gutom nila kahit man lang sa pananghalian. Karamihang Pilipino’y hirap ang dinaranas ngayong pandemya. Pero di hamak na mas malala ang kalagayan ng mga homeless.

Na-inspire ng penomenon ng community pantries, isa sina Francis sa maraming Pilipinong kayang tumulong ang tumutulong ngayon — kahit papaano, sa abot ng makakaya.

Dahil personal naming inihatid ang pagkain, nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanayam ang ilan sa kanila. Sari-sari ang kuwento nila, lahat malungkot.

Walang trabaho o sapat na nakabubuhay na suweldo at halos wala silang makain. Karamihan sa kanila’y walang bahay, kahit na barung-barong. Nabubuhay ang karamihan sa kanila sa pangangalakal. Ang ilan, sa pagpapadyak. Sa Maynila, sa Taft Avenue at bandang Pedro Gil, may mga pasyente ng Philippine General Hospital (PGH) na mula sa malalayong probinsiya ang napilitang tumira sa lansangan dahil walang perang pangrenta ng bahay. Ang ilan, tuluyan nang nauwi sa paghingi ng limos sa lansangan.

Mang Armando

Mang Armando
Hulyo 2018 pa ang huling reseta ni Mang Armando sa PGH.

Nagpapagamot ng sugat sa may kanang dibdib si Mang Armando sa PGH. Naabutan ko siyang kumakain ng kanin na nasa plastic na supot, walang ulam, sa isang sulok. Naka- upo siya sa karton at maitim na maitim ang mga paa at binti na tila nababalot ng grasa. Taga-Bulacan si Mang Armando, pero simula nang magawi sa Maynila para magpagamot, hindi na siya nakauwi. Madalas na siyang makita sa lansangan, namamalimos para may ipambili ng reseta niyang gamot at ng pagkain. Hulyo 2018 pa ang petsa ng kanyang reseta.

Amerito

Amerito

Mayroon din na dating may tinutuluyang bahay pero dahil natanggal sa trabaho nang nagsimula ang lockdown ay napilitan nang tumira sa lansangan. Ganito ang sinapit ni Amerito.

Nang iabot ko kay Amerito ang paper bag ng pagkain, nagpasalamat siya at agad nagpahabol ng paliwanag, “Maraming salamat pero ang kailangan namin ay trabaho. Baka kailangan mo ng tao? Master baker ako dati sa panaderya sa Tondo.”

Tubong Catbalogan, Samar, lumuwas ng Maynila si Amerito para hanapin ang kanyang kapalaran sa Maynila. Naka-sombrero, naka-mask at may talino ang mga mata ni Amerito kahit matagal na siyang binabagabag ng gutom. Bago ang lockdown, nakatira siya sa panaderya bilang baker. Nang magsara ang bakery noong Abril 2020, parehong trabaho at bahay ang nawala sa kanya. Hangad niya sana’y magkatrabaho uli para makaipon pauwi ng probinsiya para magtanim muli.

Dahil walang bahay at walang address, madalas, wala ring mga ID ang mga homeless. Dahil lang dito, hindi sila binibigyan ng ayuda o tulong upang makaalis sa kalsada at makaahon sa hirap. Madalas pa nga silang ipagtabuyan na parang mga aso ng gobyerno sa tuwing may “beautification project.”

Michelle at Gani

Ang mag-asawang MIchelle at Gani

Nakatira sa bangketa ng isang residential building malapit sa Taft Avenue ang mag-asawang sina Michelle at Gani. Dating manggagawa sa pabrika sa Makati si Michelle. Nang magkatanggalan sa trabaho, napadpad na siya sa lansangan. Halos ganoon din ang kuwento ni Gani. Matagal na rin silang nagsasama at noong Habagat ay namatay nang makuryente sa isang aksidente ang kaisa-isa nilang anak na lalaki. Siyam na taong gulang ang anak nila.

Kakaiba sa ibang homeless, rehistrado sa barangay bilang botante ang mag-asawa. Ang address na gamit nila ay ang building kung saang bangketa sila nakatira. Umaasa akong nakatanggap sila ng ayuda pero nagulat ako sa sagot ni Michelle.

“Hindi kami nabigyan ng SAP (Social Amelioration Program, ng gobyerno). Middle class daw kasi itong barangay namin, sabi ng DSWD (Department of Social Welfare and Development). Nakatira nga kami sa kalsada, kaso middle class daw.”

Wala ring natanggap na SAP si Amerito at kasamahan niya. “Hindi kasi kami rehistrado sa barangay,” paliwanag niya.

Naglalatag lang ang mga homeless ng sako o karton sa bangketa, sa lilim ng mga gusali ng bangko o sa ilalim ng mga flyover. Buong buhay na nila ang nakasuksok sa kanilang maduming backpack o sa marusing na plastic bag. Madalas rin may bitbit na maliit na konteyner na lalagyan ng tubig. Ang ilan sa kanila ay may kariton at alagang aso (o pusa). Ang iba naman ay may padyak bilang gamit pangkabuhayan at bilang tirahan. Ang iba naman, kasama ang kanilang mga anak sa mapeligrong pagtira sa lansangan.

Maryann

Maryann at ang kanyang paslit.

Si Maryann (hindi tunay na pangalan) ay namamalimos malapit sa lansangan sa Korte Suprema kasama ang kanyang dalawang anak na hindi lalampas ng limang-taong gulang. Kasambahay si Maryann bago ang pandemya. Nang mag-lockdown, sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, tinanggal siya ng trabaho.

Ayon kay Maryann, “Wala naman akong trabaho kaya ‘pag sa bahay, nangangayayat nang husto mga anak ko. Kaya dito na lang kami sa kalye.”

Marami pa ang mga homeless na may kasamang mga bata ang nakita ko sa kalye. Sa panahon ng online learning dahil sa pandemya, pagtutulak ng kariton at pagsiyasat sa mga basurahan para sa mga boteng plastik ang pinagkakaabalahan ng mga batang anak ng homeless.

Matandang may rayuma.

Lagpas isang milyon na ang naitalang nagka-Covid-19 sa bansa. Ayon sa Department of Health noong Abril 28, nasa 17,234 na ang naitalang namatay dahil dito. Sa bilang na ito, ilan kaya ang mga homeless? O ang mas tanong, naikukunsidera kaya sila sa pagbuo ng programa at polisiya ng pamahalaan hinggil sa pandemya?

Hapon na ng makausap ko sina Amerito. Isa sa kasamahan niya ang nag-aayos ng mga dahong malalapad na nung una ay napagkamalan kong dahon ng nganga. Ayon sa kanya, pantapal ang dahon sa tuhod, gamot sa rayuma. Napaisip ako, tayo-tayo na lang talaga ang magtutulungan kung hindi babaguhin ng gobyerno ang paraan nito sa pagharap sa pandemya ay kagutuman.

Maraming homeless na senior citizen. Nagtitiis sa init ng kalye pag araw, namamaluktot sa lamig at hamog sa gabi. Paano pag umuulan o bumabagyo? Sa edad nila at pagiging exposed sa mga elemento, marami na silang nararamdaman na sakit na pinasasa-Diyos na lang nila dahil wala naman silang ibang maasahan.

Sabi pa ni Amerito, “Kami dito sa kalyeng ito, parang magkakapatid na kami. Sila na lang ang nasasandigan ko.”

Marami sa mga homeless, may kapansanan at senior citizens.

Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ng kagyat na pagbigay na ayuda para sa lahat, lalo nag-lockdown muli ang gobyerno. Pilipinas na ang may pinakamatagal at pinakamarahas na lockdown sa mundo, pero patuloy pa rin ang pagkalat ng Covid-19. Imbes na asikasuhin ang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, maglunsad ng mass testing, epektibong contact tracing at pabilisin ang kampanya sa bakuna, pang re-red tag sa mga kritiko, pagpasa ng Anti-TerrorAct of 2020, at programang pang-imprastraktura na Build, Build, Build na tila ba walang pandemya ang prayoridad ng rehimeng Duterte.

Pansamantala lang ang ginhawang nagagawa ng pamimigay ng pagkain. Samantala, gobyerno ang may rekurso para sa pangmatagalang ayuda at pag-ahon nila.

Sa panawagan ng KMU, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), at iba pa, para sa P10,000 ayuda kada buwan sa mga walang trabaho at maralita at P100 arawang subsidy sa nakaempleyong mga manggagawa, kung matutupad ay sana huwag kalimutan ng pamahalaan ang mga kapatid nating nasa lansangan.

Mainam sana kung bukod sa ayuda, magtayo ng halfway homes ang pamahalaan kung saan maaaring tumuloy ang mga homeless hanggang sa magkaroon sila ng trabaho at maibangon ang sarili. Mas mahusay na mapaunlad ang industriya at agrikultura na hihigop sa malaking reserbang lakas paggawa ng bansa.

Sa ngayon, habang malayo pa sa hinagap ang makatarungang lipunan, patuloy lang natin ipakita ang ating malasakit sa ating kababayan sa lansangan. Mas mabuti nang may matanggap silang tulong kahit para sa isang araw kaysa wala. Sa ngayon, patuloy naming gagawin ito kahit isang beses kada linggo.

At sana, gayahin rin ito ng mga may kakayahan tumulong.


Mga larawan mula kay Francis Villabroza. May pahintulot ng mga nakuhanan ang paglabas ng kanilang mga larawan.