DOH, walang badyet sa bagong bakuna vs Covid-19


Walang nakalaang badyet ang gobyerno ngayong taon para makabili ng updated na Covid-19 vaccine para protektahan ang mga “at risk” na Pilipino mula sa mga bagong variant.

Kinumpirma nitong Hun. 4 ng Department of Health (DOH) na nakapasok na sa Pilipinas ang Covid-19 subvariant na KP.2, na kabilang sa tinatawag na “FLiRT variants.”

Ayon sa pinakahuling sequencing data ng Philippine Genome Center ng University of the Philippines, naitala ng Pilipinas ang dalawang kaso ng KP.2. Nakapagtala rin ng 30 kaso ng JN.1 at 2 kaso ng JN.1.18 nitong Mayo.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, nitong nakaraang buwan ang pinakaunang sample collection date para sa KP.2 sa bansa.

“It may be likely that there are earlier KP.2 cases, but because of limited sequencing we have not detected and reported this earlier,” aniya sa panayam ng GMA Integrated News

Bukod sa KP.2, mayroon ding JN.1.7, JN.1.18, at KP.3 na itinuturing na mga bagong variant o variant under monitoring na pawang nagmula sa JN.1 na isang variant of interest na responsable sa pagtaas ng mga kaso ng impeksiyon sa unang bahagi ng taon.

Ang “FLiRT” ay isang terminong ginamit ng ilang mananaliksik upang ilarawan ang mga pagbabago sa amino acid sa spike protein ng Covid-19.

Gayunpaman, sinabi ng DOH na iniiwasan nito ang paggamit ng “FLiRT” para sa mga subvariant, Impormal at kaswal umano ito at maaaring magresulta sa isang miscommunication ng panganib sa kalusugan.

Dahil sa bagong variant na natagpuan sa bansa, muling nasubok ang kahandaan ng sektor ng kalusugan.

“Alam na ng DOH at mga pampublikong ospital kung paano harapin theoretically ang mga bagong mutations o variant ng Covid-19 ngunit in practice, baka kulang pa,” ani Dr. Reginald Pamugas ng Health Action for Human Rights.

Sa kabila ng paghahanda ng pamahalaan, sabi ng DOH, walang nakalaang badyet ang gobyerno ngayong taon para makabili ng updated na Covid-19 vaccine para protektahan ang mga “at risk” na Pilipino mula sa mga bagong variant.

Mungkahi ni Pamugas, nararapat na dagdagan ang badyet sa sektor ng kalusugan upang makakuha ng mas maraming manggagawa pangkalusugan, makapaglaan ng tamang suweldo para sa kanila, at para makabili ng mga kinakailangang kagamitan.

“Kailangang palakasin ang public health kung saan nakapaloob ang epidemiological surveillance, health promotion at health education. Dapat mabigyan ng suporta at libreng health services ang mga mamamayan tulad ng mga bakuna, test kits, gamot at iba pang mga essential medical supplies kapag nagkasakit,” sabi ni Dr. Gil Dominic Catalan, secretary general ng Health Workers Partylist.

Kahit na patuloy na tumataas ngayon ang kaso ng Covid-19 sa loob ng bansa dahil sa bagong variant, hindi ito kasing-dami tulad noong panahon ng mahabang lockdown.

Sinabi ng DOH noong Pebrero na mayroon lang 661 na bagong kaso ng Covid-19 sa pagitan ng Peb. 6 at 12. Tumutugma ito sa average na 94 na kaso bawat araw.

Sa ulat ng GMA Integrated News, mayroong 251 kaso ng Covid-19 na naiulat mula Peb. 27 hanggang Mar. 4 na may average na 36 na kaso araw-araw.

Sa datos ng DOH mula Mayo 21 hanggang 27, may humigit-kumulang na 319 na kaso ng Covid-19 ang naitala bawat araw. Higit na mataas ito kumpara sa 94 na kaso bawat araw noong Peb. 6 hanggang 12 at 36 na kaso araw-araw noong Peb. 27 hanggang Mar. 4. Malayo ito sa bilang noong Mayo 2023 na nakakapagtala ng 1,750 na kaso kada araw.

Samantala, ang occupancy ng mga nakalaang Covid-19 intensive care unit bed ay nasa 14 percent at 15 percent para sa kabuuang Covid-19 beds sa mga pagamutan sa buong bansa.