FEATURED

Solusyong medikal sa UAE


Ano ang karanasan ng mga Pilipino sa bansang inuna ang solusyong medikal bago ang mga hakbanging militar sa harap ng pandemya?

Simula pa lang ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19), nanawagan na sa gobyerno ang mga progresibong organisasyon sa Pilipinas ng #SolusyongMedikalHindiMilitar. Ibig sabihin, mass testing, pagbabakuna, pagpapaunlad sa serbisyong pangkalusugan at iba pa — hindi lockdowns, paglabag sa karapatang pantao, at patayan.

Hindi tumalima sa mga panawagang ito ang administrasyong Duterte. Mas masahol, kinwestyon at siniraan pa nito ang mga naturang hakbanging medikal. Ang resulta, sunud-sunod na pagtaas ng kaso ng Covid-19, pagdami ng namamatay, pagkapuno ng mga ospital, at iba pa. Setyembre 2021 na, pero nagtatala pa rin ang bansa ng pinakamaraming kaso.

UAE

Sa United Arab Emirates (UAE), bansang bahagyang mas maliit sa Mindanao na may nakatalang 700,000 Pilipino at populasyong halos 10 milyon, nagpatupad ang gobyerno ng mga hakbanging medikal na siyang panawagan ng mga progresibong organisasyon sa Pilipinas.

Ibinahagi ni Bryan Cabugsa, coordinator ng Migrante-UAE, ang mga naging tugon ng gobyerno ng UAE sa pandemya. “Nasubaybayan ko iyan,” sabi niya, “dahil na-forced leave ako sa trabaho bago mag- lockdown at nakatutok ako sa balita.”

Nagdeklara ng total lockdown o “sterilization campaign” ang bansa noong Marso 26. Bawal lumabas ng bahay liban kung may permit, at absolutong bawal lumabas sa gabi. Isang buwang ganito sa lungsod ng Dubai, bagamat mas mahigpit at matagal sa Abu Dhabi — mga konsentrasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa UAE.

Pagkatapos nito, unti-unti nang nagbukas ang ekonomiya: mula mga kompanyang pinagtatrabahuan hanggang mga restawran, malls, iba pang negosyo at mga parke.

Larawn mula kay Allan Michael Bautista ng Philippine Business Council League of Freight Forwarders sa UAE

Bakuna

Noong Hulyo 2020, nagsimula ang trial phase ng ilang bakuna, at hinikayat ng gobyerno ang lahat na lumahok. Setyembre, binakunahan ang mga health workers. Nobyembre, naglabas ng bakuna na emergency use. Disyembre, pambansa na ang kampanyang magpabakuna. Abril ngayong taon, nagsimula nang gumawa ng sariling bakunang Sinopharm ang UAE.

Nagtuluy-tuloy ito, hanggang ngayon na nangunguna ang UAE sa pinakamaraming nabakunahan sa mundo. Nasa 77 porsiyento ang idinedeklara ng gobyerno, bagamat may mga pag-aaral na nagsasabing sapat ang nailabas na bakuna para sa 95 porsiyento ng populasyon. Repleksiyon marahil ito na marami na ang nakakuha ng pangalawang bakuna, kasama na ang mga OFW.

Nang unang nagpabakuna ang ilang Pinoy noong Nobyembre 2020, nasa tatlong oras ang pila. Pero nitong Setyembre, nasa 15  minuto na lang.

Noong una, may bentahe ang UAE sa ibang bansa: relatibong bata at malusog, nasa edad ng mga nagtatrabaho, ang kalakhan ng populasyon nito. Pero binago ito ng Delta variant, na nakakaapekto sa lahat ng edad. Malaganap na ang bakuna bago pa kumalat ang naturang variant sa bansa.

Nitong huli, maging ang mga turista, hindi na lang mga residente,angbinabakunahan sa Abu Dhabi. May mga impormasyon na nagsasabing ganito na rin ang gagawin ng Dubai.

Pasilidad

Panahon pa lang ng lockdown, gumawa na ng maraming quarantine facilities ang gobyerno. Maraming hotel ang itinalagang ganito. Nagtayo rin ng maraming field hospitals, mga pansamantalang istruktura na ipinagmamalaking sapat ang kagamitan laban sa Covid-19.

Kapansin-pansin na napuno ang mga ospital noong Mayo-Hunyo 2020, kahit ang mga kaso ng Covid-19 ay nasa 300 pa lang. Ang patakaran kasi noon ay basta maysakit, ipaospital na agad.

Kung ihahambing, rumurok ang bilang ng kaso nitong unang kuwarto ng 2021, pero hindi napuno ang mga ospital. Marami na ang nabakunahan kaya kaunti ang dumanas ng matinding epekto ng sakit at kinailangang magpaospital. Kung sakali mang dumami ang mangailangan, marami na rin ang ospital.

Mass testing

Nagtayo rin ang gobyerno ng maraming testing centers at laboratories noong lockdown pa lang. Ang mga lugar na maraming kaso at nilockdown, tine-test ang lahat ng residente. Ganito rin sa mga labor camps, kung saan maraming migranteng manggagawa. Sa mga kasong ito, sagot ng gobyerno ang bayad sa testing.

Sa kalakhan, hindi libre ang testing, bagamat laging may suplay. Napababa na ang presyo nito mula 350

AED (halos P4,800) noong una, hanggang 65 AED (halos P900) ngayon. Mabilis na ngayon ang labas ng resulta: sa loob ng 24 oras, makakatanggap ng SMS o email ang nagpatest.

Masasabing nagpatupad ng mass testing ang UAE sa mga paliparan para sa mga bagong dating mula sa ibang bansa. Bihirang magbawal ang mgapapasoksabansa,liban kapag mataas ang kaso sa mga bansang pinagmulan — tulad sa India nitong kasagsagan ng Delta variant.

Ang mga bagong dating, bago pa makuha ang bagahe papalabas ng airport, tine-test na. Lalabas ang resulta nang pinakamatagal ang tatlong araw, at sa paraang madali sa lahat — SMS sa cellphone.

Impormasyon, regulasyon

Sa gitna ng lahat ng ito, tuluy-tuloy ang pagpapalaganap ng impormasyon ng gobyerno. Bukod sa laging pagbabalita ng mga impormasyon, hakbangin at updates sa social media at diyaryo, radyo at telebisyon, namimigay rin ng mga polyeto. Noong una, may mga anunsyo sa kalsada sa iba’t ibang wika, kasama ang Filipino, tungkol sa mga hakbanging pangkalusugan.

Sa kabilang banda, kilala ang UAE sa matataas na multa mula sa mga patakarang pantrapiko hanggang pang- negosyo. Napakatas din ng multa para sa iba’t ibang paglabag sa mga hakbangin

kontra-Covid-19: AED3,000 (P40,800) para sa hindi pagsusuot ng mask sa matataong lugar, AED 10,000 (P136,000) para sa mga nag-organisa ng malalaking pagtitipon at kalahati nito para sa mga dumalo, at AED 5,000 (P680 Milyon) para sa mga malls na lumalabag sa oras ng pagbubukas, at iba pa.

Libre at sapat ang bakuna, kaya sino man ang tatanggi rito ay may tungkuling patunayan sa kanilang trabaho na wala silang Covid-19. Dahil diyan, kailangan nilang regular na magpa-test, na ang bayad ay sagot nila.

Imahe: Freepik

OFWs

Naiinis si Cabugsa kapag sinisisi ng gobyerno ng Pilipinas ang mga “pasaway” na Pilipino para sa pagkalat ng Covid-19 sa Pilipinas. “Dito, bago pa magpanawagan ang gobyerno, nagsusuot na ng mask ang mga Pinoy. Naging usap-usapan pa nga dati kasi nagkakalat daw tayo ng takot. Masunurin tayo sa health protocols,” aniya.

Noong una, halos 20 porsiyento ng mga ibinabalitang namatay sa Covid-19 sa UAE ang Pinoy. Pero sa alala ni Cabugsa, malinaw ang paliwanag ng mismong pulisya ng Dubai: ang siksikang tirahan ng mga OFW sa UAE, hindi dahil pasaway ang mga kababayan. “Kahit kailan, hindi sinisi ng gobyerno rito ang mga tao rito sa pagkalat ng sakit,” aniya.

Ani Cabugsa, matindi ang tama sa mga OFW ng mga pang-ekonomiyang epekto ng pandemya: tanggalan, kaltas sa sahod, at iba pa. Nagpapatuloy rin ang mga suliranin ng mga OFWs sa kanilang kalagayan. Pero wala siyang matandaang kaso ng diskriminasyon o atake na naranasan ng mga OFW sa UAE partikular sa mga hakbangingmedikallabansa Covid-19.

Kaya naman ang tampok na naging tugon ng Migrante- UAE noong matapos ang istriktong lockdown ay ang pagkalap at pamamahagi ng mga donasyon, kalakhan ay pagkain, para sa mga kababayang nangailangan. Tinulungan pa raw ng kapulisanngDubaiangmga namimigay ng pagkain.

Tuluy-tuloy din ang Migrante-UAE sa pagpanawagan sa gobyerno ng Pilipinas ng repatriation at ayuda para sa mga nangangailangang kababayan.

Halos normal

Ngayon, sa mga kalsada ng Dubai at Abu Dhabi, halos normal ang takbo ng buhay, maliban sa nakasuot ng mask at may social distancing ang mga tao, at maraming libreng alkohol. Bukas ang mga restawran at hotel, parke at malls; may pasok ang mga opisina, kasama ang pinapasukan ng mga OFW, napupuno ang mga tren kapag rush hour, at nitong Setyembre ay pumasok na sa eskuwelahan ang mga bata.

Sa kabila ng pagiging bukas na bukas ng ekonomiya, pababa ang bilang ng mga kaso, mga naoospital, at lalo na ang mga namamatay. Pinakamarami na ang 18 namantay sa isang araw noong Pebrero. Pero Abril 2021 pa lang, markado na ang pagbaba ng kritikal na kaso at pagkamatay bunsod ng Covid-19.

Ilang beses nakapunta ng ospital si Cabugsa sa Dubai nitong huli. Sabi niya, kapansin-pansing mababa ang tensyon. Hindi na nakasuot ng full personal protective equipment (PPE) ang mga manggagawang pangkalusugan, hindi gaya ng mga nasa Pilipinas.

Mahirap magsalita nang tapos tungkol sa pagharap ng isang bansa sa pandemya. Nagpapatuloy ang pandemya, at nagkakaroon ng iba’t ibang variants ang Covid-19. May mga bansa ring inakalang nakaalpas na pero sinalantang muli. Sa ngayon, gayunman, maganda ang takbo ng pagharap ng UAE sa pandemya.

“Kahit tanungin ninyo ang mga OFW dito,” sabi ni Cabugsa, “sila mismo ang magsasabi. Hindi kami masyadong nangangamba dito. Kitang-kita namin ang kaibahan ng nangyayari rito sa nangyayari sa Pilipinas.”

Paghahambing sa Pinas

“Ibang-iba, hustisyang ikumpara,” ang sabi ni Cabugsa sa tugon ng gobyerno ng UAE kumpara sa tugon ng gobyerno ng Pilipinas. “Sa UAE, solusyong medikal talaga, hindi hakbanging militar. Isang beses lang nag-lockdown at hindi na naulit. Sa Pilipinas, puro lockdown at restriksyon ang alam ng gobyerno.”

Ano ang masasabi niya sa mabilis na pagsasabing magkaiba ang UAE at Pilipinas, dahil maunlad ang una at di- maunlad ang ikalawa? “May bansangmauunladnapalpak sa pandemya, may mahihirap namang maayos. Bentahe talaga ng UAE ang pagiging maunlad, pero ang mahalaga ay iyung patakaran sa pandemya,” sabi ni Cabugsa.

“Ang maganda pa rito,” dagdag niya, “kahit bumababa na ang kaso, tuluy-tuloy pa ring pinapaunlad ang solusyong medikal. Malinaw ang direksyon na gustong tapusin ang pandemya, at bawasan ang pinsala sa ekonomiya.”

“Tsaka dito, kaunti lang ang salita ng gobyerno. Sa Pilipinas, mula presidente hanggang government officials at trolls, putak nang putak ng pagyayabang at paninira — mga palpak naman sa pandemya.”