Ayuda ipinagkakait habang bayan ay namimilipit
“Kaya ang panawagan natin sa ayuda – sapat, tuluy-tuloy at abot-kamay. Alam nating may pondo? Di ba may mga kwestyonableng gastos ang DOH, DSWD, LTFRB, DepEd, at may mga natitirang pondo pa rin sa DOLE?”
Kumusta, manggagawa? Paano pa tayo nakakakain? Dumating na ba ang ayuda ninyo? Kamusta ang pila?
Nito lang, nabasa ko sa balita na di pa aabot sa ¼ ng mga nakatakdang benepisyaryo ng P1000-P4000 ayuda ang nabigyan na, gayong matagal na mula nang ipataw ang ECQ. Pinapakita lang nitong muli ang paulit-ulit na nating naoobserbahan – kulang, mabagal, at di aksesible ang ayuda.
Kulang sa dalawang antas. Kulang ang halagang P4000 para punuan ang nawalang kabuhayan ng ating mga kababayan sa panahon ng dalawang linggong ECQ. Sa isa pang antas, kulang ang inilalalaan na pondo para sa ayuda kaya di makapagpalaki ng bilang ng benepisyaryo gayong papalaki ang bilang ng apektado. Nasa 10B lang ang inilaan para sa Metro Manila nang magsimula ang ayuda.
Mabagal. Nagsi-mula ang pamimigay, Agosto 11 na. 5 araw mula nang simulan ang ECQ, kahit pa naglaan ng 1 linggong paghahanda, sa rekwes ng mga negosyo. Binigyan ng panahon upang maghanda ang mga negosyo, pero ang gobyerno, di naghanda. Nang magsimula, napakabagal namang dumating sa taumbayan.
Di aksesible. Di rin naisip ng pambansang gobyerno na gumawa ng guidelines sa pamimigay ng ayuda, nang mabilis at ligtas ang maging distribusyon. Hirap na hirap magtimbang ang mga LGU natin kung anong bibigyang-diin, pabilisin ba ang pamamahagi o tiyaking ligtas ito?
Kaya ang panawagan natin sa ayuda – sapat, tuluy-tuloy at abot-kamay. Alam nating may pondo? Di ba may mga kwestyonableng gastos ang DOH, DSWD, LTFRB, DepEd, at may mga natitirang pondo pa rin sa DOLE?
Habang namumuti ang mata ng manggagawa sa ayuda mula sa DOLE dahil sabi ni Secretary Bello kulang ang pondo, matutuklasan nating 13B pa pala ang pondong maaaring gamitin sa programang ayuda ng ahensya. Bakit di pa ibinibigay? Ano pang hinihintay?
Dapat isaayos nasaan ang mga ito, magpanagot ng mga sanhi ng iregularidad at mabilis na ilaan ang pondo para sa ayudang sapat.
Dito na muna, ingat kayo, mga kamanggagawa! Laging tandaan, di ka namamalimos kapag nanawagan ng ayuda. Pinapaalala mo sa gobyerno ang obligasyon niya sa taumbayan.