Ayuda ng gobyerno: kulang, tinipid, atrasado


Lockdown na naman. Nagtataasan pa ang presyo ng pangunahing bilihin. Mabubuhay ba ang pamilyang Pilipino sa inilaang ayuda ng gobyerno?

Siyam sa sampung Pilipino ang nakulangan sa tugon ng administrasyong Duterte sa pandemya ng Covid-19. Ayon ito sa sarbey na inilabas ng Pulse Asia sa forum na organisado ng Unibersidad ng Pilipinas noong Agosto 6. Nanguna sa nakikitang pagkukulang ng gobyerno ang kawalan ng sapat na ayuda.

Lumabas din sa naturang survey na ang pangunahing gusto ng mamamayan na asikasuhin ng gobyerno ay ang mga usapin sa kabuhayan gaya ng pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin, dagdag-sahod at paglikha ng trabaho.

Ngayong isinailalim ulit sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at mga karatig lalawigan nito, naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P10.89 Bilyong pondo sa ayuda para sa Metro Manila at P2.715-B para sa Laguna. Samantala, kinukwenta pa kung magkano ang ilalaan para sa Bataan. Kukunin ang pondo sa natirang badyet para sa 2020.

Maaaring makatanggap ng P1,000 ayuda kada indibidwal pero hanggang P4,000 lang kada bahay. Ayon kay Interior and Local Government Undersec. Jonathan Malaya, dapat umanong matapos ang pamamahagi nito sa loob ng 15 araw.

Kulang

Para kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, kulang na kulang ang ayudang ibinibigay ng administrasyon para sa batayang pangangailangan ng isang pamilya sa loob ng dalawang linggo.

“Kulang na kulang ang ayudang plano ng gobyerno at di pa tiyak kung dalawang linggo nga lang ba ang lockdown at kung maibibigay ba sa oras ang ayuda,” ani Zarate.

Giit niya, hindi man lang umano ito katumbas ng dalawang araw na minimum wage sa NCR at lalong mas mababa sa tinatayang P1,058 na arawang family living wage. Napakalayo rin nito sa datos ng iPrice na kailangan ng P57,600 ng isang pamilyang may apat na miyembro para mabuhay ng komportable sa dalawang linggo.

“Wag naman sanang baratin ang mamamayan! Kapag dolomite o kampanya sa eleksiyon may sako-sakong pera pero sa ayuda para sa mga Pilipino, tinitipid,” aniya.

Para naman kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, “makakatulong pero kulang na kulang” ang pangakong ayuda ng gobyerno. Hindi rin umano tama na sa NCR lang magbigay ng ayuda dahil milyun-milyong pamilya ang nawalan ng kita at hanapbuhay dahil sa mga ipinataw na lockdown mula pa nakaraang taon.

“Kahit sa NCR lang, tantsa ng Ibon ay may average na P24,000-P53,000 ang nawala sa kita ng pinakamahirap na 2.7 milyong pamilya na may 11.2 milyong katao, sa nakaraang 17 buwan ng community quarantine. Kasama na dito ang 2.3 milyong pamilya na may 9.4 milyon katao na walang ipon at nabubuhay lamang sa araw-araw na kita,” aniya.

Ayon pa kay Africa, napakaliit ng inilalaang pondo ng gobyerno para sa ayuda dahil ayaw ng economic managers magbigay ng ayuda sa mahihirap at nangangailangan. Umaabot lang sa P18.4-B o katumbas lang ng 0.4 porsiyento ng kabuuang P4.5 Trilyong badyet para sa 2021 ang nakalaan para sa lahat ng ayudang may kinalaman sa Covid-19.

“Mas binibigyan nilang prayoridad ang imprastruktura, bayad-utang at suporta sa tubo ng malalaking negosyo. Ayaw naman nilang lakihan ang badyet dahil masyadong pinangangalagaan ang creditworthiness na wala namang pakinabang ang nakararaming naghihirap at nangangailangan,” sabi niya.

Kaya naman daw tumulong ng gobyerno sa mas marami kung gugustuhin lang nito. Sabi pa niya, “Kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan!”.

Mungkahi ni Africa, sa kagyat ay pwede umanong bawasan ang P1.1-T pondo sa imprastraktura at P1.8-T pondo pambayad-utang. Maaari rin umanong kumuha ng pondo mula sa mga badyet para sa militar at sa confidential at intelligence funds.

“Magbibigay din daw ng US$2.8-B (P140-B) ang IMF (International Monetary Fund). Puwede ito gastusin sa halip na gamitin para i-boost ang foreign exchange reserves at creditworthiness,” aniya.

Puwede rin naman daw mangutang pero dapat kunin ang pagbayad nito sa pagpataw ng buwis sa yaman ng oligarkiya.

“Puwede makalikom ng P237-B mula sa ‘wealth tax’ sa super-rich — 1 porsiyento sa yaman na lagpas P1-B, 2 porsiyento sa lagpas P2-B, at 3 porsiyemto sa lagpas P3- B,” ani Africa.

Atrasado

Giit naman ng Ayuda Network, ugnayan ng iba’t ibang sektor para sa sapat na ayuda, bukod sa kulang ay atrasado na rin ang pamamahagi ng ayuda sa mga nangangailangan nito. Ilang araw na kasi ang ECQ pero hindi pa rin nakakatanggap ang marami.

“Bago pa ang lockdown, nanawagan ang Ayuda Network na ibigay na ang ayuda. Dahil kapag nagsimula na ang lockdown, wala na kaming trabaho, di na kami makakapagtinda, paano naman kami mabubuhay?” ani Inday Bagasbas, tagapagsalita ng Ayuda Network.

Nauna na silang nanawagan ng P5,000 ayuda para sa lahat ng apektado ng dalawang linggong ECQ. Kabilang sa mga dapat umanong makatanggap nito ang mga manggagawa, mahihirap na pamilya, tsuper, manininda, atbp. Dapat din umanong magbigay ng dagdag na sapat na ayuda kung palawigin pa ang lockdown.

“Late na nga ang distribution, wag na baratin ang taumbayan! Ibigay na ang P5 libo para sa dalawang linggong ECQ, at dapat dagdagan ito kung sakaling papalawigin pa ang ECQ,” giit ni Bagasbas.

Nanawagan naman ang Kilusang Mayo Uno sa Department of Labor and Employment (DOLE) na madaliin na, dagdagan ang pondo, at padaliin ang proseso ng pagkuha ng ayuda para sa mga manggagawa.

Ilang araw na kasi ang lumipas at marami na umanong mga manggagawa ang nawalan ng kita. Giit pa ng KMU, ang pagbibigay ng ayuda ay hindi lang kagyat na kailangan kundi isang makataong gawain.

“Yung projected na 400,000 workers, bagaman di kami nag-aagree na ‘yan lang ang apektado, ay di na lang po projection ngayon. Aktuwal na po silang walang kabuhayan, aktwal nang nagugutom, aktwal nang nangangailangan. Kaya dapat isaayos na ang bilang, para mareflect yung tunay na dami ng apektado. Lalo na ngayong ECQ na rin sa Laguna at Bataan, kung nasaan may malalaking bilang ng manggagawa,” sabi ni Jerome Adonis, secretary general ng KMU.

Kinondena rin ng pambansang sentrong unyon ang pahayag ni Pangulong Duterte na “mangutang muna” ang mga tao habang wala pang ayuda.

“Nagpataw ng lockdown pero hindi naghanda. Sinasabi niyo mangutang kami, wala na kaming mauutang dahil ‘yung mga inuutangan namin, wala nang mapautang at kailangan na rin ng ayuda. 11 trilyon na ang utang ng bansa at wala kaming napakinabangan, tapos kami pagbabayarin niyo n’yan?” ani Adonis.

Sa huli, iginiit ni Adonis na may lockdown man o wala, dapat umanong mamahagi ng ayuda na nakasasapat para sa lahat sa panahon ng pandemya at krisis.