Istorya ng Linggo

Anomalya sa pondo ng 2020

August 20, 2021

Todo-paawa si Sec. Duque na kesyo ‘winarak’ daw ang dangal niya at di na makatulog dahil sa Audit Report. Pero sino ang tunay na winarak ng mga kuwestiyonableng di-paggamit ng DOH sa pondo?

Para sa kalusugan

Tumataginting na halos 30 porsiyento ng badyet ng Department of Health, hindi ginamit nito noong 2020 para tugunan ang pandemya, sabi ng Commission on Audit. Ni Jobelle Adan

 

Bilyong piso mula sa kaban ng bayan ang walang sapat na dokumentasyon at hindi agarang ginamit para tugunan ang maraming isyu na dala ng coronavirus 2019 (Covid-19) pandemic, mula pamamahagi ng ayuda, paggastos para sa contact tracing, at iba pa.

Ilan lang ito sa mga obserbasyon ng Commission on Audit (COA) sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa piskal na taon ng 2020.

Taun-taon gumagawa ang COA ang independyenteng pagsisiyasat o audit report sa kung paano ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang pondo at ari-arian. At para sa nagdaang taon, malaking usapin ang paggastos para sa kalusugan.

Kaya ganoon na lang ang pagtataka ng COA nang makitang may P59.12 Bilyon o 29 porsiyento ng budget ng Department of Health (DOH) para sa 2020 ang hindi ginamit ng ahensiya bago natapos ang nakaraang taon.

imahe mula sa Ibon Foundation Facebook page

Sabi ng COA, nagamit sana ito noon “para sa paninigurado na abot-kaya ang public health services, para sa pagpapalakas ng healthcare system ng bansa, at higit sa lahat, para sa pagkontrol sa Covid-19”.

Ayon sa tugon ng DOH, sa ilang proyekto at maramihang pagbili ng medical equipment, kailangan munang buo itong matapos o matanggap ng ahensya bago ilabas ang kabayaran. Bukod pa sa apektado rin daw sila ng kakulangan sa tauhan dahil sa pandemya.

Ngunit sapat bang dahilan ang mga ito, lalo na’t opisyal na nasa ilalim ng state of calamity at may public health emergency ang bansa?

Hindi pa dito natapos ang isyu. Sa linggo na inilabas ang mga audit report, nag-trending sa iba’t ibang social media site ang “67 BILLION” na hiwalay pa sa pondong hindi nagamit.

“May iba’t ibang pagkukulang sa paggamit ng higit P67.3-B na public funds na nakalaan para tugunan sa pambansang lebel ang dambuhalang krisis na dala ng Covid-19,” ayon sa audit report para sa DOH.

Ayon sa COA, kapos sa pagiging transparent ang ahensyang pangkalusugan.

“Dagdag sa suliranin at napalampas na pagkakataon ng DOH itong mga kakulangan sa paggamit ng pondo, sa panahon pa na nasa ilalim ng state of calamity ang bansa,” ayon sa report.

Wala pa rin ang kailangang documentation na nagbibigay linaw sa P42.4-B na inilipat sa mga katuwang na ahensya para sa procurement at pagsasagawa ng mga proyekto.

Isa pa sa mga napuna ng COA ang labis na paggastos ng DOH para sa information and communications technology services at mga gadget.

Kasama dito ang pagbili sa mga laptop na may presyo umanong P292,418 kada isa. Tunay na may mga laptop model na ganito kamahal o higit pa, pero kadalasan namang ginagamit sa professional gaming ang mga ito.

Ayon sa Ibon, hindi lang ito isyu ng mabagal o tiwaling paggastos ng DOH. Makikita rin sa datos na masyadong mabagal at kakaunti ang natutulungan ng PhilHealth.

Nasa 33 porsiyento lang ng Covid-19 claims para sa 2020 ang nabayaran na ng PhilHealth. Mas maraming claims ang pinoproseso pa lang.

“Maliit na porsiyento lang ng 17.4 million Covid-19 tests at lalampas ng 100,000 kaso ng pagpapaospital pa lang ang napondohan ng PhilHealth,” sabi ng Ibon Foundation, base rin sa pinakahuling tala ng PhilHealth.

Pagpapanagot

Hindi nangangahulugan ang taunang audit report ng COA na makakastigo na para sa korapsyon ang mga ahensya. Pwedeng magbukas ng imbestigasyon ang Department of Justice at ang Ombudsman, ngunit pinipili nilang hindi muna ito gawin.

“Bibigyan ng pagkakataon ang DOH para sundan ang rekomendasyon ng COA,” sabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, na inatasa ni Pangulong Duterte na mamuno sa anti-corruption task force.

Nilalaman rin ng audit report ang mga rekomendasyon ng COA sa mga ahensiya. Kasama na dito ang pagbibigay linaw sa maaksayang mga proyekto at kagamitan, at pagkumpleto sa kulang na papeles.

Hindi nalalayo kay Guevarra ang tindig ni Ombudsman Samuel Martires: hayaan na munang matapos ang kabuuan ng audit process at makapagwasto ang mga ahensiya.

Sa kabila nito, tuloy ang panawagan ng iba’t ibang sektor para sa sapat na suporta mula sa gobyerno. Mula sa health frontliners, hanggang sa mga manggagawa, magsasaka, at mga pamilyang naghirap dahil sa pandemya, iisa ang tinig: ilaan ang kaban ng bayan sa kagyat na pangangailangan ng masa.

Ngayon, dagdag na sa panawagang ito ang pagpapanagot sa mga nagwaldas sa perang nakatulong sana sa sambayanan.

“Hindi lang ito usapin ng hindi pag-abot sa mga target [na proyekto]. May mga buhay, mga Pilipinong kailangan iligtas ngayong nasa state of emergency,” sabi ng mga auditor.

Iba ang prayoridad

Sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at pang-kalusugan, walang tigil ang paglustay ng NTF-Elcac sa pondo ng taumbayan. Ni Jan Terence

 

Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), 12% lang ng pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) para sa taong 2020 ang nagastos nito. Nasa P86.57 Milyon lang sa kabuuang P722.95-M pondo ang nagamit ng task force.

Sapat na dapat itong basehan para sabihing labis-labis ang kasalukuyang P19 bilyon na budget ng NTF-Elcac, ayon kay Sen. Franklin Drilon.

Sabi naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, maaaring bigyan ng Kongreso ng kapangyarihan si Pangulong Duterte para ilipat ang nasa P19 Bilyong pondo ng NTF-Elcac ngayong 2021 para sa pamamahagi ng ayuda, tulad ng ginagawa sa community pantries.

“Nung kinuwenta nga namin ‘yan, nasa 1.9 million families ang siyang makikinabang diyan. Kung ikukuwenta natin ‘yan sa community pantries, ilan ang matutulungan n’yan, about 271,000 community pantries for one week. Malaking bagay po ‘yun para sa nagugutom nating mamamayan,” ani Brosas.

Sa ulat ng Ibon Foundation, may mahigit 15.5 milyong pamilyang Pilipino ang nagugutom, 17.8 milyong pamilya naman ang walang savings, at 9.2 milyong Pilipino ang wala o kulang ang trabaho. Dagdag pa ng Ibon, isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may malalang unemployment na lalong pinalala pa ng pandemya.

Pag-atake

Nauna nang naungkat ang mga anomalya sa Barangay Development Program (BDP), isang programa ng NTF-Elcac. Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), ang BDP ay may pondong P16.44-B, kung saan ang 99% o P16.24-B nito ay naibigay na sa 812 ‘NPA-free’ na mga barangay. Parte ang nasabing pondo ng pinamimigay na ‘incentives’ ng NTF-Elcac at DILG sa mga barangay na di umano’y wala nang “teroristang komunistang grupo.” Target nito ang 822 barangay sa bansa.

Ngunit ayon sa ulat ng Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights), ang mga rehiyon na may malalaking alokasyon ay siya ring may pinakamatataas na kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Sa 394 kaso ng extra-judicial killings na kanilang nadokumento, 199 na kaso ay galing sa limang rehiyong may pinakamalalaking pondo na natanggap mula sa BDP. Sa naturang limang rehiyon din umano ay may 703 bilanggong pulitikal.

Lima rin sa mga rehiyon na may malalaking pondong mula sa BDP ang may pinakamatataas na bilang ng may pinaslang at ‘legally infirm arrest.’ Kabilang sa mga ito ang Western Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.

Sa limang rehiyon na nabanggit, pinakamalaki ang natanggap ng Davao sa 197 LGUs na napili ng NTF-Elcac para sa pondo.

Sa mga naturang rehiyon din may pinakamatitinding kaso ng paglabag sa karapatang pantao mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2021.

Sa darating na taong 2022, P40-B pondo ang planong hingiin ng DILG at NTF-Elcac sa administrasyong Duterte para sa BDP.

Kinwestiyon naman agad ito ni ACT Teachers Rep. France Castro.

“Sobrang kapal ng mukha ni Secretary Año na magrerequest pa raw ng P40 billion para sa NTF-Elcac, ito ngang P19-B na budget ng NTF-Elcac sa ngayon ay hindi nila maipaliwanag,” aniya.

Binigyang diin naman ni Kabataan Rep. Sarah Elago ang pag-buwag sa NTF-Elcac.

“Hindi lang ‘yan dapat i-defund, dapat na ‘yang iabolish dahil po sa dami at lalim ng paglabag sa karapatang pantao at mga atake ka sa mga mamamayan na nagpapahayag ng hinaing sa gitna ng pandemic,” giit niya.

Avatar