‘Bakit kami wala, bakit sila meron?’
Assistance program o ayuda (salitang Espanyol ng assistance), ang nagsisilbing pangunahing tugon ng gobyerno sa panawagan ng maralita sa marangal at komportableng pamumuhay.
Magkano ang handa mong isugal upang mairaos ang panibagong araw?
Para sa ilan, ang magbayad ng sobra kapalit ng maginhawang serbisyo ang pinakamadaling solusyon. Ang iba, isinakripisyo ang isang araw na kita; nakapila upang tumanggap ng ayuda. Subalit sa malaking bahagdan ng mga Pilipino, kapalit ng pagkakataong makatanggap ng pinansiyal na tulong ang kanilang buhay.
Abril ngayong taon, binawian ng buhay ang isang drayber ng motorsiklo habang nakapila para sa P5,000 cash relief assistance mula Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa parehong araw din, mahigit 2,500 benepisyaryong mga manggagawa sa sektor ng transportasyon ang pumila sa payout site sa Quezon Memorial Circle, nagtiis sa initan sa pag-asang makatatanggap ng kakarampot na ayuda.
Assistance program o ayuda (salitang Espanyol ng assistance), ang nagsisilbing pangunahing tugon ng gobyerno sa panawagan ng maralita sa marangal at komportableng pamumuhay.
Mula pandemya, kalamidad at pagtaas ng langis, inilalantad ng kultura ng ayuda ang isang sistema kung saan, kapalit ng tulong na ibinibigay sa maralita ang suporta at katapatan nito sa opisyal na nagpamahagi ng “tulong,” kasabay nito ang patuloy na pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal na ugat ng kahirapan at dahilan ng pangangailangan sa ayuda.
Kapos, kakaunti, huli na
May iba’t ibang uri ng ayuda. Pinangangasiwaan ito ng kanya-kanyang Executive department na naaayon sa kanilang mandato. Katulad ng Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (Tupad) ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Medical Assistance for Indigents and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health (DOH).
Bilang pangunahing ahensyang nakatalaga sa kagalingan at kaunlaran ng lipunan, pinamumunuan ng DSWD ang higit 19 na programang nakalaan sa agarang pagbibigay ng ayuda sa panahon ng krisis at pagsugpo sa kahirapan. Ipinamamahagi ito sa pamamagitan ng pera, relief goods, programa at conditional aid.
“[Sa DSWD], may crisis intervention unit ka, ‘yan ang laging pinipilahan; ito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS). May social protection programs [din], so may 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program] ka, tapos may Sustainable Livelihood Program (SLP), tsaka may KALAHI-CIDSS,” sabi ng aktibista, dating propesor sa University of the Philippines (UP) at dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo sa panayam ng Ibon Foundation.
Bago mapakinabangan ng mga benepisyaryo ang nasabing mga programa, dadaan muna sila sa mahabang proseso.
Ayon kay Taguiwalo, nagsisimula ang proseso sa isang batas na paghahalawan ng mga alintuntunin, saklaw at pamantayan ng mga magiging benepisyaryo. Matapos matukoy, magsusumite ng listahan ang mga politiko ng mga kuwalipikadong indibidwal. Saka lang magsisimula ang pamamahagi sa mga komunidad kapag natanggap na ng ahensiya ang mga relief (bigas, delata, at iba pa, para sa family food packs).
“Sa UP, sanay naman kami mag-relief [operations]. It takes us two to three weeks to produce 500 family food packs. Pero sa DSWD, because it has the budget, personnel, transportation and relief hubs donated by Australia, in one day, kaya niyang mag-produce ng 50,000 family food packs; at kaya mong ma-distribute [agad] ‘yan,” ani Taguiwalo.
Sa kabila ng kakayahan ng DSWD na mamahagi ng tulong pinansiyal sa buong bansa, marami pa ring Pilipino ang hirap makatanggap ng ayuda.
Ikinukulong ng burukrasya ang maraming Pilipino sa mahabang pila, mahigpit na mga rekisito, at sa ilang pagkakataon, kinakailangan pa ng akses sa internet upang matanggap ng ayuda.
Ang kahulugan nito sa ilan ay pagsasakripisyo sa isang araw na kita (o ang pagkakataong kitain ito), na nananatiling P512, kulang ng P790 sa tinatayang family living wage (FLW) ng Ibon Foundation na P1,302 kada araw sa pamilyang may limang miyembro. Ngunit sa nakararami higit pa ang sinasakripisyo nila—ang kanilang dignidad.
“Sinubukan naming kumustahain yung mga 4Ps beneficiaries, so pumunta talaga ako sa Mindanao [at Bicol], nakipag-interview ako. Essentially, happy sila kasi may dagdag pera sila, na otherwise, hindi nila makikita,” pag-aalala ni Taguiwalo sa pakikipag-usap niya sa isang benepisyaryo.
“Although, ang sinasabi nila, nahihiya sila sa mga kapitbahay nila na hindi nakaka-receive ng ayuda. May ibang nagsasabi, ‘Ang gusto namin, actually, trabaho kesa makatanggap ng ayuda,’” dagdag niya.
Noong 2008, binuo at pinondohan ng World Bank ang 4Ps, kung saan nakakiling ang depinisyon ng “pag-unlad” sa neoliberal na pananaw. Dito, puhunan ang tingin sa lakas-paggawa ng mga mamamayan, na hinuhubog upang maging kapaki-pakinabang sa pandaigdigang kompetisyon. Tinutulak ng konseptong ito ang pagsandig sa mga trabahong nakatuon sa pangingibang-bansa at business process outsourcing (BPO).
Maging ang ibang programang pangkabuhayan, katulad ng SLP at Tupad ay mga pansamantalang solusyon sa lumalalang bilang ng mga Pilipinong walang hanapbuhay.
Sa programa ng DOLE na Tupad, 10 hanggang 30 araw ng trabaho lang ang ibinibigay nito sa 13,000 benepisaryo, o 0.5% ng 2.59 milyong Pilipino na walang trabaho noong Hunyo 2026. Malinaw na nanatiling makitid ang saklaw ng mga programang layuning tugunan ang kahirapan.
Patuloy rin ang masalimuot na karanasan ng mga benepisyaryo sa usapin ng pagtugon sa iba’t ibang krisis.
“Noong [naging secretary ako noong] 2016, ang papel ko ay ma-ensure yung mga Ondoy at Yolanda backlogs sa calamities. Halimbawa, sa Yolanda, marami pang emergency shelter na hindi inayos. And supposedly, kahit nasira [nang] buo ang bahay mo, you only receive P15,000 to P30,000. Emergency shelter assistance ‘yan ha, but it takes years!” galit na saad ni Taguiwalo.
Nasa 450,000 indibidwal ang napilitang iwan ang kanilang mga tahanan dahil sa Bagyong Ondoy, habang 4 milyong indibidwal ang napilitang lumikas at 1.1 milyong kabahayan ang nasari dahil sa Super Typhoon Yolanda. Tumama ang Ondoy sa Pilipinas taong 2009, 2013 naman ang Yolanda; pito at tatlong taon bago magsilbing kalihim ng DSWD si Taguiwalo.
Sa gitna ng pandaigdigang krisis sa langis, binuo ng administrasyong Marcos Jr. and Unified Package for LIvelihood, Industry, Food, and Transportation (Uplift), layunin nitong pag-isahin at pabilisin ang pamamahagi ng ayuda. Ngunit, mula Marso, nagtala lang ang programa ng 2.7 milyong benepisyaryo, o ayon sa Ibon, 13% ng 21 milyong pamilyang apektado ng tumataas na pang-araw-araw ng gastusin.
Maging sa gitna ng krisis at matitinding kalamidad, walang tunay at agarang ginhawang ibinibigay ang mabagal na tugon ng pamahalaan, na nag-iiwan sa milyon-milyong Pilipinong nangangapa sa dilim.
Administratibong hangganan at eksklusyon
Kasama ang mga social worker sa unang hanay ng mga rumeresponde sa panahon ng krisis at mga programang nakalaan sa kagalingan at kaunlaran ng lipunan. Subalit, sa kabila ng kanilang mahalagang papel sa lipunan, nanatiling kapos ang natatanggap na suporta at pinansyal na tulong ng mga manggagawa.
“May personnel problem ‘din [ang DSWD]. Halimbawa, sa 4Ps, we’re talking of 4 million beneficiaries noong panahon ko. Ang isang municipal link [social worker], ang caseload niya would be 200 families. Hindi na siya makakagawa ng casework, so iikot na lang siya to follow up [on beneficiaries of 4Ps],” pagbibigay diin ni Taguiwalo sa labis na pasanin ng mga social worker sa Pilipinas.
Ayon kay Taguiwalo, noong 2016 mayroong nasa 30,000 tauhan ang DSWD sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay kontraktuwal, habang nasa 10% o 3,000 kawani lang ang regular.
Sampung taon ang nakalipas, dumoble ang hawak ng mga kaugnay na munisipalidad ng 4Ps, 400 benepisyaryo bawat isa. Sumabay pa ang patuloy na pagharap nila sa kawalan ng plantilla position o regular na posisyon sa kabila ng matagal na serbisyo sa kagawaran.
“Hindi mo mamaliitin yung dedication [ng DSWD staff] sa trabaho. Maraming social workers doon sa Region X o XII, fasting sila, pero tuloy ang trabaho. Ganoon din sa Kalinga at Tuguegarao. May iba sa kanila, binagyo din ang pamilya, pero nandoon sila sa field, tuloy pa rin ang trabaho,” ani Taguiwalo.
Sa opisina man o sa komunidad, ang mga social worker ang sumasalo sa mga residenteng dismayado sa pagpili at pagtukoy sa mga benepisyaryo.
“Ang isa pang problem would be inclusion/exclusion. Dahil hindi siya [targeting system] universal, may mga na-e-exclude na qualified naman, tapos may mga in-i-include na hindi qualified, pero malapit sa kusina,” paliwanag ni Taguiwalo.
“Dahil targeted, selective ang mga ginagawang listahan. Kaya hinahabol [ng mga tao] ‘yong mga social workers [at tinatanong], ‘Bakit kami wala, bakit sila meron?’ Ganiyan kapag targeted, may exclusion na nakaka-divide ng communities.”
Parehong danas ng mga benepisyaryo at kawani ng DSWD ang sistematikong inhustisya na direktang nakakaapekto sa operasyon ng ahensiya. Sa kabila ng maraming bilang ng mga nabuong alituntunin, proteksyon at batas, nilantad ni Taguiwalo na ang ugat ng problema sa mga programa katulad ng ayuda ay ang malalim na sistema ng padrino sa bansa.
Palakasan sa politika at korupsyon
Sa sistema ng ayuda, natuklasan ni Taguiwalo, na nakaugat ang korupsiyon at padrino sa proseso ng pagtukoy sa mga benepisyaryo, pagtanggap at pamamahagi ng ayuda sa iba’t ibang antas ng gobyerno.
Inilantad ng dating kalihim ang hindi pamimigay ng family food packs ng isang gobernador sa hilagang Luzon sa isang munisipalidad dahil lang taliwas ang alkalde sa kinabibilang paksiyon ng gobernador. At nangyayari ito sa gitna ng libo-libong pamilyang kasalukuyang dumaranas ng sakunan at nangangailangan ng tulong.
“Sa Bicol naman, barangay level. Kinukuwento naman doon na pinapalinis niya ‘yong bahay niya, pero ang pambayad niya doon ay family food packs. [Inuwi niya] doon sa bahay niya, inari niya na.”
Mauuwi sa malawakang korupsiyon sa pambansang antas ang patuloy na pag-atas sa pamahalaang lokal na tugunan ang bawat krisis na kakaharapin ng isang komunidad. Sa 2027 National Expenditure Program, natanggap ng Social Protection and Welfare Employment ang 4.5% ng panukalang badyet nito, mababa ng 0.7% noong 2025 at pinakamababa mula noong 2010.
Naglaan ang administrasyong Marcos Jr. ng P241.6 bilyon sa DSWD, kapos ng halos P30 bilyon sa naunang pinanukalang budget na P270 bilyon. Samantala, mayroon pang P112 bilyon pondo sa susunod na taon na maaaring pagmulan ng padrino at korupsiyon bilang paghahanda sa paparating na pambansang halalan sa 2028.
Nakakapagtaka pa na sa kabila ng pababang bilang ng mga aktibong benepisyaryo ng 4Ps, patuloy ang kagawaran sa pagpapanukala ng P100 bilyong budget para sa programa.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mayroong 4.4 milyong aktibong benepisyaryo ang programa noong 2023. Nabawasan ito ng 400,000 at bumaba sa 4 milyon noong 2024. Hanggang muli pang lumiit ang bilang sa 3 milyon nitong 2025 hanggang 2026.
“Ang explanation [ng gobyerno], nag-increase [daw] ang amount ng assistance. But definitely, sa karanasan namin, at kung bakit ako naligwak, nalaman natin na may cuts [ang Kongreso] diyan e,” paliwanag ni Taguiwalo sa hindi tugmang bilang ng aktibong benepisyaryo at inilaang badyet.
Ginagamit ang mga nakukulimbat na porsiyento rito sa pagpapanatili ng sistemang padrino, na nagluluwal sa henerasyong patuloy na tatanaw ng utang na loob sa mga politiko.
Dahil dito, may busal ang bibig at magpahanggang ngayon naghihintay ng ayuda ang milyong-milyong Pilipino dahil sa kawalan ng pinakabago at mapagkakatiwalaang datos hinggil sa opisyal na poverty and food threshold na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mamamayan.
Ngayong buwan din, ibinida ng Department of Economy, Planning and Development at Philippine Statistics Authority ang mas mababang porsiyento ng mga pamilyang mahihirap; mula 13.2% noong 2021, 10.9% noong 2023, bumababa ito ng 6.4% o 1.9 milyong pamilya nitong 2025.
Taliwas ito sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS), naitala ang 52% annual average ng self-rated poverty noong 2025, na napanatili sa humigit-kumulang 49% nitong Hunyo 2026.
Resulta ng malaking agwat sa official poverty incidence na 6.4% at SWS self-rated poverty ang mababang poverty threshold ng gobyerno kada pamilyang may arawang-kita na P481.
Patunay ito ng pagsasawalang bahala ng gobyerno sa tunay na danas ng milyong-milyong Pilipinong mahihirap. Ang sadyang pagpapababa sa bilang ng mga mahihirap ang ginagamit na dahilan upang baratin ang pondo sa social protection programs, at mailaan ito sa pansariling interes ng mga politiko.
Ayuda bilang pasipikasyon
Sandata ng mga dinastiyang politikal, politiko at opisyales ng gobyerno ang ayuda. Sapat lang upang pansamantalang matugunan ang hinaing ng mamamayan, ngunit hindi sapat upang kuwestyunin ang huwad na sistema ng programa, maging hamunin ang lantarang pagsandig sa interes ng mga korporasyon, merkado at kita, kaysa sa kapakanan ng mamamayan. Busal ang ayuda sa mga taong tumitindig laban sa neoliberalismo.
“Ang sinasabi, ang 4Ps ang magsi-shift ng initial poverty-related laziness to development of human capital in terms of education and health. Pero ang 4Ps rin ang nag-create ng institutionalized pacification for neoliberal shocks,” ani Taguiwalo.
“Ang frame ng gobyerno is global competitiveness for neoliberal foreign investments; dependent ka sa remittances and call centers. Nagde-depend ka sa global market sa halip na madevelop mo ‘yong domestic economy mo first and foremost, [including] food security, manufacturing and industrialization that will serve the needs of the people,” diin niya.
Malinaw na bahagi ng neoliberal na mga polisiya ang ayuda. Sa halip na tugunan ang ugat ng kahirapan, puro patikim lang ng kaginhawa ang alok nito, na nagtutulak sa mga Pilipinong patuloy na dumepende sa sistema ng padrino na pinaghaharian ang pandayuhang interes kaysa kapakanan ng mamamayan.
Ang tunay na pangkalinga sa pangangailangan ng mamamayan ay hindi magmumula sa mga neoliberal na patakaran at palakasan sa politika, kundi sa planong pag-unlad sa pambansang antas na nakasentro sa pangangailangan at kapasidad ng mga Pilipino.
Sa bansang matindi ang kahirapan at mabagal ang pag-unlad mananatili ang mga programa tulad ng ayuda.
Subalit sa ilalim ng neoliberalismo, habang patuloy na umiiral ang mga polisiyang nagluwal sa kahirapan, minsanang pamamahagi ng ayuda ang sagot ng gobyerno. Tiyak at agarang solusyon man ang ayuda, hindi ito ang sagot sa pagbabago. /Unang inilathala ng Ibon Foundation. Salin ni Abielle Viktoria Dig.