Editoryal FEATURED

Pagluluwag o pagpapabaya?


Wala ng pera. Laging sinasabi ni Duterte. Pero ang totoo, may trilyones na badyet ang gobyerno. Nabaon na nga tayo sa mahigit P11 trilyong utang. Pero imbes na gamitin sa pandemya, ang pondo ng bayan, ibinulsa pa!

Hindi natatalo ang rehimeng Duterte sa laban sa pandemya. Paano nga naman matatalo kung hindi naman talaga ito nilalabanan?

Ang moda, bahala na tayong mga Pilipino sa sarili nating kaligtasan. Basta si Duterte at kanyang mga alipores, tuloy lang sa pagnanakaw, panunupil at pagtiyak na manatili sa poder lampas 2022.

Ibinalik na sa General Community Quarantine ang Metro Manila at marami pang rehiyon. Inalis na rin ang mga restriksiyon sa pagpasok ng mga naglalakbay mula sa 10 bansa kabilang ang India at UAE para sa turismo.

Samantala, tatlong araw nang sunud-sunod na pumalo sa mahigit 20,000 ang mga bagong naitatalang kaso ng Covid-19 sa bansa. Nasa 15 milyong Pilipino pa lang, mula sa 70 milyong target bago matapos ang taon, ang nakakakumpleto ng bakuna. Napakababa pa rin ng antas ng Covid-19 testing sa bansa. Full capacity na ang kalakhan ng mga ospital at marami ang namamatay, mula sa Covid-19 at iba pang sakit, na hindi man lang maipasok sa ospital.

Ngayon, nagmamadali ang gobyerno na buhayin ang ekonomiya pero papatayin naman ang mga Pilipino. Bubuksan ang mga negosyo at industriya, pero hindi naman tinitiyak ang mabilis at mas maramihang pagbabakuna para sa ligtas na pagbalik-trabaho ng mga manggagawa.

Dahil lang ayaw na magbigay ng ayuda, hahayaan na lang mga Pilipino na kanya-kanyang dumiskarte ng kikitain at makakain kahit may banta ng malawakan at mas mabilis na hawaan.

Saan pupunta ang mga magkakasakit kung puno na ang mga ospital? Ang pondo para sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, kinubra na.

Hindi na rin tiyak kung hanggang saan kakayanin ng mga frontline health workers ang mas matinding bugso ng kaso ng Covid-19. Hindi na nga naglaan ng pondo para makapag-empleyo ng mas maraming health workers, nanganganib pang mabawasan ang mga ito dahil sa sobrang pagod at banta ng mass resignation.

Wala ng pera. Laging sinasabi ni Duterte. Pero ang totoo, may trilyones na badyet ang gobyerno. Nabaon na nga tayo sa mahigit P11 Trilyong utang. Pero imbes na gamitin sa pandemya, ang pondo ng bayan, ibinulsa pa! Kasuklam-suklam na sa harap ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga Pilipino ay nalalantad ang malawakang pandarambong ng gobyerno sa pondo para sa pandemya.

May mahigit P5-T pondo sa panukalang badyet para sa 2022. Pero mas malaki pa ang podong inilaan para sa NTF-Elcac, sa imprastraktura at bayad-utang kaysa sa pagtugon sa pandemya. Kinaltasan pa nga ang pondo para sa mga testing at genome centers, pagpapatayo ng ospital at pasilidad sa isolation, at para sa ayuda.

Kasabay ng pagdami ng kaso ng Covid-19, sunud-sunod ding humarap sa publiko (sa telebisyon, madalas sa hating gabi) si Duterte. May iniharap ba siyang solusyon sa paglala ng hawaan? Wala. Ang sinosolusyunan niya lang ay kung paano isasalba ang kanyang sarili at mga alipores mula sa pagkalantad ng garapal na pagnanakaw sa kabang bayan.