FEATURED

Tinitimbang muna ang tulong


Naghihigpit ng sinturon ang mga Pilipino habang pinaplano pa lang ng gobyerno ang posibleng tulong pinansyal sa masa.

Nang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na masyadong mababa ang P200 na ayuda kada buwan na planong ibigay ng gobyerno sa mga pamilyang nasa 50 porsiyento ng pinakamahirap sa buong bansa, wala siyang bitbit na datos para ipagtibay na sapat ang panukala niya na P500.

Sa mga mangingisda, dahil sa tumaas na presyo ng diesel, nadagdagan ng halos P200 ang gastos tuwing pumapalaot sila, sabi ni Bobby Roldan tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Central Luzon. Kung tatlong beses sa isang linggo papalaot ang mangingisda, dagdag P600 na ang gastos kumpara sa nakaraang buwan.

Biro pa ni Pangulong Duterte sa video na pinalabas gabi ng Marso 21, sinabihan niya si Finance Secretary Carlos Dominguez III na bahala na ang susunod na administrasyon kung sakaling maubos ang kaban ng bayan sa P500 na ayuda.

Pangamba rin para sa kaban ng bayan ang dahilan kaya nirekomenda ni Sec. Dominguez sa pangulo na ituloy ang pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo, sa kabila ng panawagan ng ilang organisasyong pangmasa na pansamantala itong itigil.

Ayon kay Sec. Dominguez, mababawasan ng P105.9 bilyon ang kikitain ng gobyerno mula sa buwis ngayong 2022 kung isususpinde ang excise tax sa produktong petrolyo. Dagdag pa, mayayaman lang raw na may mga kotse ang magbebenepisyo sa panukala.

/Jobelle Adan

“Ang nasa 50 porsiyento ng pinakamahirap, tanging 13 porsiyento lang ng gasolina ang kinokonsumo,” sabi niya. Kaya naman ang subsidy na raw kada buwan ang mas direktang tulong sa masa. Ito, sabi niya, ang afford o makakayanan ng gobyerno.

“Unawain po natin na hindi lahat ay mabibigyan. Uunahin po natin ang pinakabulnerableng sektor, sabi ni Presidential Spokesperson Martin Andanar. At sa Department of Budget and Management na manggagaling ang alituntunin para sa pamamahagi ng ayuda.

Habang nagkukuwenta (at nagbibiro) pa ang gobyerno, tuloy naman sa pagpanawagan ang mga mamamayan.

Protesta ng masa

Mula sa baybayin ng Laguna de Bay hanggang sa mga lansangan ng Bacolod, ikinakasa ng iba’t ibang sektor ang mga kilos-protesta na nagdidiin sa limitasyon ng kanilang kabuhayan – tigil-palaot para sa mga mangingisda at tigil-pasada naman sa mga tsuper. Ang pinagkakakitaan nila, direktang apektado sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa Pamalakaya, aabot sa 40 na miyembro ng grupo na nangingisda sa Laguna de Bay ang nagpatigil muna ng makina ng bangka noong Marso 15, bilang simbolo na nalulugi na sila sa kanilang kabuhayan at baka mapilitang tumigil sa pangingisda nang tuluyan. Sa kasalukuyan, anila, 80 porsiyento na buong fishing production cost ang napupunta na sa gasolina.

“Untat biyahe,” naman ang anunsyo sa poster ng mga tsuper biyaheng Negros Consumers Watch, Stand Up – Bacolod, kasama ng listahan nila ng mga panawagan nila para sa tigil-pasada nitong Marso 21 at 22. Bilang bahagi ng Western Visayas, posible sa ilang industriya sa Bacolod ang magbigay ng minimum wage na nasa P310 o kaya P315, isa sa pinakamababa sa bansa.

Ilan sa hiling ng mga tsuper sa Bacolod: pagsuspinde sa value added tax sa mga produktong petrolyo, pansamantalang pagtanggal sa excise tax, agarang ayuda sa mga tsuper at operator. 

Sa protesta sa Moriones, Tondo noong Marso 18, sabi ni Mody Floranda, pambansang tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), “ginagawa tayong pulubi, ginagawa tayong mahirap na mga Pilipino dahil ang binibigay na ayuda, hindi sumasapat.”

Kaya bahagi na rin ng panawagan ngayon ng mga tsuper ang pagtaas sa minimum jeepney fare, dahil nalulugi na sila sa presyo ng gasolina.

/Jobelle Adan

Dagdag ng Pamalakaya, kahit pa magkaroon ng rollback, hindi nito agad mababawi ang patong-patong na gastusin matapos ang halos tatlong buwan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, at bilang resulta, mga iba pang produkto sa merkado. Kaya pagsuspinde sa buwis, at dagdag-sahod talaga ang makakatulong sa sitwasyon ng maraming sektor, sabi nila.

Ngunit ang pagtaas ng sahod, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, kasama ng panawagan na taasan ang minimum jeepney fare ay magpapatindi lang lalo sa inflation at makakadagdag pa sa pagmamahal ng bilihin at serbisyo.

Si Labor Secretary Silvestre Bello III naman, ang gustong isaalang-alang ay ang kakayanan ng mga employer. “Medyo maliit na yung P537 dito sa Metro Manila. Pero ang pinakamahalagang i-consider natin ay kaya ba ng mga employer,” sabi niyo noong bungad pa lang ng Marso.

Manggagawa naman

Pero giniit na ni Charlito Arevalo, tagapagsalita ng Unity for Wage Increase, at ni Ecumenical Institute for Labor Education and Research executive director Rochelle Porras na posible naman bigyang pansin ang panawagan ng mga manggagawa nang hindi pinagbabangga sa kakayanan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ayon kay Porras, makikita naman na ang “MSMEs nahihirapan dahil sa taas ng bayarin sa utilities, walang suporta [mula sa gobyerno].” Kaya maging ang MSMEs kailangan ng suportang pinansyal mula sa gobyerno.

“Yung malalaking kompanya naman, ayaw tapyasan ang hinahakot na kita [superprofit],” sabi ni Porras. Kaya bukod sa pag-oobliga sa malalaking kompanya na bayaran nang sapat ang manggagawa, panukala rin nila na ibaling ang diin sa pagbubuwis sa mga mayayaman nang korporasyon.

Base sa pinakahuling datos ng World Bank, manggagawang Pilipino ang may isa sa pinakamababang gross minimum wage kada buwan kung susuriin ang purchasing power parity (kakayahang bumili ng ilang takdang produkto), sa buong Timog Silangang Asya.

Higit sa sampung beses mas mataas ang estimate na monthly gross minimum wage ng Indonesia (284 dolyar) kumpara sa Pilipinas (27 dolyar).

“Tingin po namin, ang mga manggagawa parang unti-unti nang pinapatay,” sabi ni Arevalo, lalo na’t sa bawat usapin ng pagtimbang sa kanilang minimum wage, laging may ibang gustong pagtuunan ng pansin ang gobyerno.

Ayon kay Labor Department Assistant Secretary Dominique Tutay, maglalabas ng desisyon ukol sa sahod ang ahensya ngayong Abril, pagkatapos pag-aralan ng mga regional wage board ang posibleng pagtaas ng sahod, dahil sa naging epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang bilihin.

/Jobelle Adan

Sa ngayon, tuloy ang administrasyong Duterte sa pagtulak ng mga panukala na tingin nito makakatulong sa kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas. Kasama na dito ang pagpirma ng pangulo noong Marso 21 sa mga amyenda sa Public Service Act.

Nilinaw ng amyenda ang hangganan ng depenisyon ng “public utility.” Ayon sa Saligang Batas, ang dayuhang pagmamay-ari sa mga public utility ay hindi dapat lalagpas sa 40 porsiyento.

Sa amyenda, hinihiwalay na ang “public utility” tulad ng water distribution at electricity transmission, sa tinatawag na “public service” tulad ng telecommunications at railways systems. Dahil dito, bibigyang laya na ang mga dayuhan na 100 porsiyento ipagmay-ari ang industriya na pasok sa public service.

Ayon kay Pangulong Duterte, hakbang ito para lalong umasenso ang bansa dahil lilikha ito ng mas maraming trabaho at magpapaganda ng kompetisyon sa mga serbisyo.

Tinutulan ito noon ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, Marso 2020 pa lang. Sabi niya “Sa halip na sagad na dayuhang pagmamay-ari, subsidyo, pagsasabansa at direktang regulasyon ng gobyerno ang solusyon sa sinasabing mga problema sa pampublikong serbisyo.”

Ang tanong ngayon: gaano kabisa ang tulong na ito sa ekonomiya at mga mamamayan? Ito ang kailangang bantayan ng mga Pilipino, at ng susunod na administrasyon na magmamana sa mga pinipirmahang panukala. #