FEATURED

Ang kailangan matutunan ng gobyerno


Ngayong nagsisimula na ang eskuwela, nais ng mga guro at estudyante na simulan na ring tugunan ng administrasyon ang kanilang mga hinaing.

Higit isang taon na nang biglang gawing online ang pag-aaral. Nagsara ang libu-libong paaralan para makaiwas sa hawaan ng coronavirus disease-2019 (Covid-19). Ang mga library at computer shop na katuwang sa pag-aaral, nagsara rin.

Ikalawang taon noon ni Jonette Manalo bilang estudyante ng pamamahayag sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at cellphone lang ang gadget niya.

“Nung physical classes kasi, may mga friends ako na nahihiraman ng laptop,” sabi ni Manalo. Sa Davao, wala siyang malapitan. Kaya isang buong semestre, cellphone ang gamit niya para sa online classes at sa pagpasa ng requirements.

Sunod na semestre na niya natanggap ang kanyang gadget grant mula sa unibersidad. Nakatanggap rin siya ng tulong mula sa mga organisasyon ng mga estudyante na may proyektong mabigyan ng pang-load ng cellphone at gadget ang ibang estudyante.

Pero dahil mabilis nakakaubos ng load ang pagdalo sa online classes at iba pang gawain online, kapos pa rin ang pinansiyal na tulong ng unibersidad.

“Rumaraket po ako para [kumita],” sabi ni Manalo, para sa load at para na rin suportahan ang kanyang pamilya. Pinasok niya mula pagsulat para sa iba, pagkuha ng freelance na trabaho, hanggang sa pag-aalok ng tutorial services para sa elementarya at hayskul.

Ganitong kuwento ng pagpupursigi ng mga estudyante ngayong may pandemya ang tinatangi sa social media: may delivery man na tatabi saglit sa kalsada para makapasok sa online class, may nag-aaral sa restawran habang break sa shift.

Ganito ang mga karanasang gustong solusyonan ng mga organisasyong pangka-bataan tulad ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

.

Kapos ang suporta

Sa diyalogo nila sa Commission on Higher Education (CHED), sinabi ni NUSP Campaigns and Advocacies Head Coleen Mañibo na may sapat silang datos na nagsasabing kagyat na pangangailangan ng mga estudyante ang pinansiyal na suporta.

“Nakatanggap kami ng mga report mula sa iba’t ibang eskuwela at rehiyon. Malaki ang ginagastos ng mga mag-aaral para sa internet load at mga gadget,” ani Mañibo. Kahit pa modular yan, kailangan ng internet sa pananaliksik, dagdag niya.

Para pag-isahin ang panawagan sa ligtas na balik-eskuwela, binuo ng mga estudyante, guro, magulang, at iba pa ang Student Aid Network (SAN). Kasama sa network ang Kabataan Party-list na nangunguna sa pagsulat ng mga panukala na tugon sa krisis sa edukasyon.

Inihapag na ng Kabataan Party-list sa Kamara ang House Bill (HB) 9494 o Emergency Student Aid and Relief Bill na naglalayong mabigyan ang mga estudyante, kabataang kinailangang mag-dropout, at mga nag-aaral sa Alternative Learning Schools ng P10,000 para sa pag-aaral sa ilalim ng pandemya.

Nilalayon rin ng HB 9494 na lagyan ng moratorium ang interes sa loan ng mga estudyante at iba pang bayarin sa pampribadong mga paaralan.

“Mula sa mga konsultasyon ay balak ding bumuo ng bagong panukalang batas na nais magbigay ng institutional aid para sa mga paaralan,” sabi ng Kabataan. Para raw ito sa kakailanganing mga gastusin para sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes.

Ayon sa NUSP, kapos na kapos ang mga plano ng administrasyong Duterte para ilatag ang ligtas na pagbabalik sa mga klasrum.

“Lubos na nakakainsulto ito para sa kabataan na sinuong ang lahat ng pasakit at pagdurusa dahil sa palpak at pahirap na distance learning,” sabi ni Mañibo.

“Para na rin sa mga kaguruan na binalikat ang mabibigat na gastusin sa kabila ng kawalan ng pagtaas ng sahod at subsidyo at sa mga staff na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga paaralan,” dagdag niya.

.

‘Guro, hindi makina’

Sa paglulunsad ng National Teachers’ Month ng Quezon City Public School Teachers noong Setyembre 4, kasama sa pagdiriwang ng kadalikaan ng pagtuturo ang panawagan para sa nakabubuhay na trabaho.

“Ano ang kabuluhan ng World Teachers’ Month kung hindi naman tinutugunan ang ating pangangailangan?” sabi ni Maria Imelda Paddayuman, guro sa Toro Hills Elementary School.

Ayon sa mga gurong nakilahok sa programa, hindi pa sila nababayaran para sa overtime. At imbis na ibigay ng hinihinging P1,500 na internet allowance, SIM card lang ang ipinadala sa kanila.

“Bayani raw kung ituring, kulang-kulang naman sa pansin. Mga benepisyo, bibitin, allowance nasa hangin, minsan hulugan kung dumating,” sabi ni Benjamin dela Cruz ng Novaliches High School, sa tula na ibinahagi niya sa programa.

Ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro, bukod sa pag-abono ng kaguruan sa gastusin sa klase, “kulang ang sweldo kaya lubog sa utang ang mga guro natin.”

Siyam sa kada sampung guro raw ay walang sapat na pondo para sa lahat ng gastusin sa pagtuturo at pang-araw-araw na buhay.

Nakakuha naman ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng kopya ng Department of Education (DepEd) Region V Division Memorandum No. 0195 s. 2021 na nagsasabing dapat simulan na mismo ng mga paaralan ang pag-imprenta ng Alternative Delivery Mode Self-Learning Modules para sa bagong school year dahil posible ang delay sa SMILE Learners’ Packets.

“Parang bangungot na nauulit ang kalbaryo ng mga guro noong nakaraang taon,” sabi ni Raymond Basilio, pangkalahatang kalihim ng ACT. “Taon-taon na lang ba na laging si titser ang taya sa paggastos at pagsalba sa kapalpakan ng gobyernong ito?”

Pero ang higit na ikinabahala ng ACT sa nilalaman ng memo ang sinabing may isang module kada dalawang estudyante. Ibigsabihin nito, maghahati ang mga mag-aaral at kapos ang solusyon ng DepEd, sabi ng organisasyon.

“Determinadong makapag-aral ang mga estudyante. Kung walang konkretong solusyon na nakabatay sa danas, paano masisigurado ng gobyerno na mapoprotektahan nito ang karapatan sa ligtas, dekalidad at abot-kayang edukasyon?” ani Basilio.

Ligtas na pag-aaral

Makailang ulit na pinasa ng ACT ang rekomendasyon nila sa DepEd para sa ligtas, limitado, at boluntaryong pagbabalik sa mga paaralan.

Kasama sa panukalang plano ang assessment ng mga paaralan na nakabatay sa siyensiya, paglagay ng pasilidad para sa kalusugan at kalinisan, at pagsasaayos ng mga klasrum na batay sa health protocol.

Hindi rin puwedeng mawala ang hiring ng school health personnel, mass testing para sa mga guro at estudyante, at class size na mas maliit at susunod sa health standard, sabi ng ACT. Dapat siguruhin ng DepEd na may nakalaang pondo para sa mga hakbang na ito.

Ayon sa ACT, panahon na rin para aprubahan ni Pangulong Duterte ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at panimulang face-to-face classes ng 120 paaralan na nilista ng Department of Health.

“Pagod na kaming madinig ang palusot ni Duterte na pinoprotektahan niya ang mga estudyante kaya ikakandado lang ang mga paaralan,” sabi ni Basilio.

Tanong ng kabataan at mga guro, kung uulitin lang rin ang kuwento ng nagdaang school year, paano aasa ang gobyerno sa mas magandang resulta mula sa sektor?