Editoryal

Pagdepensa sa korupsiyon


Wala sa hulog ang pagbuwelta ni Pangulong Duterte sa COA dahil may mandato ng huli – ginagarantyahan ng Saligang Batas – ang paglalabas ng mga ulat sa pag-audit sa mga ahensiya ng gobyerno.

credits: Cartoonist Zach

Usap-usapan kamakailan ang taunang mga audit report ng Commission on Audit (COA) para sa 2020.

Sa naturang mga audit report, pinakakontrobersiyal ang nakitang pagkukulang ng Department of Health (DOH) sa pamamahala sa P67.32 Bilyong pondo nito para labanan ang pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19). COA na din mismo ang nagsabi na dagdag na paktor ang naturang “kakulangan” ng kagawaran sa kalusugan sa mga pagsubok na hinarap ng bansa sa ilalim ng pandemya.

Wala sa hulog ang pagbuwelta ni Pangulong Duterte sa COA dahil may mandato ng huli – ginagarantyahan ng Saligang Batas – ang paglalabas ng mga ulat sa pag-audit sa mga ahensiya ng gobyerno. Mali ang pagpapatigil ng Pangulo na isapubliko ang mga audit report ng COA dahil bahagi ito ng transparency. Tamang hinala lang siya at ang Palasyo na nababahiran ang mga ahensiya ng “corruption by perception.”

Kung makapagsalita naman ang Pangulo ay tila wala nang dapat pagdudahan sa kung paano ginagastos ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang pondo – na para bang walang nang-yayaring anomalya at korupsiyon, at maayos na ang lahat sa ilalim ng kanyang administrasyon. O umaatungal lang ba ang Pangulo at Palasyo laban sa mga audit reports dahil sangkot ang kaalyado nito?

Mabilis na sumaklolo ang Pangulo kay Health Sec. Francisco Duque III. Sa makailang-ulit na pagkakataon, kahit malinaw na ang pagkakasangkot ni Duque sa mga anomalya at kontrobersiya, isinalba ito ng Pangulo.

Kahit pa ito ang ikakabagsak ng Pangulo, titindigan niya pa rin si Duque.

Kunsabagay, naging gawi na ng Pangulo ang pagtatanggol at pag-absuwelto sa mga kaalyado sa kabila nang litaw na litaw ang kanilang pagkakasala at balewalain ang pananagutan bilang mga pampublikong mga opisyal.

Malaking usaping pampub-liko ang ibinulatlat ng COA audit report sa DOH. Karugtong ito ng kritisismo at galit ng mga mamamayan sa kapalpakan ni Duque at ng administrasyong Duterte sa pagtugon sa pandemya at ang hindi pagtupad sa kanyang mga “pangako” matapos ng limang taong pamumuno.

Anuman ang kanilang gawin, ang namumuong galit na ito ay hindi maampat ng Pangulo at Palasyo.