Militaristang Covid-19 lockdown


Gabi bago ang lockdown noong Mar. 15, 2020, nakapagtala na ng 100 kaso at mas marami pa ang inaasahang nagkasakit na.

Hindi makalilimutan ng mga Pilipino ang pagpataw ng gobyernong Duterte ng lockdown sa buong bansa noong Mar. 15, 2020, Linggo, limang taon na ang nakalilipas, dahil sa pandemyang Covid-19.

Bumaha ang pulis at sundalo sa kalsada, dumagsa ang mga pasahero sa mga istasyon ng bus, pantalan at paliparan. Litong-lito ang gobyerno sa kung ano ang gagawin habang nagkakandarapa ang mamamayan kung paano maiiwasang magkasakit. 

Naiwan ding naghuhula ang mga manggagawang pangkalusugan at mga ospital kung ano ang plano ng pamahalaan. Sila ang unang sasalag sa pagdagsa ng mga pasyente at paglobo ng bilang ng mga kaso ng Covid-19. Ibig sabihin nakataya ang kanilang mga buhay nang walang malinaw na gabay mula sa pamahalaan. 

Gabi bago ang lockdown, nakapagtala na ng 100 kaso at mas marami pa ang inaasahang nagkasakit na. Inulan ng batikos ang Department of Health (DOH) dahil sa usad-pagong na aksiyon dahil Peb.1, 2020 ay nakapagtala na ng isang namatay na pasyente, unang pasyente na namatay labas sa Tsina, sa Maynila.

Katiting ang bilang ng Covid-19 test kit, nasa 4,000, ayon sa opisina ng World Health Organization sa Pilipinas. Kaya hindi makapaglunsad ng malawakang contact tracing at mahabol ang mga mamamayang nagkasakit na hindi na makahawa pa.

Nagbayad ng mahal ang bansa dahil sa kapabayaan na ito. Maraming doktor at manggagawang pangkalusugan ang nagbuwis ng buhay habang nagsisilbi sa mga nagkasakit ng Covid-19. Napabayaan ang mahihirap na mamamayan na nawalan ng kabuhayan at trabaho. At inatake ang mga grupo at organisasyong nagtaguyod ng pagkalinga sa pamamagitan ng community pantry sa buong bansa. 

Pagkakataon sana ng pamahalaan na aralin ang mga naging kahinaan sa panahon ng pandemya dahil naibuyangyang ang mga nakatagong problema sa sektor ng kalusugan at serbisyo publiko. Subalit hindi pa ito nangyayari.

Kung mayroon man tayong maaaring mapulot na aral sa pandemya, ito’y pagtutulungan ng kapwa mahihirap at pagbabahagian ng rekurso kahit na said at naghihirap. Ito ang tunay na bayanihan at pakikipagkaisa sa kapwa mamamayan.