Balik-Tanaw

Tatlong paring martir, isang mitsa ng rebolusyon


Nang bitayin sila noong Peb. 17, 1872, inakala ng mga Kastila na napatahimik na ang mga Pilipinong naghahangad ng katarungan at karapatan.

Isang daan at limampu’t apat na taon matapos magbuwis ng buhay ang Gomburza, nananalaytay pa rin ang kanilang kabayanihan at tapang sa modernong panahon. 

Binubuo ang Gomburza ng tatlong paring Pilipino na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora. Si Gomez, ang pinakamatanda sa tatlo ay paring sekular (diyosesano) na nagtatanggol sa karapatan ng mga Pilipino, habang si Burgos ay isang liberal na paring naghahangad ng reporma at nagsusulong ng sekularisasyon ng Simbahan Katolika sa Pilipinas, at si Zamora nama’y matalik na kaibigan ni Burgos ay naging biktima ng maling paratang.

Sila ang mga paring lider ng sekularisasyon na naghahangad na ilipat sa mga Pilipinong pari ang pamumuno ng mga parokya na nasa ilalim ng mga Kastilang relihiyosong pari, tinatawag na mga regular na kura ng simbahan. Dahil sa kanilang pamumuno, inakusahan sila na kabilang sa paghihimagsik sa Cavite ng mga sundalo at obrero noong 1872.

Nang bitayin sila noong Peb. 17, 1872 sa pamamagitan ng garrote vil, inakala ng mga Kastila na napatahimik na nila ang mga Pilipinong naghahangad ng katarungan at karapatan.

Sa pagpanaw ang Gomburza, nagsimulang nagningas ang mitsa ng damdaming makabayan, dahilan para unti-unting mag-alab ang damdamin at mamulat ang mga mata ng Pilipino upang simulan ang rebolusyon laban sa mga mananakop na tatlong siglo na nagpahirap sa bayan at maghangad ng reporma at kalayaan mula sa Espanya.

Sa katunayan, ang “El Filibusterismo,” nobelang isinulat ni Jose Rizal, ay inialay sa tatlong pari upang iukit sa alaala at ipagwalang-kamatayan ang kanilang kagitingan.

Sa kasalukuyan, inaalala ang kanilang sakripisyo at paglilingkod sa bayan tuwing Peb. 17 taon-taon upang patuloy na sariwain ang kanilang kadakilaan.