Maria Orosa, magiting na siyentista ng bayan
Ipinanganak ang bantog na food technologist at bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na si Maria Orosa noong Nob. 29, 1892 sa Taal, Batangas.
Sa gitna ng krisis at matinding pangangailangan, lumilitaw ang kahusayan at kasigasigan. Isa na dito si Maria Orosa, ipinanganak noong Nob. 29, 1892 sa Taal, Batangas, na isang food technologist at pharmaceutical chemist na ginamit ang talino at kaalaman para maglingkod sa bayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nakilala siya sa pag-imbento sa banana ketchup at mahigit 700 resipi ng masusustansiyang pagkain para tugunan ang malnutrisyon at kakulangan sa pagkain sa Pilipinas. Bukod sa mga resipi, nag-imbento rin siya mga pamamaraan para sa pagpreserba ng pagkain tulad ng paglalata at ang palayok oven.
Nag-aral si Orosa sa University of the Philippines sa Maynila nang isang taon bago naging iskolar sa University of Washington sa Estados Unidos. Doon siya nagtapos ng batsilyer at masterado sa pharmaceutical chemistry. Nagtapos din siya ng digri sa food technology sa parehong pamantasan. Tuwing tag-init sa Amerika, nagtrabaho rin siya sa latahan ng isda sa Alaska.
Pagbalik sa Pilipinas noong 1922, nagturo siya ng home economics sa Centro Escolar University bago nagtrabaho sa food preservation sa Bureau of Science.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumapi siya sa mga gerilya at naimbento niya ang mga pagkaing siksik sa sustansiya tulad ng Soyalac (powdered soybean na mayaman sa protina) at Darak (powdered na ipa ng bigas na mayaman sa bitamina) na ipinupuslit sa mga kulungan at ospital at ipinamamahagi sa mga tao sa lansangan na nagsalba sa libo-libong buhay mula sa kagutuman.
Sa kabila ng pakiusap ng mga kaanak at kaibigan na lisanin ang Maynila dahil sa panganib, nanatili siya at nanindigan na hindi iiwan ang kanyang estasyon bilang kawal.
Noong Peb. 13, 1945, binomba ng mga Amerikano sa gusali kung saan siya nagtatrabaho. Nadala pa siya sa ospital ngunit binomba rin ito at tinamaan siya ng shrapnel sa puso na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, ipinangalan sa kanya ang kalye sa Luneta at Malate sa Lungsod ng Maynila.