Hindi mapatatahimik ang diwa ng EDSA
Sa ika-40 taong anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA, nasa Malacañang muli ang mga Marcos na pilit binubura sa alaala ng mamamayan ang lagim ng diktadura.
Apat na dekada makalipas ang makasaysayang pagkakaisa ng mga Pilipino sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) sa Kamaynilaan, patuloy pa ring nagmumulto sa kasalukuyan ang paghahangad ng pagbabago na minsang ipinaglalaban laban sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Ang EDSA People Power Revolt o Pag-aalsang EDSA ay isang serye ng apat na araw na mga protesta noong Peb. 22 hanggang 25, 1986 na naglalayong wakasan ang hindi makatarungan at hindi makataong pamamalakad ni Marcos Sr.
Sa loob ng apat na araw, nayanig ang pundasyon ng kapangyarihan sa Pilipinas. Bagaman nagtangka ang pamahalaan ni Marcos Sr. na supilin ang mga nag-aalsa sa pamamagitan ng pagpapakilos ng mga tangke at sundalo sa kahabaan ng EDSA, hindi nagpatinag at nagpadala sa bagabag ang sambayanang Pilipino.
Maraming dahilan kung bakit nagsimula ang EDSA, kabilang na rito ang pagdedeklara ng batas militar noong 1972, ang pagpaslang kay Senador Ninoy Aquino noong 1983, gayundin ang malawakang pandaraya sa snap election sa pagitan nina Corazon Aquino at Marcos Sr. noong 1986.
Subalit sa kabila ng mga dahilan, pinatunayan ng mga Pilipino na hindi imposibleng makapagpatalsik ng despotikong lider sa pamamagitan ng nagkakaisang lakas at masidhing paglaban ng mamamayan sa protesta sa lansangan sa kalunsuran at armadong paglaban sa kanayunan.
Sa kasalukuyang panahon, sa gitna ng mga hindi matapos-tapos na diskusyon tungkol sa korupsiyon, katiwalian at abuso sa kapangyarihan, isang paalala ang diwa ng EDSA. Patuloy nitong dinadalaw ang mga naratibo upang hindi makalimutan na tunay na pagkakaisa ang sagot upang wakasan ang madilim na bahagi at simulan ang panibagong umaga na bitbit ang pag-asa.