Nananatili ang panganib sa mga OFW
Hanggang ngayon, nananatiling nasa bingit ng pang-aabuso, kawalan ng proteksiyon at maging nasa banta ng kamatayan ang mga OFW.
Binitay noong Marso 17, 1995 sa Singapore ang Pilipinong domestic worker na si Flor Contemplacion matapos hatulang guilty sa kasong murder sa pagpatay sa kapwa domestic worker na si Delia Maga at sa tatlong taong gulang na batang inaalagaan nito.
Naging makasaysayan ang kanyang kaso dahil nagdulot ito ng malawakang protesta at pagkondena sa kapabayaan ng gobyerno ng Pilipinas at nagsilbi ring malaking krisis diplomatiko sa ugnayan ng bansa at ng Singapore.
Lumitaw ang maraming alegasyon ng iregularidad sa proseso ng paglilitis kay Contemplacion. Isa rito ang umano’y sapilitang pag-amin niya ng pagpatay dahil sa matinding panggigipit sa kanya ng mga imbestigador. Binatikos din ang kawalan ng sapat na tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas sa kabila ng malakas na panawagan ng publiko para rito at kakulangan ng legal na representasyon para kay Contemplacion.
Naging mitsa naman ang kanyang kaso para sa magkaroon ng mga reporma kaugnay sa pagsisiguro ng kaligtasan ng mga overseas Filipino worker (OFW). Ipinasa ng pamahalaan ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act o Republic Act 8042 na layong magbigay ng mas malinaw na mekanismo para sa proteksyon ng mga OFW.
Nakapaloob dito ang paglalaan ng pondo ng gobyerno ng Pilipinas para sa legal na serbisyo para sa mga OFW na nasasangkot sa kaso sa ibang bansa, ang tungkulin ng administrasyon na tiyakin ang mabilis na repatriation ng mga OFW sa oras ng emergency, kaguluhan o paglabag sa kontrata at iba pa.
Naipasa man ang ganitong batas, malinaw pa ring nakikita sa kasalukuyan ang mga paghihirap na dinaranas ng mga OFW sa iba’t ibang bansa na nakakaapekto sa kanilang seguridad sa trabaho at kaligtasan.
Nitong Peb. 28, namatay si Mary Ann De Vera, 32, sa Tel Aviv, Israel habang papunta sa bomb shelter matapos tamaan ng shrapnel mula sa sa missile strike sa gitna ng nagaganap na giyera ng US at Israel sa Iran. Siya ang unang naitalang Pilipinong nasawi sa nasabing giyera.
Ayon sa Migrante Philippines, mahigit 2.5 milyon na mga OFW sa West Asia ang maaapektuhan ng giyerang ito. Nananawagan sila ng agarang suporta mula sa gobyerno para sa pag-aasikaso ng mga OFW para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Naging makasaysayan man ang yugto ng kaso ni Contemplacion para sa pagtatatag ng mga mekanismo sa pangangalaga sa mga OFW, hindi pa rin natatapos ang kanilang mga paghihirap lalo na’t sa panahong malinaw ang pagpapatuloy ng labor export policy ng bansa.
Hanggang ngayon, nananatiling nasa bingit ng pang-aabuso, kawalan ng proteksiyon at maging nasa banta ng kamatayan ang mga OFW habang nagtatrabaho.