Institusyon sa paggawa naaalarma sa iskema ng mga kompanya sa pagtitipid


NAALARMA ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. (Eiler) sa mga benepisyo ng mga manggagawa at oras ng kanilang paggawa ang isinasagawa ng mga kompanya para makatipid. Binatikos ni Anna Leah Escresa-Colina, deputy executive director ng Eiler na independiyanteng institusyon ng pananaliksik sa paggawa, ang mga hakbang ng mga kompanya dahil labag umano […]

NAALARMA ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. (Eiler) sa mga benepisyo ng mga manggagawa at oras ng kanilang paggawa ang isinasagawa ng mga kompanya para makatipid.

Binatikos ni Anna Leah Escresa-Colina, deputy executive director ng Eiler na independiyanteng institusyon ng pananaliksik sa paggawa, ang mga hakbang ng mga kompanya dahil labag umano ito sa legal na mga proteksiyon para sa makatarungang sahod at insentibo ng mga manggagawa.

Atake rin umano ito sa matagal nang ipinaglalabang karapatan ng mga manggagawa para sa mga benepisyo bukod sa sahod.

Itinukoy ni Escresa-Colina ang bagong pag-aaral ng Australia-New Zealand, British, Canadian at European Chambers of Commerce in the Philippines na nagsasabing 25 porsiyento ng mga lokal at dayuhang kompanya na nasarbey ay gumagawa ng mga hakbang para bawasan ang mga insentibo ng mga manggagwang Pilipino.

Umabot sa 12 porsiyento ang nagbawas ng benepisyo, samantalang 13 porsiyento naman ang nagbawas ng mga bonus para makabawas ng gastos. Umabot rin sa 12 porsiyento ang nagpapatupad ng flexible workweeks o hindi-arawang pagtrabaho ng mga manggagawa.

Ipinaliwanag ni Escresa-Colina na labag ito sa ilang probisyon sa Labor Code na naglalaan ng mga panuntunan sa pagbibigay ng mga benepisyo tulad ng leave, overtime at vacation pay.

Sinabi pa ng Eiler na hindi dapat maging dahilan ang pandaigdigang krisis pampinansiya para tapyasan ang mga benepisyo ng mga manggagawa para lamang manatili ang kita ng mga kompanya.

Naalarma din ang grupo sa pagsuporta ng Department of Labor and Employment sa pagsuporta nito sa flexible workweeks.

“Ipinapakita nito ang pagsuporta ng DOLE sa mga nagmamay-ari ng kapital, hindi sa naglilikha nito,” pagtatapos ni Escresa-Colina.