Warrantless arrest

April 19, 2009

PINAG-UUSAPAN ngayon ang pagkamatay ng asawa ng tanyag na brodkaster na si Ted Failon. Ngunit mas pinag-uusapan ang isinagawa ng pulisyang imbestigasyon sa pangyayari at ang naging resulta nito. Marami ang nagtaas ng kilay nang biglang arestuhin ng pulisya ng walang warrant of arrest si Ted Failon, ang drayber at mga kasambahay ng pamilya, ang isang matalik niyang kaibigan, at maging ang mga kapatid ng nasawi niyang asawa. Ang kaso raw nila: obstruction of justice dahil mukhang may gusto silang itago sa pagkamatay ng biktima.

Ginagawa lamang namin ang aming tungkulin, sabi ni PNP Director General Jesus Verzosa. Ngunit hindi naniniwala rito si Cong. Rufino Biazon. Mukha silang nababaliw, puna niya sa ginawang pang-aaresto. Pinuna rin ito nina Sen. Mar Roxas, Francis Pangilinan, at Chiz Escudero. Disgustado sila sa marahas na pamamaraan na pinakita ng mga pulis.

Ayon sa ating batas, hindi maaring arestuhin ang isang tao kung walang warrant of arrest. Magiging hindi legal ang pang-aaresto. Ngunit may exception ang nasabing patakaran. May mga pagkakataon na maaring arestuhin ang isang tao kahit walang warrant. Una, when the person to be arrested is committing, about to commit , or has just committed an offense in the presence of the arresting officer, maari siyang mang-aresto kahit walang warrant. Pangalawa, kapag siya ay isang bilanggong tumakas, puwede na rin siyang arestuhin na hindi kailangan ang warrant. Ikatlo, kung may nangyaring krimen at may resonableng batayan para maniwala na ang taong aarestuhin ang may kagagawan nito ay maari din siyang arestuhin kahit walang warrant.

Saan sa mga sitwasyong nabanggit pumapasok sina Ted Failon? Ang kasalanang nagawa, ayon sa mga pulis, ay ang obstruction of justice. Ito ay ang pagharang sa imbestigasyon ng isang krimen. Samakatuwid, kailangang may nangyaring isang krimen at hinaharangan nila ang pag-iimbestiga nito.

Ngunit hindi pa sigurado ang mga pulis kung may naganap ngang krimen. Hindi pa sila sigurado kung pinatay ba o kusang nagpakamatay ang asawa ni Ted Failon. Kung nagpakamatay ito, tulad ng sinasabi ng mga testigo, walang krimen na naganap sapagkat hindi krimen ang pagpapakamatay. Samakatuwid, lalabas na walang imbestigasyon ng krimen na hinaharangan sina Ted Failon at ang iba pang mga hinuli para sila hulihin ng walang warrant of arrest.

Sa ganitong sitwasyon, hindi dapat nanghuli ng walang warrant ang mga pulis. Dapat ay kumuha muna sila ng warrant bago nanghuli. Galing sa hukom ang warrant of arrest at binibigay lamang matapos ang masinsing pag-aaral ng huwes. Kung ginawa ito ng mga pulis, matitiyak na wastong proseso ang kanilang sinunod at maiiwas sa batikos ng publiko ang kanilang departamento. Total, nandiyan lang naman sina Ted Failon at walang indikasyon na tatakas ang mga ito. Buti na iyong slow but sure, ika nga.

Pero naging takaw-aresto ang mga pulis. Pinosasan pa nila ang isang kapatid ng namatay at itinulak sa kanilang sasakyan. Nakipagbuno rin sila sa mga kamag-anak ng isa pang kapatid upang madala nila ito. Kitang-kita ito ng buong bayan sa telebisyon. Umiral na naman ang pagiging utak-pulbura ng kapulisan.

Bakit kaya nila ginagawa ito? Imbes na maging human rights protector sila, bakit sila naging human rights violator?

May kinalaman kaya ito sa mga expose ng tanyag na brodkaster laban sa administrasyong Arroyo, lalo na ang tungkol sa isang computer company na gustong sumali sa bidding ng computerization ng Comelec na di umano’y kontrolado ng Unang Ginoo?

Nagtatanong lang, mga mahal naming mambabasa. Ang masama nito ay kung sabihin na naman ng mga pulis na isang krimen ang pagtatanong at arestuhin tayo nang walang warrant.