Pagbabalik ng makata

May 23, 2009

koyang1

Puso at Isip ni Jess Santiago

LABINLIMANG taon na ang nakaraan (at marahil humaba na rin at lalong pumuti ang kanyang buhok) matapos ang kanyang huling album, naglabas ng bagong kalipunan ng kanyang mga awit si Jess Santiago, isang beteranong mang-aawit at makata. Inilunsad noong nakaraang Disyembre 6, 2008, nilaman ng labingtatlong kanta sa Puso at Isip ang iba’t ibang damdamin sang-ayon sa mga hindi nairekord na himig at prosa ni Koyang Jess mula taong 2001 hanggang noong nakaraang taon.

Matutunghayan sa ikatlong kalipunan ng mga awit ng makata (nauna niyang inilabas ang Obando noong 1991 at Halina noong 1994) ang ilang personal na paglilimi ng musikero na isa ring makata. Sinambit niya ang saloobin ng isang ama sa nagdalaga niyang anak sa 18, ang kanyang pagmamahal sa sariling wika sa pamamagitan ng pagbaybay sa kalawakan/kalaliman nito sa Loob, ang paglalahad ng kultura at sikolohiyang Pinoy sa Onli in da Pilipins sa pagababanggit ng ilan.

Personal rin marahil, at pagtawid sa makabagong henerasyon, ang labsong na Laging Ikaw, isang pinaghusay na paglalahad ng titik sa damdamin ng pag-ibig. Sa prosa makikita ang mga katagang Ikaw ang larawan sa aking locket / Ikaw ang pera sa aking wallet / Ikaw ang susi sa bawat silid ng pag-ibig / Sa isip ko ay ikaw ang sim card / Ikaw ang charger ‘pag puso’y low-batt / Ikaw ang text, ikaw ang tawag ng pagliyag.

Marahil, pinaka-personal ang Palatandaan (Mapapansin mong ang buhok mo’y pumuputi) at Pagsapit ng Dilim (Heto na naman / heto na ang gabi / at ikaw’y wala / wala ka sa tabi) sa paglalarawan ng pisikal niyang kalagayan, at sa kanyang pagbubulay-bulay sa pagtanda.

Ngunit hindi naman mahihiwalay ang kanyang prosa sa pulitika, at ang kanyang paninindigan ukol dito. Matutunghayan ang ilang pagsasaliw ng temang pulitikal sa kanyang mga kanta, laluna sa pambungad na kanta. Tinawid ng Pagbabago? ang sikolohiya ng pagkilos sa pagbabagong pulitikal at sosyal kahit pa nagkaroon ng ilang popular na pagkilos tulad ng People Power. Makabayan rin ang tema ng kundimang Bayan Muna.

Ilan pang awit ang lantarang pulitikal ang laman. Isang awit, na unang nalathala sa kolum niyang paberso sa Pinoy Weekly, ang patungkol sa kanyang pagsalungat sa War on Terror ng nakaraang pangulo ng US na si Gerorge W. Bush. Bitbit ang mga linyang Ang nag-aakalang siya’y isang diyos / Tingin sa sarili’y isang manunubos // Tandaan ang ngalan: George W. Bush, nailathala ang Panginoon ilang buwan bago ilunsad ng US ang pag-atake sa Iraq.

Nakuha na ring mag-eksperimento ng mang-aawit sa iba’t ibang porma ng musika. Karamihan ang may saliw ng tradisyunal (at pamilyar) na folk music. Subukan mong magsayaw sa “Onli in da Pilipins,” makikanta na rin, at maharil makakasabay ka sa awitin kahit hindi mo kabisado ang titik nito (sumabay ka na rin sa “Ahay!”). At salamat sa tulong ni Lourd de Veyra at ng Radioactive Sago Project, muling narinig ang tinig ng makata nang tulain niya sa saliw ng acid jazz ang Eksenang Tahimik. Akma lamang, marahil, dahil kung sakali ay multi-media na ring maituturing ang piyesa, na halaw sa likhang-pinta ni Antipas Delotavo (na siya ring pabalat ng album).

Espesyal ang pagtatapos ng album, dahil ipinakita nito ang kanyang pagtunghay sa kapwa niyang alagad ng sining. Bukod sa “Eksenang Tahimik” ay humalaw rin siya ng ibang kanta mula sa karatig-bansang Korea sa rendisyon at pagsasalin niya ng Achim Iseul ni Kim Min’gi. Espesyal, dahil tumulay sa bansa ang himig at damdaming melankolya sa Hamog sa Umaga.

Binuo ang album sa tulong ng mga bigating pangalan sa industriya ng musika. Katulong ni Koyang ang mga beteranong musikero tulad ni de Veyra, kasama na rin ang kaibigan niyang sina Ronnie Quesada, Dodjie Fernandez, Joey Ayala, Popong Landero, Gary Granada, Noel Cabangon. Naglapat rin ng boses sina Cynthia Alexander, Bambi Diaz, Georgette Gonzales at Ronald Tomas. Nag-ambag din ng talento sina Simon Tan sa Bass at Rene “Chong” Tengasantos sa percussions.

Patunay ang Puso at Isip na hindi kumukupas ang himig at prosa ni Koyang Jess sa pagdaan ng panahon, kahit pa lalong humaba’t pumuti ang kanyang buhok. Patunay rin na tuloy ang pagkilos para sa tunay na paglaya at pagbabago sa puso at diwa.