Paglipat ng kustodiya ni Lozada, hiniling ng koalisyon para sa pagbabago


Hinihingi ng bagong tatag na Pagbabago! O People’s Movement for Change ang paglipat sa Senado ng kustodiya kay Engr. Jun Lozada na inaresto noong Abril 29 sa kasong perjury. Inilunsad noong Mayo 6 ang Koalisyong Pagbabago! sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na dinaluhan ng ilang mga personalidad bilang suporta sa kampanya laban sa […]

Hinihingi ng bagong tatag na Pagbabago! O People’s Movement for Change ang paglipat sa Senado ng kustodiya kay Engr. Jun Lozada na inaresto noong Abril 29 sa kasong perjury.

Inilunsad noong Mayo 6 ang Koalisyong Pagbabago! sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na dinaluhan ng ilang mga personalidad bilang suporta sa kampanya laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan at korapsyon sa gobyerno.

Pinangunahan ng koalisyon ang kampanyang ‘Piso para kay Lozada’ para mabigyan ng pagkakataon ang mga interesadong mamamayan na makita at madalaw ang kilalang testigo sa Manila Police District, kung saan siya nakakulong.

“Hindi ito pagsubok. Bagkus, ito ay pagtindig upang lumaban,” ayon kay Lozada sa bidyo ng pakikiisa sa koalisyon na ipinalabas sa PLM.

Ayon kay Prof. Roland Tolentino, tagapagsalita ng Pagbabago!, isang pagkutya sa sistema ng hustisya sa bansa ang pag-aresto kay Lozada dahil sa paglalantad ng pagkakasangkot ni First Gentleman Mike Arroyo at ilang opisyal ng Malakanyang sa kontrobersiyal na proyektong NBN-ZTE.

“Ironic na yaong mga kasangkot sa NBN-ZTE scandal ay hindi nanagot sa alegasyon ng korapsyon samantalang ang mga naninindigan sa kung ano ang tama at matuwid ay siya pang naikukulong,” sabi ni Tolentino.

Mula sa larangan ng akademya, simbahan, at mga pamilyang biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang mga kasapi ng nasabing koalisyon. Kabilang dito sina University of the Philippines Faculty Regent Judy Taguiwalo, Sr. Mary John Mananzan, Bibeth Orteza, Maita Gomez, Edith Burgos, Dr. Carol Araullo ng Bagong Alyansang Makabayan, Fr. Joe Dizon ng Solidarity Philippines, at iba pa.

Magsisilbi ang Pagbabago! na tagapagsulong ng mga reporma sa gobyerno at lipunan. Hihikayatin nito ang pagpili ng karapat-dapat na mga kandidato at ihahalal na mga lider sa darating na 2010 halalan.

Ulat nina Che Almuena at Carmie Barsaga