Jun Lozada umani ng malawak na suporta


UMANI ng malawak na suporta mula sa iba’t ibang sektor si Rodolfo “Jun” Lozada na kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District dahil sa kasong isinampa ng alyado ni Pangulong Arroyo na si Mike Defensor. “Naniniwala kaming ang warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 11 para arestuhin si Lozada sa kasong […]

UMANI ng malawak na suporta mula sa iba’t ibang sektor si Rodolfo “Jun” Lozada na kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District dahil sa kasong isinampa ng alyado ni Pangulong Arroyo na si Mike Defensor.

“Naniniwala kaming ang warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 11 para arestuhin si Lozada sa kasong perjury ay insulto sa lahat ng Pilipino na naghahangad ng tapat at nananagot na gobyerno,” pahayag ng Pagbabago!, isang kalipunan ng mga indibidwal na nagkakampanya para sa batayang mga pagbabago sa lipunang Pilipino.

Malaking inhustisya umano ang pagkakakulong kay Lozada batay sa reklamo ni Defensor, na nasangkot sa pagtatakip sa maanomalyang kasunduang $329 Milyong NBN-ZTE.

Sa imbestigasyon ng Senado noong nakaraang taon, sinabi ni Lozada na tinangka ni Defensor na suhulan siya para huwag nang isiwalat ang nalalaman hinggil sa naunsiyaming broadband project sa kompanya ng telekomunikasyon na pag-aari ng China.

“Kakatwang ginagamit ang testimonya ni Lozada laban sa kanya, habang hindi pa rin nauusig ang mga taong nasangkot niya sa kanyang testimonya,” pahayag naman ng Makati Business Club (MBC).

Nababahala umano ang naturang grupo ng mga negosyante na hindi pa rin sinasampahan ng Ombudsman ng mga kaso ang mga tulad ng dating tagapangulo ng Commission on Elections na si Benjamin Abalos.

Isinangkot din ni Lozada sa kanyang testimonya si Unang Ginoo Mike Arroyo, na siyang nagtulak umano na maaprubahan ang naturang maanomalyang kasunduan.

Nakikiisa umano ang MBC kina dating pangulong Corazon Aquino at sa Association of Major Religious Superiors of the Philippines na sumusuporta kay Lozada sa laban nito sa korupsiyon.

“Nangangarap kaming sa kabila ng mga hadlang para mapanagot sa korte ng batas ang tiwaling mga opisyal, darating ang panahon na mananagot ang mga opisyal na ito at magtatagumpay ang katotohanan sa dulo,” ayon pa sa MBC.

Sinabi naman ng Kaya Natin!, grupo ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Pampanga Gov. Ed Panlilio at Naga City Mayor Jesse Robredo Jr., na “masakit sa loob ang makita ang isang taong nagsugal ng kanya at ng buhay ng kanyang pamilya para sa bihin ang katotohanan hinggil sa kontrobersiyal na transaksiyon ng gobyerno na ngayong binabansagang sinungaling.”

Bumisita sa Manila Police District ang ilang tagasuporta ni Lozada at progresibong mga personahe tulad nina Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na naging legal counsel niya noong nagtestigo siya sa Senado noong 2008.