Ang isa at ang marami

June 2, 2009

Gina Pareño at Helen Gamboa ng teleseryeng "Tayong Dalawa"

Gina Pareño at Helen Gamboa ng teleseryeng "Tayong Dalawa"

Sa historyograpiya ni Zeus Salazar, mayroong apat na paraan ng pagsusulat ng kasaysayan: pangkayo, pangkami, pansila at pantayo. Pangkayo ‘pag sinasabihan ng isang bayan ang isa pa kung ano ang kasaysayan nito, halimbawa, kung sasakupin ng Pilipinas ang Inglatera at mga Filipino ang gagawa ng mga aklat-pangkasaysayan ng nga Ingles, iyon ang pangkayong pananaw. Sa pangkaming pananaw naman, ang kausap ng isang bayan ay ibang bayan. Kung lalabas tayo sa pagsusulat ng kasaysayan, maaari tayong makakuha ng halimbawa sa pagsusulat ng balita. Ang pahayagang Philippine Daily Inquirer, kapag naglalathala ng mga salitang Filipino (sa balita man o editoryal) ay nagbibigay ng salin sa Ingles sa loob ng parentesis. Pinapalagay ng praktikang ito na hindi marunong magbasa ng Filipino ang mambabasa ng PDI.

Sa pangsilang pananaw, kausap ng historyador ang kanyang bayan, at nagkukuwento siya tungkol sa ibang bayan. Ito ang uri ng kasaysayan na isinulat ni Pigafetta nang ilarawan n’ya ang mga penis wheels ng mga nakatira sa ating mga isla noong dumating sila rito ni Magellan. At sa pantayong pananaw, kausap ng isang bayan ang bayan mismo. Ang apatan ni Salazar ay maaaring ilapat hindi lamang sa pagsusulat ng kasaysayan, kundi pati sa pagsusuri ng diskurso.

At sa ating pagsusuri, maaari tayong magdagdag ng isa pa sa apatang ito: ang pang-akong pananaw. Tunghayan na lang ang joke na ito, nabasa ko noong ako’y bata pa sa isang libro ng mga patawa ng isang pari:

MARCOS: Ministro, ano ba ang mga problema ng bayan natin?
MINISTRO: Burukrata-kapitalismo, piyudalismo, imperyalismo.
MARCOS: Iyon lang ba?
MINISTRO: Ikaw mismo, pati misis mo.

Nitong nakaraang Mayo 3, inilunsad ang isang ad campaign sa pagpapalabas ng pakikipaglaban ni Pacquiao kay Hatton, at nadagdagan ng pang-anim ang limang problema ng ating bayan: Ako Mismo. Kung pupunta ka sa website ng kampanyang ito (akomismo.org) mababasa mo ang mga katagang ito, pagkaing diwang nakabase sa sining ng patalastas: “Ang pinakamalaking problema ng Pilipinas ay hindi kahirapan o katiwalian o kawalan ng kapayapaan, kundi ang pagwawalang-bahala ng mga mamamayan. Simulan mo ang pagkilos tungo sa muling pagbangon ng Pilipinas. Maliit man o malaki, ikaw mismo ang magsasabi kung ano ang gagawin mo.”

Kung gagalugarin pa ang website, makikita ang pagtuon nito sa indibidwalismo. Iyon na nga, pang-ako. Halimbawa ang tagline na, “Ako mismo ang magsisimula, ako mismo ang tatapos.” Pero magsisimula ng ano? Suicide bombing? Merong nagsabi, “Ako mismo ang magiging mabuting anak, ate, kaibigan at mamamayan.” Pero paano ka naman magiging mabuti sa isang lipunang hindi mabuti? Sa maikling kuwentong “Silang mga Naglalakad Palayo sa Omelas” ng Amerikanang si Ursula K. LeGuin, inilarawan n’ya ang isang halos perpektong lipunan kung saan lahat ng pangangailangan at kagustuhan ay nakakamit. Meron nga lamang isang bata na kailangang panatilihing nasa hikahos. Marami sa mga mamamayan ng Omelas na nalalaman ang lihim na ito ng kanilang bayan ay lumilisan. Hindi nila kayang mag-enjoy habang alam nilang may nagdurusa–na iisa–para sila maging masagana.

Sa pokus nito sa indibidwal, binubulag tayo ng Ako Mismo sa katotohanang istruktural ang mga problema ng ating bayan, iyon na nga, ang mga ismong inilista sa itaas, pyudalismo at kapitalismo. Ngayon, hindi ko sinasabing di ka dapat maging mabait na kapatid, o na dapat itapon mo na lang kung saan-saan ang iyong basura. Ang punto ko’y ito: na hindi bilang mga indibidwal kundi sa kolektibong paraan lamang natin mababago ang lipunan. Mawawala lamang ang kahirapan at katiwalian sa Pilipinas, magkakaroon lamang ng kapayapaan kung sama-sama tayong kikilos. Tayo Mismo.

Meron pang isang nagsabi, “Ako mismo hindi-hindi gagamit ng drugs.” Hindi ko sinasabing gumamit dapat ng drugs, pero ano naman ang magagawa ng hindi paggamit nito kung sakaling magdeklara ng Martial Law si GMA? O kung magtuloy nga ang Cha-cha, magkakaroon pa ba ng eleksiyon dahil lang di ka nag-shabu? Ang kinakailangan ay pakikisangkot sa lipunan. Kaya nga hindi lamang kung ano-anong maramihang gawain ang makakalutas ng mga problema ng Pilipinas, halimbawa imperyalismo. Kung lahat tayo ay magpapakamatay, totoo ngang wala nang aalipinin ang mga taga-Kanluran kundi mga taga-Kanluran din, pero sino ba ang tuturing sa pangkalahatang pagpapakamatay na ito bilang solusyon? Ang kinakailangan ay makaagham at makabayang teorya at praktika.