Uncategorized

Lahat sila’y lumuha sa kamatayan ni Douglas Quijano


Isa na namang haligi ng industriya ng aliw ang pumanaw. Sa pagkamatay ni Douglas Quijano, nabalian din ang showbiz. Dahil si Douglas ay isang moog sa larangang ito. Mula pa noong 1960s nang magsimula siyang magsulat para sa mga tabloid at magasin tungkol sa mga artista, naipakita ni Quijano ang kanyang kahusayan at pagmamahal sa […]

Isa na namang haligi ng industriya ng aliw ang pumanaw.

Sa pagkamatay ni Douglas Quijano, nabalian din ang showbiz.

Dahil si Douglas ay isang moog sa larangang ito.

Mula pa noong 1960s nang magsimula siyang magsulat para sa mga tabloid at magasin tungkol sa mga artista, naipakita ni Quijano ang kanyang kahusayan at pagmamahal sa sining ng peryodismo at pelikula.

Alam ba ninyo na si Tito Doug ay naging kasapi ng isang organisayon ng mga kritiko ng pelikula kasama ang peryodistang si Neal Cruz, ang manunulat pampanitikan na si Wilfrido Nolledo at iba pang matitinik na panitik?

Naging potograpo rin si Dougie at hindi nga ba’t ang mga larawan na lumalabas sa kanyang mga pitak ay siya ang kumuha?

Kaya nga noong mga huling taon ng 1970s ay nagpatayo siya ng photo studio sa may malapit sa P. Tuazon Street at 15th Avenue sa Murphy sa Cubao.

***

Nang maging kanang kamay naman siya ni Mrs. Lily Monteverde para sa Regal Films bilang Production Coordinator at Line Producer, gumawa siya ng mga kontribusyon sa larangan sa pamamagitan ng paglikha ng mga bago sa pelikula tulad ng “Shake, Rattle & Roll” na mga serye, mga pelikula ni Ishmael Bernal at iba pang makabuluhang proyekto na nag-ambag sa pagsigla at pagkabuluhan ng pelikula sa buhay ng tao sa lipunan.

Sa Viva Films naman ay responsible si Douglas sa pag-imbento ng “Bagets” nina JC Bonnin, Herbert Bautista, Raymond Lauchengco, William Martinez at Aga Muhlach.

Isa itong makasaysayang paglikha ng pangkabataang panoorin na may ibubuga at replektibo ng kasalukuyang timpla ng mga kabataan.

Nang sumapit ang 1990s ay binuo niya ang “Guwapings” nina Mark Anthony Fernandez, Eric Fructuso at Jomari Yllana para sa Star Cinema Poductions.

Sa maikling salita, nakay Douglas ang pulso ng taumbayan sa oryentasyon ng mga ito kung ano ang silbi ng pelikula—pang-aaliw bagamat may iba pang layon ang showbiz at ito ay ang edukasyon at inspirasyon o maging pagdedesisyon na mabago ang isang katotohanan ng buhay na nagpapahirap sa kondisyon ng tao.

***

Nang mamatay si Douglas, lahat sila ay umiyak.

Punumpuno kada gabi ang Heritage Mortuary and Crematory Park sa Taguig City dahil sa paghahandog ng mga huling pagsulyap sa mga labi ng dakilang talent manager.

Ilan nga ba ang kanyang mga alaga na nagkamit ng popularidad at puwang sa lipunan?

Noon pa man ay alaga na niya si Charito Solis at ang mga tuklas at talento ni Artemio Marquez.

Naging tagapamahala rin siya ng sumunod na henerasyon ng mga artista—sa panahon na uso na ang pormal na manager ng mga artista pagkatapos na magpugay ang mga independent film producers tulad ng Lea Productions, Lyra Ventures, Baby Pascual Films and Associates, Regal Entertainment, Viva Films, Seiko Films at marami pang iba. Ito ay sa panahon na naglalaho na ang puwersa sa merkado ng mga nauna nang establisadong kumpanya ng pelikula tulad ng Sampaguita Pictures, LVN Pictures at Premiere Productions dahil sa malayang kalakalan.

***

Kabilang sa mga inalagaan ni Quijano sina Chanda Romero, Bembol Roco, Mark Gil, Tet Antiquiera, William Martinez ay marami pang iba.

Nitong mga 1980s ay nilikha ni Tito Douglas sina Richard Gomez, Joey Marquez, John Estrada, Janice de Belen, Anjo Yllana, Antonio Aquitania, Wendell Ramos at napakarami pang iba.

Kung hindi nga siya nmatay ay ang mga anak naman ng mga ito ang kanyang hinuhulma.

Ayon kay Richard, isa ang kanyang anak na si Juliana sa pinagpaplanuhan ni Douglas para sa mga komersyal. Pati na rin ang mga anak ng iba pa, halimbawa’y si Jeremy Marquez na anak ni Joey, marami na ring balak ang talent manager.

Kaya ang henerasyon ng mga artista ay patuloy sa pagyakap kay Douglas.

Nagmiting na sina Gomez at ang iba pang talents ni Douglas kung paano ipagpapatuloy ang naiwang pamamahala nito sa kanila.

“Pero mahirap makakita ng isa pang Douglas Quijano,” wika ni Gomez.

***

Kahit si Jomari ay nagsabi na irreplaceable si Douglas.

“Naaalala ko, no’ng mga 1990s, talagang ang daming pelikula. ‘Yon ang fondest memory ko of Tito Doug. Talagang siya ang nagbibigay sa amin ng mga projects, ang dami,” pahayag ni Yllana.

Kaya nga ang mas nauna sa kanyang mga artistang alaga ni Quijano ay nag-usap at kung may mag-alaga mang iba sa kanila, may basbas ito ng namayapang star maker.

Si Joey ang pangunahin sa nagpasya sa buhay-propesyunal ng kanyang mga kakuwadra.

Pati na rin ang ibang desisyon para sa libing at burol ni Douglas ay sina Marquez ang nagpasimuno tulad ng paraan ng paghahatid sa huling hantungan sa star builder.

Ayon sa panganay na pamangkin ni Doug na si Peewee Quijano, dating child star at ngayon ay nagtatrabaho sa call center, ang laging naririnig nina Joey kay Douglas ay cremation pag siya’y namatay kaya ito ang tinupad na hiling sa konsultasyon din sa pamilya Quijano.

***

Kung noong nabubuhay pa ay tagatulay na para sa kapayapaan si Dougie, gayundin sa kanyang kamatayan at ito ay natanto rin ni Nadia Montenegro.
“He’s a peacemaker even in death,” puna ni Nadia.
Ang tinutukoy ng aktres ay ang pagtatagpo nila at pagkakasundo ni Gretchen Barretto pagkatapos ng dalawang taong hindi pagkikibuan at pagbabati.

Nang magkita ang dalawa sa lamay ay mahigpit ang kanilang pagyayakap.
Pati ang sumandaling tampuhan nina Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez nang dahil sa panliligaw o pakikipagkatipan ni Ruffa kay John Lloyd Cruz ay sa harap ng mga labi ni Doglas naganap ang rekonsilyasyon.

Ayon sa batikang peryodistang pampelikula na si Ricky Lo, siya ang nakakita sa halos sabay na pagdating nina Rama at Gutierrez sa burol.

Alam na ni Ricky na may tampuhang purorot ang mag-ina kaya nang makita niya si Ruffa sa tapat ng kabaong ni Douglas at si Annabelle naman ay nasa may likuran ni Ruffa, ininguso ni Lo ang ina sa anak.

Napatango lang si Annabelle nang lumingon si Ruffa sa kanya.

Gayunman, nang kumakain na sila sa may isang kuwatro malapit sa kapilya ng burol, doon na sinadya ni Gutierrez na batiin, halikan at kausapin si Rama.

***

Sa lamay ding ‘yon nagkabati sina Pops Fernandez at Jomari pagkatapos na mag-away sila sa publiko.

Nag-usap ang dating magkasintahan at naayos ang gulo.

Ang hindi nagkakausap nang matagal na sina Aiko Melendez at Jomari ay nagplantsa rin ng kanilang gusot.

Gagawa pa ang dating mag-asawa ng pelikula kasama si Michael V. at ito ang handog nila sa kanilang anak na si Andrei.

Tiyak anilang matutuwa ang bata sa kanilang pagsasama kahit na sa puting tabing lang muna.

***

Isa ang peryodistang pampelikula na si Arthur Quinto sa naging malalapit kay Douglas.

Laging natatandaan nina Quijano at Quinto ang kanilang pagsasama ng halos isang dekada.

Si Arthur ang nagsilbing opisyal na tagapag-ugnay ng mga alaga ni Doug sa publiko.

Kung nasaan ang mga artistang ito ay nandoon si Arthur kahit na walang bayad ang manunulat sa pagsama. “Narating ko naman ang iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at nakapag-abroad ako nang nasa kanila pa ako,” pahayag ni Quinto, isang premyadong manunulat.

Kaya nga nang magkita sina Joey at Arthur sa lamay ay napabunghalit si Marquez: “Ito ang matagal na naming hindi nakakasama” at sinagot naman kapagdaka ni Arthur ng “E, kayo naman ang hindi naghahanap sa akin!”

Hindi ani Quinto nakapagsalita agad si Joey nang seryoso niyang sabihin ito dahil may katotohanan ngang hindi naman hinanap ng mga artista si Arthur.

***

Nasira ang relasyon nina Quijano at Quinto nang sulatin ng huli ang istorya tungkol sa paglapit ni Melissa Perez-Rubio kay Richard Gomez para ihinga ang isang problema. Kasalukuyan noong magsyota sina Melissa at Robin Padilla at nagkaroon na ng ugnayang romantiko sina Gomez at Perez-Rubio.

Ang sinulat ni Arthur na ‘yon ang sanhi ng suntukan nina Robin at Richard sa ULTRA.

Noon din ay kinumpronta ni Douglas si Arthur at tinanong kung baker ibinulgar pa ang lihim na ‘yon.

Walang naging sagot si Arthur kundi ang kanyang katwiran na siya ay malayang mamamahayag.

Pero siya naman ay nasa kapangyarihan ng sirkulo ng mga artistang ito na makapangyarihan din para humulma ng isipan ng tao kaya lang ay hindi nakapagtimpi ng emosyon at intelek si Arthur para pigilan ang sariling huwag nang isulat ‘yon kahit na katotohanan.

Impulsibo si Quinto kaya naman siya ay nagdusa mula noon.

Nawala siya sa grasya ni Quijano at sa mga materyal sa pagsusulat na ipinagkakaloob nito halimbawa’y mga kuwento at scoop.

Pero ayon kay Arthur, hindi niya pinagsisisihan ‘yon at ang pagdalaw niya sa burol ng kaibigan ay pagpapatunay na bale-wala na ‘yon sa kanya.

Nabubuhay nga ang showbiz sa komplikadong lipunan.