Pagbilang sa kulumpon ng mga tao sa rali*
Laman ng mga balita kung ilan ang dumalo matapos ang isang mobilisasyon o pangyayari. Sa tuwing may malawakang aksiyong masa, sa Mendiola, Ayala man o Edsa, magkakaibang pagtaya ang lumalabas na nagpapaliit o nagpapalaki sa bilang. Ang pulitika ng pagbilang ay lumalabas dahil ang dami ng bilang mismo ay mayroon nang sinasabi. May paraan ba […]
Laman ng mga balita kung ilan ang dumalo matapos ang isang mobilisasyon o pangyayari. Sa tuwing may malawakang aksiyong masa, sa Mendiola, Ayala man o Edsa, magkakaibang pagtaya ang lumalabas na nagpapaliit o nagpapalaki sa bilang. Ang pulitika ng pagbilang ay lumalabas dahil ang dami ng bilang mismo ay mayroon nang sinasabi.
May paraan ba para epektibong mabilang ang kulumpon ng mga tao sa isang mobilisasyon?
Ang pinakaordinaryo at praktikal na paraan ay ang pagsukat sa eryang sinaklaw ng pangyayari at bilangin, batay sa kapal ng tao, ang bilang ng dumalo sa isang tiyak na pagkakataon. Ang pagbilang na ito ay madaling magagawa sa pamamagitan ng overhead shot o aerial survey. Bagamat hindi nito mabibilang ang mga nasa lugar na may bubong o nasa loob ng gusali, magsisilbi itong gabay sa bilang ng mga tao.
Ang pagbilang sa kapal ng tao ay mula sa katotohanang ang isang tao ay ookupa ng ikapat ng isang metro kwadrado sa isang masikip na lugar. Nangangahulugan ito ng halos apat na taong nakatayo sa isang metro kwadrado. Pag mainipis ang kulumpon, mas malaking espasyo ang pagitan ng bawat isa. Dapat ding isaalang-alang na ang kapal ng kulumpon ay hindi pare-pareho, maliban sa napakasikip na erya, at ninipis pa mula sa sentro ng mobilisasyon.
Mahalaga rin kung kailan ginawa ang pagbilang dahil ang kulumpon ng mga tao ay dinamiko. Ang pagbilang sa isang pagkakataon lamang ay maaaring maiba kapag ginawa ang pagbilang sa rurok ng pangyayari o kapag malapit na itong matapos. Maaaring lumobo o numipis ang bilang dahil sa pagdating o pag-alis ng mga tao sa lugar ng pinangyarihan.
Ang ilang organisadong grupo ay nalilimita ang ganitong mga paggalaw ng kanilang mga miyembro para sa seguridad at para magbigay ng organisasyon sa isang malaking mobilisasyon. Madalas na nagtatalaga ng mga marshall para mamonitor ang pagpasok ng mga tao sa hanay at malimita ang paggala ng kanilang mga miyembro. Sanay na sa ganitong kalakaran ang militanteng mga grupo tulad ng mga nasa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan kaya nanatiling maayos ang kanilang hanay hanggang sa dulo ng programa.
Kabilang sa ibang pang paraan ay ang pagbilang direkta mula sa closed circuit TV (CCTV) na nauna nang inanunsiyo ng PNP na kanilang ipakakalat. Mahirap ito dahil ang biswal na impormasyon sa mga CCTV na ito ay limitado dahil sa maliit na eryang maaari nitong saklawin. Ang ilan pang paraan ay ang pagkuha ng bilang sa pamamagitan ng iniwang basura (artifacts) ng mga tao. Karaniwan ding praktika ng mga organisador ang pagkuha ng bilang ng mga dumalo mula sa kanilang grupo para pagbatayan ng kabuuang bilang.
Ang Ayala area kung saan ginanap ang malawakang anti-Con-Ass na mobilisasyon ay maaaring hatiin sa limang mayor na erya. Seksiyong A ang erya ng Ayala papuntang Herrera. Seksiyong B ang sentral na erya ng sangandaan, ang seksiyong C ay ang Paseo de Roxas, seksiyong D ang bahagi ng Ayala papuntang Makati Avenue at seksiyong E ay ang erya sa likod ng entablado. Dagdag na mga erya ang tulad ng sulok sa ilalim ng HSBC building at iba pang kanto. Tandaan na ang sidewalk at iba pang establisyemnto ay hindi kabilang kahit pa may mga taong tumatayo doon sa panahon ng mobilisasyon.
Ang pinakamaraming bilang na maaaring umokupa sa mga eryang ito ay 89,000 katao. Sa kalkulasyon ni Engr. Mon Ramirez ng Agham, aabot ito sa 300,000 kung isasama ang kahabaan ng Ayala mula sa De La Rosa hanggang Edsa, ang buong Paseo de Roxas at Makati Av.
Dapat ding isama sa kabuuang bilang ang mga taong huli nang dumating habang ang iba naman ay paalis na sa pangyayari. Noong nakaraang taon, ang pagpapalitang (+greplacement+h factor) ito ang nagmintine ng bilang ng mga tao hanggang gabi. Pinalitan ng mga empleyado sa Makati at iba pang grupo ang mga maagang umalis sa programa. Maaaring gamitin ang +greplacement+h factor ng 20 porsiyento para mapabilang ang mga nahuli sa pagdalo gayundin ang mga hindi nabilang (yung mga nasa establisimyento, sidewalk, etc).
Kung ang bilang ng mga tao ang target ng mga organisador ng mobilisasyon, mas magandang lugar ang Edsa sa halip na sa Ayala magtipon. Ipinakikita nito na ang mensahe sa mga pagkilos laban sa Con-Ass sa Ayala ay ang lawak ng puwersang napakilos dagdag sa pagsukat sa bilang ng mga tao. Mas lumawak ang mga grupo ng mga relihiyoso, negosyante, miltante at oposisyon kumpara sa mga nakalipas na taon. Kung sino ang nagprotesta ay kasinghalaga rin ng kung gaano karami ang nagrali.
*Salin mula sa Ingles ng Counting the crowd ni Dr. Giovanni Tapang ng Agham.