Sex videos at Barangay Defense System: panggagamit sa babae at bata


Matagal nang umiiral ang isang pyudal na sistemang panlipunan kung saan ang kapangyarihan—politikal at personal—ay ginagamit para sa pagkakamit ng mga layuning malayo sa makatao. Ito ang siyang dahilan kung bakit naaabuso ang mga bata’t kababaihan, sa porma man ng mga sex video o pagpapaloob sa kanila sa mga BDS.

chacha_editorial_cartoon

Mga babae, at posibleng kabilang pa ang isang menor-de-edad, ang ginamit at nilapastangan. Ito ang nasa ubod ng pagkondena ng malawakang publiko sa lihim na pagkuha at pagpapakalat ng mga bidyo ni Dr. Hayden Kho habang nakikipagtalik sa iba’t ibang babae, pinakatampok ang sa aktres na si Katrina Halili. Sa mga telebisyon at computer screen, naging paulit-ulit ang “pambababoy” sa mga biktimang nilabag ang tiwala at karapatan, at tinuring na mga bagay na pang-aliw ng kalalakihang nasa likod ng itinuturing krimen.

Hindi simpleng pagdodroga ni Dr. Kho ang problema. Nawawasak ang buhay ng maraming babae at bata na nadadawit sa mga sex scandal dahil sa pag-iral ng isang pyudal na sistemang panlipunan kung saan ang kapangyarihan—pulitikal at personal—ay ginagamit para sa pang-aabuso at pagkamit ng mga layuning malayo sa makatao.

Ito rin ang sistemang nagluwal sa Barangay Defense System (BDS) ng Armed Forces of the Philippines. Babae at bata pa rin, datapwat sa kanayunan at malayo sa mata ng midya, ang biktima, ayon sa ulat ng International Solidarity Mission (ISM) sa Mindanao na pinangunahan nina Gabriela Rep. Luz Ilagan, Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, at iba’t ibang progresibo at sosyo-sibikong grupo mula Mayo 14 hanggang 18.

Sa anim na erya sa Compostela Valley, South Cotabato, Davao del Sur, at Davao City, natuklasan ng ISM na pinipilit ng 10th Infantry Division ng Eastern Mindanao Command ang mga sibilyan na pumaloob sa BDS, isang elemento ng programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo na Oplan Bantay Laya 2.

Nilikha ang BDS sa ilalim ng Local Government Code para makatulong sa pagmamantine ng “peace and order” sa mga komunidad. Pero ayon mismo ng 10th ID sa isang press release, tumutulong ang BDS laban sa diumano’y impiltrasyon ng mga “prenteng organisasyon” ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Bagaman hindi direktang inamin, tinutukoy ng militar, siyempre pa, ang progresibong mga organisasyon gaya ng Bayan Muna at Gabriela. Ayon sa mga residente sa mga eryang pinuntahan ng ISM, binibisita sila sa bahay ng mga sundalo at pinepresyur na ibigay ang pangalan ng mga miyembro ng nasabing mga organisasyon.

Halimbawa, 400 residente sa Tampakan, South Cotabato ang umano’y sapilitang nirekruta sa BDS. Kabilang na dito ang matatandang babae. Si Virgie (di tunay na pangalan), binibisita ng mga sundalo ng 27th Infantry Batallion sa alanganing oras ng gabi para hingin ang pangalan at cell phone number ng kanyang mga kamag-anak na inaakusahang NPA. Siya mismo, inaakusahang namundok sa panahong nagpa-chemotherapy lamang siya sa Davao City.

Sa 15 baranggay naman sa New Bataan, Compostela Valley, babae at bata ang karaniwang nirerekrut sa BDS para maging espiya at kuryer ng militar. Natuklasan ng ISM ang 14-anyos na si Ramon habang naka-duty para sa 66th Infantry Batallion. Kuwento ni Ramon, nag-uulat siya sa AFP ng 12 oras, may dalawang beses sa loob ng isang linggo.

Ayon sa Kabiba Alliance for Children’s Concerns, ang pagrekruta ng mga bata laban sa mga rebelde ay labag sa Republic Act 7610 o Special Protection to Filipino Children Act at United Nations Convention on the Rights of the Child. Gayundin ang pagkakampo ng militar sa mga eskuwelahan at sa mga lugar na malapit dito.

Samantala, tinangkang ambusin ang babaing lider-manggagawa na si Liza Alo nang pauwi ito mula sa ISM noong Mayo 16. Tatlong lalaking nakamotorsiklo ang humabol sa kanya.

Sa kanayunan ng Mindanao—at malamang sa iba pang bahagi ng bansa—ginagamit at nilalapastangan ang mga babae at bata. Mismong buhay ang nanganganib dahil sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga awtoridad na pinagkatiwalaang magpoprotekta sa kanila. Gaya ng mga palihim na kumukuha at nagpapakalat ng mga sex video, mga salaring may maruming layunin ang mga militar na pinapaloob ang mga babae at bata sa BDS.

Ubod ng paglapastangan ang walang pagkamuwang ng mga babae at menor-de-edad sa mga sex video na gagawin pala silang mga instrumento ng aliw at kita. Ganoon din sa mga babae at bata sa BDS—malamang na walang muwang na ang impormasyong kinukuha sa kanila ng AFP ang bumubuo sa mga Order of Battle kung saan mga sibilyan sa halip na rebelde ang target ng anihilasyon, pagdukot, o panghaharas. O kung may muwang man, sa bisa ng mga armalayt na bitbit o nakatutok ay walang-wala silang magawa. (IDQ)