Tigil-pasada, kasado na


Kasalukuyang pinaghahandaan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) ang “pambansang koordinadong tigil-pasada” na gaganapin sa Lunes, Hulyo 13. Layon ng pagkilos na tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at ang mga multang ipinataw ng Department of Transportation and Communication sa mga tsuper at opereytor sa pamamagitan ng Department Order […]

Kasalukuyang pinaghahandaan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) ang “pambansang koordinadong tigil-pasada” na gaganapin sa Lunes, Hulyo 13. Layon ng pagkilos na tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at ang mga multang ipinataw ng Department of Transportation and Communication sa mga tsuper at opereytor sa pamamagitan ng Department Order (DO) 38 at 39 na ipinatupad noon pang nakaraang taon.

Binuo rin ang “Task Force Hulyo 10” na kinabibilangan ng Piston, mga kaalyadong trasport group, makabayang mga organisasyon at progresibong mga partylist upang paghandaan ang tigil-pasada.

Layon ng tigil-pasada na itulak ang gobyerno na ipag-utos sa malalaking kompanya ng langis, partikular ang Petron, Shell at Chevron o ang tinaguriang “Big 3”, na itigil ang “over-pricing” ng mga produktong petrolyo. Kaugnay nito, sinusulong ng grupo ang pagbabasura ng oil deregulation law upang “makontrol muli ng gobyerno ang industriya ng langis.” Ayon sa Piston, ito ang dahilan ng “walang  habas na pagtaas” ng presyo ng langis.

Samantala, panawagan din ng Task Force Hulyo 10 na sundin ng gobyerno ang utos ng Manila Regional Trial Court branch 26 na isailalim ang Big 3 sa auditing ng Commission on Audit, Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs. “Ang paggamit ng gobyernong Arroyo sa Office of the Solicitor General para pigilan ang inutos ng nasabing korte ay patunay ng pagprotekta nito sa interes ng Big 3,” ayon kay Mody Florenda ng Piston-NCR.

Gayundin, gusto ng grupong alisin ang E-VAT na “malaki ang maitutulong upang maibaba ang presyon ng langis.”

Ipinapanawagan din ng Piston ang pagbuwag sa Department of Energy (DOE), na pinamumunuan ng anak ng pangulo na si Rep. Mikey Arroyo. Ayon kay George San Mateo, secretary general ng grupo, nagsisilbi lamang na “spokesman at tagapagtanggol” ng Big 3 ang DOE.

Samantala, hinihiling din ng grupo na ibasura ang DO 38 at 39 na nagpapataw ng iba’t ibang mga bayarin sa ordinaryong drayber. Ayon kay, Bernie Mendoza, pangulo ng Eastern Transport Council at transport representative ng city government ng Marikina, nagreresulta ito sa malawakang korupsyon sa pamamagitan ng kotong. Malaking kabawasan din umano ito sa kita ng mga tsuper at opereytor.

Ayon kay San Mateo, tuloy na tuloy na ang tigil-pasada sa Lunes. Ilan sa mga lugar sa Metro Manila na magsisilbing “protest centers” ay ang Cubao, Aurora, Kalayaan Avenue, Litex, Pasig at Alabang. Samantala, inaasahan ring lalahok sa tigil-pasada ang mga tsuper sa Makati.

Magkakaroon din ng tigil-pasada at iba’t ibang tipo ng kilos protesta sa Davao, Cagayan de Oro, Cebu, Panay, Guimaras, Bicol at Metro Baguio.